Matatapos ngayong araw, Byernes Santo, ang Kalbaryo ng Mamamayan 2026, isang pagkilos tuwing Semana Santa ng mga komunidad ng maralita at manggagawa, at taong-simbahan para ilahad ang mga pasanin ng mamamayang Pilipino, laluna sa hinaharap ngayong krisis sa ekonomya.

Sinimulan noong Martes Santo, Marso 31, ang aktibidad sa isang misa at simbolikong prosesyon na tinaguriang “Kalbaryo ng Maralita” sa komunidad sa NIA Road sa Quezon City. Mahigit 200 lider at myembro ng Kadamay, kasama ang mga taong-simbahan, ang nagtipon sa komunidad. Tampok sa kanilang protesta ang pagsingil sa rehimeng Marcos sa kawalan ng katiyakan sa pabahay, demolisyon, at kakulangan sa batayang serbisyo sa komunidad, lalo matapos ang malaking sunog dito noong nakaraang taon.

Dala rin nila ang isyu ng pagpapalayas sa mga maralitang komunidad sa University of the Philippines sa Diliman dulot ng SDG Park project, at mga banta sa kabuhayan, seguridad at komunidad sa Area 17, Pook Aguinaldo, at Pook Malantik.

Nagkaroon ng katulad na mga aktibidad sa mga komunidad sa Tondo, Caloocan, Malabon, Navotas, gayundin sa Welcome Rotunda at Tatalon sa Quezon City. Sa Maynila, isinagawa ang Kalbaryo ng Manggagawang Pangkalusugan at Mamamayan sa harap ng Department of Health. Binigyang-pansin ng mga manggagawang pangkalusugan ang pagtaas ng presyo ng gamot at dagag na hirap sa pagpapa-ospital.

Sa Davao City, idinaos ang “Kalbaryo sa Katawhan” sa Freedom Park. Sa pangunguna ng Bayan-Southern Mindanao at Kadamay-Davao, ipinahayag nila ang pagtutol sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis, kawalang aksyon ng gubyerno sa kahirapan, at korapsyon.

“Ang kalbaryo ng mamamayan ay hindi lamang relihiyosong ritwal kundi salamin ng totoong paghihirap na dinaranas araw-araw ng mahihirap,” ayon kay Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). “Patuloy na pinapasan ng masa ang bigat ng mataas na presyo ng langis, demolisyon, at kawalan ng disenteng pabahay at trabaho.”

Ang Kalbaryo ng Mamamayan ay taunang pagkilos na pinagsasama ang pananampalataya at pakikibaka. Para sa mga organisador, hindi sapat ang personal na pagsisisi; kailangan ng kolektibong aksyon para wakasan ang sistematikong paghihirap.

Sa pagtatapos ng Semana Santa, nananawagan ang mga grupo sa gubyerno na tugunan ang mga hinaing sa pabahay, sahod, at presyo ng bilihin. “Ang ating paglalakbay ay kolektibo. Sa panahon ng hirap, sama-sama tayong lumalaban,” pahayag ng kalahok ng pagkilos.

The post Kalbaryo 2026: Paghihirap at panawagan para sa katarungan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.