Kinundena ng Defend Bicol: Stop the Attacks Network ang panibagong insidente ng red-tagging at kampanyang disimpormasyon sa mga komunidad at eskwelahan sa Bicol.

Noong Marso 29, naiulat ang pagkalat ng mga nakapaskil na poster na nag-rered–tag sa mga progresibong grupo, manggagawang pangkaunlaran,at mga indibidwal sa crossing sa Barangay Fabrica sa bayan ng Bula, Camarines Sur. Napansin ng mga magsasaka ang mga paskil habang inilulusad nila ang aktibidad para sa Global Day of Landlessness. Agad nilang tinangal ang mga paskil.

Habang nagtatanggal, nakita nilang ang ginamit na papel ng mga paskil ay mga liham na mula sa 9th CMO (Kaagapay) Battalion. Nakabase sa Camp Francisco V. Canuto, Pili, Camarines Sur ang naturang batalyon.

Nagkalat din ang mga poster na nag-red-tag sa mga estudyante, aktibista at mamamahayag sa kampus ng Bicol University sa loob ng Bicol Universty Main Campus sa parehong araw. Malisyoso silang pinaratangan bilang myembro ng rebolusyonaryong grupo.

Sa Masbate, naiulat ang pamamahagi ng 96th IB ng mga polyeto na naglalaman ng disimpormasyon at kasinungalingan sa barangay ng Estampar sa bayan ng Cataingan noong Marso 24.

Nananawagan ang Defend Bicol sa Commission on Human Rights at sa mga kaukulang ahensya na magsagawa ng agaran, independyente at bukas na imbestigasyon sa insidenteng ito. Kung mapatutunayan, ang pagkakasangkot ng mga yunit militar sa Red-tagging laban sa mga sibilyan at estudyante, isa itong seryosong pang-aabuso ng kanilang kapangyarihan at paglabag sa pamantayan ng karapatang pantao.

Kinundena ng Krokis Publication, upisyal na publikasyon ng Institute of Design and Architecture ng Bicol University ang Red-tagging sa kanilang unibersidad. Anito, direktang atake ito sa akademikong kalayaan, kalayaan sa pamamahayag at pundamental na karapatan sa pag-oorganisa at sa pagpapahayag. Nilalagay din nito sa peligro ang mga indibidwal at naglalantad sa kanila sa mas maigting na panggigipit, surbeylans at karahasan.

“Nakikiisa kami sa mga biktima at naggigiit na ang mga estudyante at mamamahayag sa kampus ay hindi kaaway… mahalaga ang kanilang tinig sa paglalantad sa katotohanan at sa pagsusulong sa interes ng mamamayan,” pahayag ng Krokis.

The post Panibagong insidente ng Red-tagging sa Bicol, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.