Nagtayo ng barikada ang mga katutubong Palaw’an at residente ng Sityo Linao, Barangay Ipilan, Brooke’s Point sa Palawan mula noong Marso 26 para pigilan ang pagpasok at pagmimina ng Calmia Nickel, Inc. Anila, labag sa kanilang mga karapatan ang panghihimasok ng kumpanya ang kanilang lupang ninuno.
Gumamit ng mga kahoy ang mga katutubo para magtayo ng bakod na pangharang. Nireimpors nila ito ng malalaking bato para makatindig ang bakod nang mas maayos.
Mahigpit na nagbabantay sa barikada ang mga katutubo at residente para tiyaking hindi na madadagdagan ang mga backhoe, trak at mabibigat na kagamitang pangmina na nailusot ng kumpanya. Sa barikada na sila nagluluto, kumakain at nagpapahinga. Magkakasama rito ang matatanda at nakababatang mga residente, mga babae at lalaki.
Dahil sa kanilang paninindigan, tinatakot at ginigipit sila ng kumpanya. Pinagbanataang kakasuhan si Celso Paida, panglima (lider) ng mga katutubo.
“Sa ngayon po ay tinututulan ko na po ang pagmimina. Kasi ito na nga po ang nangyayari sa amin. Hindi na kami nirerespeto, hindi na kami ginagalang… Kaya yan po, kaya nandito ako ganyan ang aking panindigan na talaga na ipaglaban ko na hindi na dapat matuloy,” ayon kay Paida. Nagbabala rin siya na kung matutuloy ang pagmimina sa Barangay Ipilan ay hindi malabong magtutuluy-tuloy ang pagpapalawak nito sa katabi pang mga barangay.
Ang Calmia Nickel, Inc, na magsisilbing opereytor ng proyektong mina na Infanta Nickel Project, ay kinontrata ng MacroAsia Mining Corporation na subsidyaryo ng MicroAsia Corp. Pag-aari ng burgesyang kumprador na si Lucio Tan ang naturang korporasyon.
Nakakuha ito ng permit na magmina sa Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources noong Enero. Noong Disyembre 2023, binigyan ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang kumpanya. Sinasabing nakakuha rin ang proyekto ng permit mula sa National Commission on Indigenous Peoples at sa Palawan Council for Sustainable Development.
Napaghayag ng pagtutol sa naturang proyekto ang mga lokal na upisyal ng Brooke’s Point. Anila, walang pahintulot mula sa lokal na gubyerno ang anumang operasyon o aktibidad ng nasabing kumpanya sa mina. Noong Marso 30, pinigilan ng mga gwardya ng Calmia Nickel, Inc ang pagpasok ng mga upisyal ng lokal na gubyerno sa naturang sityo dahil wala umano silang pahintulot.
Sa isang pahayag, nanawagan ang National Democratic Front-Palawan sa mamamayang Palaweño na labanan ang pagmimina at suportahan ang barikada ng mga katutubong Palaw’an. Ayon kay Ka Leona Paragua, tagapagsalita ng grupo, ang pagmimina ng kumpanya ay tahasang paglapastangan sa lupang ninuno at pagtapak sa mga karapatan ng mga katutubong nangangalaga ng kalikasan at namumuhay mula sa at nililinang ang lahat ng biyaya nito.
“Ang Calmia Nickel Corporation at mga katulad nilang lapastangan sa mga lupain ng magsasaka at katutubo ang dapat na kasuhan dahil sa pangwawasak nila sa kalikasan at pananakot, harassment at intimidasyon sa mga mamamayan,” aniya.
Dagdag ni Paragua, deka-dekada nang winawasak ng mga korporasyon ng mina ang isla ng Palawan at wala itong ibang dulot kundi peligro sa buhay at kabuhayan, pagkawasak ng kalikasan at matitinding sakuna. Marami na umano ang namatay dahil sa mga sakunang ibinubunga ng matinding pagkakalbo ng mga bundok.
Nanawagan ang NDF-Palawan na ibayo pang patatagin at palawakin ang pagkakaisa ng mga katutubo at mamamayan. [Ito ang] pangunahing sandata at lakas upang magtagumpay sa pakikibaka laban sa mapangwasak na pagmimina at pangangamkam ng mga lupain,” ayon pa kay Paragua.
The post Barikada kontra mina sa lupang ninuno sa Palawan, itinayo ng mga katutubong Palaw’an appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

