Buong diwang binabati ng ARMAS – Balangay Ka Soral Malaya ang Bagong Hukbong Bayan sa maningning nitong ika-57 anibersayo na pagsulong ng matagalang digmang bayan tungo sa lipunan na malaya at may pambansang demokrasya!

Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ang pagdausdos sa kalidad ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino bunsod ng gera ng imperyalistang US at Israel sa Iran at sa labis na pagluhod ng inutil na rehimen ni Marcos Jr. sa amo nitong imperyalismong US (IUS). Walang humpay rin ang panggigipit ng mga malalaking burgesya komprador, tulad ni Ramon S. Ang, sa mamamayan upang kumita ng super-tubo sa gitna ng matinding krisis, kasabwat ang gobyerno ni Marcos Jr, pigang-piga ang mamamayang Pilipino sa napakamahal na presyo ng langis, batayang bilihin at serbisyo, at kawalan ng kongkreto at agarang tugon ng pamahalaan.

Lubos na nasasakdal sa kahirapan ang dati nang gutom at naghihikahos na mamamayan, kaya naman higit lumalawak at lumalakas ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan sa Pilipinas tungong ibayong dagat. Ibuhos man ng rehimeng US-Marcos Jr at mga pasistang galamay nito ang lahat ng kanilang makinarya para supilin ang mamamayang lumalaban at mga rebolusyonaryong pwersa, hinding-hindi nito magagapi ang masa na pinagbubuklod sa layuning puksain ang Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata-Kapitalismo.

Sa isang lipunang malakolonyal at malapyudal, lalong umiigting ang kulturang pyudal, kolonyal, at burgis na likha ng mapagsamantalang uri bilang desperadong pagsisikap na isalba ang pabagsak na nitong paghahari.

Hanggang sa paraan lamang ng ayuda tinutugunan ng gobyerno ang malawakang krisis na lumulunod sa mamamayan ng iba’t ibang sektor. Ipinapangalandakan pa ng rehimen ang mukha at pangalan ni Marcos Jr sa mga tumatanggap ng ayuda, upang idiin sa kanilang isip na ang natanggap ay mula sa puso at bulsa ni Marcos Jr, at hindi sa pera ng taumbayan na nararapat lamang na matanggap din ng taumbayan. Mula rito, pinapatindi ng estado ang kulturang pyudal na utang na loob, lalo na sa gobyerno at politiko na siyang layunin naman talaga ay pagsilbihan ang mamamayan.

Tumitindi rin ang kulturang kolonyal sa gitna ng gera agresyon ng IUS sa mga nagsasariling bansa. Napipilitan ang mamamayan na pumili sa pagitan ng IUS at China sa kung sino ang “makakasalba” at “tutulong” sa ating bayan sa panahon ng kagipitan. Dahil sa patuloy na pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr at mga lokal na malalaking burgesya-komprador sa IUS, nalilipol sa kamalayan ng mga Pilipino ang kapasyahan na piliin ang sariling bayan, at magtiwala na mula sa ating sama-samang pagkilos, ating maitatayo ang gobyernong bayan na kayang ipagtanggol ang sarili.

Bunsod ng matinding pang-ekonomiya at pampulitikang krisis, pinag-aaway ang lahat ng api at pinagsasamantalahang uri upang maisalba ang sarili, mula rito lumalago ang kulturang burgis na makasarili. Pinagwawatak-watak nito ang mamamayan at inilalayo sa reyalidad na ang ating suliranin ay magkatagpi-tagpi at ang ating kaaway ay iisa.

Dahil sa mga krisis na dulot ng malalaking burgesya-komprador, natural na tunguhin sa mamamayang gipit na gipit ang lumaban at putulin ang tanikala ng mapagsamantala. Higit na nagiging malinaw rin na ang tunguhin ng Artista ng Bayan ay sa kanayunan, kung saan ang tunggalian sa kultura, ekonomiya, at politika ay higit na hinog. At tanging sa armadong pakikibaka lamang tuluyang magagapi ang bulok at kontra-rebolusyonaryong kultura na nilalako ng Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata-Kapitalismo.

Kinikilala ng ARMAS – Balangay Ka Soral Malaya ang mahalagang papel na ginampanan at ginagampanan ng Bagong Hukbong Bayan sa pagsulong ng rebolusyong pangkultura. Mula rito, pinagpupugayan namin ang lahat ng bayani at martir ng sambayanang Pilipino na nagsakripisyo ng kanilang buhay tungo sa pagsikat ng pulang bukang-liwayway. Amin ring lubos na pinagpupugayan si Archie “Ka Ron/Soral Malaya” Arceta, isang rebolusyonaryong makata, kadre ng Partido at Hukbo, na pinili ang dakilang landas ng armadong pakikibaka at pinanday ang sining para sa interes ng masa. Kailanman hindi mauupos ang rebolusyonaryong diwa na inyong iniwan.

Kaya naman, buo at matibay ang kapasyahan ng mga kasapi ng ARMAS–Balangay Ka Soral Malaya na magwasto, magpalawak, at ipagpatuloy ang iniwang armas at pluma ng mga rebolusyonaryo’t artista, at itaguyod ang epikong bayan—ang matagalang digmang bayan para kamtin ang pambansang demokrasya.

Mga Artista ng Bayan, patuloy na palaksin ang pangkulturang-opensiba at iwagayway ang pulang bandilang bitbit ang kulturang pambansa, siyentipiko, at makamasa.

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Isulong ang rebolusyonaryong kultura!

Ibagsak ang Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukratang Kapitalismo!

The post Artista at Manunulat, lumahok sa teatro ng digmang bayan! Isulong ang rebolusyonaryong pangkultura! Sumapi sa NPA! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.