Mariing kinundena ng mga bansa, mamamayan, at mga organisasyon at institusyon sa karapatang-tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang ipinasang batas ng Zionistang estado ng Israel para patawan ng parusang kamatayan ang sinumang Palestino na nahatulan sa pagpatay ng isang “Israeli.”

Sa botong 62-48 at isang abstention (di bumoto), pumasa ang batas noong Marso 30. Nakasaad dito na awtomatikong papatawan ng parusang kamatayan, sa pamamagitan ng pagbitay, ang sinumang Palestino sa West Bank na nahatulan ng korteng militar ng Israel ng pagpatay ng mga “Israeli.” Sa kabilang panig, walang katulad na parusa sa mga “Israeli” na nagkasala ng pagpatay ng isang Palestino.

Ayon sa Human Rights Watch at Amnesty International, malinaw na “mapang-api” at labag sa mga internasyunal na makataong alituntunin ang naturang batas. Nanawagan naman ang European Union at ilang bansa tulad ng Britain, France, Germany, at Italy na bawiin ng Zionistang Israel ang batas.

Sa Pilipinas, agarang kinundena ng Philippines-Palestine Friendship Society (PPFS) ang batas.

Ayon kay Atty. Edre Olalia, isa sa mga lider ng PPFS, ang batas ay hindi lamang paglabag sa karapatang-tao, kundi “tahasang pagpapakita ng rasismo at apartheid ng Israel laban sa mamamayang Palestino.”

Nanawagan si Olalia sa internasyunal na komunidad, gayundin sa masang Pilipino na nakaranas din ng kolonyalismo at paniniil, na huwag manahimik at suportahan ang karapatan ng mga Palestino sa kalayaan at hustisya.

“Ang batas na ito ay nagpapahiwatig ng bagong yugto ng sistematikong pagpatay na dapat pigilan ng United Nations at International Criminal Court,” aniya.

Samantala, naglabas ng pinag-isang pahayag ang Pakistan, Turkey, Egypt, Indonesia, Jordan, Qatar, Saudi Arabia, at UAE para kundenahin ang batas. Itinuring naman ito ng Palestinian Authority bilang “krimen sa digma.”

Sa kasalukuyan, di bababa sa 9,000 Palestino ang nakakulong sa iba’t ibang kulungan ng Israel, kabilang ang mga menor-de-edad. Marami sa kanila ang ikinulong nang walang kaso, at walang nakatakdang pagdinig, at dumadanas ng matinding tortyur sa kamay ng mga “Israeli.”

The post Batas ng Israel para sa pagbitay ng mga Palestino sa kasong pagpatay, kinundena sa buong daigdig appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.