Kinundena ng Panay Alliance Karapatan ang pag-aresto ng mga pwersa ng pulis at militar sa dalawang beteranong babaeng manggagawang pangkaunlaran sa isla ng Panay noong Abril 2. Inaresto sina Josephine Parra Porquia, 64, at Ma. Luisa Tagamolila Guillen, 62, sa kanilang tinutuluyang bahay sa Barangay Aganan, Pavia, Iloilo.

Ang naturang operasyon ay isinagawa ng labis-labis at pinagsanib na mga pwersa ng Pavia Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit ng Iloilo Provincial Police Office, 62nd Special Action Company ng PNP Special Action Force, ng Philippine Army’s 301st IBde, at ng Passi City Police Station. Nakadetine sila sa Pavia Municipal Police Station.

Ayon sa mga pulis, si Porquia ay inaresto sa bisa ng mandamyento de aresto para sa kasong rebelyon na inilabas ng Regional Trial Court Branch 21 sa Mambusao, Capiz noong Hunyo 28, 2012. Itinakda ang ₱40,000 pyansa para sa naturang kaso.

Habang inihahain ang mandamyento kay Porquia, iniulat ng mga pulis at militar na nadiskubre sa kanya ang mga kagamitan sa pagmamanupaktura ng mga pampasabog. Dahil dito, haharap siya sa karagdagang kaso ng paglabag sa Republic Act 9516 o batas kaugnay ng iligal na pagmamanupaktura, pagbebenta at pag-aari ng mga pampasabog.

Pinararatangan din siyang mataas na upisyal ng Komiteng Rehiyon sa Panay ng Partido Komunista ng Pilipinas. Samantala, inaresto si Guillen sa kasong obstruction of justice matapos umanong pigilan ang mga pulis at militar na isagawa ang naturang operasyon.

“Kasama ang kanilang mga pamilya, kinukundena namin ang nagpapatuloy na paggamit sa sistemang ligal para ligaligin ang mga aktibista at ituring ang lehitimong gawaing pangkaunlaran bilang mga kriminal at iligal na gawain,” pahayag ng Panay Alliance Karapatan. Dagdag ng grupo, sinadyang itaon sa kasagsagan ng Semana Santa ang pag-aresto para pabagalin ang prosesong ligal at patagalin ang detensyon ng mga biktima.

Si Porquia ay isang beteranong aktibista. Naging tagapagtaguyod siya ng karapatan ng mga migranteng Pilipino noong dekada 1990 habang ang kanyang asawang si Jose Reynaldo “Jory” Porquia ay nagtatrabaho sa labas ng bansa. Naging koordineytor siya ng grupong Migrante at nagpapatuloy sa pagtataguyod ng kagalingan ng sektor.

Noong Abril 2020, pinatay ng armadong pwersa ng estado ang kapwa aktibista at asawa niyang si Jory habang noo’y naglilingkod sa mga komunidad na sinasalanta ng pandemyang Covid-19. Ilang buwan makalipas, lumabas ang pangalan ni Josephine sa isang tsart ng “threat assessment” ng 3rd ID.

Samantala, si Guillen ay myembro ng grupong Gabriela. Malaon na siyang nagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng kababaihan sa isla ng Panay. Ina rin siya ni Atty. Angelo Karlo Guillen, myembro ng National Union of People’s Lawyers, na tinangkang patayin sa pagsaksak noong Marso 2021 habang tumatayong abugado ng mga Tumandok na biktima ng maramihang pag-aresto at masaker noong Disyembre 2020.

“Ang mga pag-arestong ito ay hindi nahihiwalay na mga insidente kundi bahagi ng mas masaklaw na padron ng arbitraryong pag-aresto laban sa mga nagtatanggol sa karapatang-tao at manggagawang pangkaunlaran,” ayon sa Panay Alliance Karapatan. Paulit-ulit umanong ginagamit ang gawa-gawang mga kaso, iregular na mga operasyon ng pulis, at paglabag sa tamang proseso para palabasing lehitimo ang pag-aresto at pagdetine sa kanila.

Ayon sa Karapatan, pambansang alyansa para sa karapatang-tao, inilalantad rin ng pang-uusig sa dalawa ang pagpapatuloy ng rehimeng Marcos sa patakaran ng nakaraang rehimen ng pagtarget sa mga aktibista. Higit umanong bumibigat ang mga krimeng ito ni Marcos laluna at isinagawa ang mga ito habang nagdurusa ang mamamayan sa krisis.

Nanawagan ang mga grupo para sa agarang pagpapalaya kina Porquia at Guillen at pagbabasura ng gawa-gawang mga kaso laban sa kanila.

The post Pag-aresto sa 2 beteranong babaeng manggagawang pangkaunlaran sa Panay, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.