Binigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio De Guzman Command) ang pag-atake ng mga sundalo ng 68th IB sa isang yunit nito sa Sityo Salafay, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro noong Marso 29, araw ng ika-57 anibersaryo ng BHB. Napatay sa labanan ang upisyal militar ng batalyon na si 1st Lt. Dean Buen Oyando habang nasugatan ang dalawang iba pa.

Ang naturang labanan ay ikalawa na sa Barangay Monteclaro sa loob ng isang linggo. Unang naganap ang isang labanan sa pagitan ng militar at BHB noong Marso 24 sa Sityo Danlog kung saan tatlong sundalo ang napatay habang dalawang Pulang mandirigma ang bahagyang nasugatan.

Ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagasalita ng BHB sa isla, magiting na nakapagtanggol ang mga Pulang mandirigma sa dalawang labanan. “Nag-uumapaw na katapangan ang ipinamalas ng yunit laban sa mga pasistang tropa ng 68th IB na perwisyo sa mamamayan ng San Jose at Rizal, Occidental Mindoro dahil sa tuloy-tuloy na operasyon na isinasagawa into sa naturang mga bayan,” ayon kay Gasic.

Pinuri ng BHB-Southern Tagalog (Melito Glor Command) ang katatagan ng mga Pulang mandirigma sa pagharap sa pasistang militar. “Dapat dakilain ang buhay ng mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB na handang magbuwis ng kanilang buhay para sa dakilang layunin ng pambansang kalayaan at demokrasya,” ayon kay Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng panrehiyong kumand.

Dagdag ni del Mundo, ikinalulugod ng masang Mindoreño ang pinsalang natamo ng 68th IB dahil ang mga sundalo nito ang nagpapahirap at nandarahas sa kanila, laluna sa mga Mangyan. Ilan umano sa mga kasong kinasasangkutan ng batalyon ang paulit-ulit na pagbabanta, intimidasyon at panghaharas sa mga sibilyan, sapilitang pagpapasuko at pagpapatawag sa kampo, malupit na interogasyon na nagtulak sa mga katutubong Mangyan Buhid na magpakamatay.

Aniya, notoryus din ang rekord ng 68th IB sa pagpapalaganap ng dekadenteng kultura kabilang ang iligal na droga at prostitusyon saanman sila nagtatayo ng mga kampo militar. Isang halimbawa nito ang pagsasamantala sa mga kababaihang Buhid ng mga sundalong naka-istasyon sa kampo sa Sityo Mantay, Barangay Monteclaro.

Dagdag pa ni del Mundo, pinasisinungalingan ng magkasunod na labanan ang mga pahayag ng rehimeng US-Marcos na wala nang yunit gerilya sa isla ng Mindoro at sa buong bansa. “Taliwas sa ipinalalaganap ng rehimeng US-Marcos II at AFP-PNP, patuloy na naglalagablab ang armadong rebolusyon sa bansa,” pahayag niya.

Hinuling kabataan, hindi kombatant

Pinasinungalingan ng BHB-Mindoro ang mga pahayag na inilabas ng 2nd ID na isang Pulang mandirigma ang nadakip nitong kabataan na si Charlize Garzon o Ceeka. “Sa kanilang desperasyon bunga ng natamong pinsala at pagkabigo, hinuli ng pasistang 68th IB ang sibilyang kabataan,” ayon kay Gasic.

Pinalalabas ng 2nd ID na nadakip si Garzon sa lugar na pinangyarihan ng labanan ng 68th IB at BHB-Mindoro noong Marso 29. Ayon sa mga sundalo, dinala siya sa San Jose Municipal Police Station para masampahan ng mga kasong kriminal.

Si Garzon ay isang pangkulturang aktibista na nagtapos ng AB Arts Management sa De La Salle College of Saint Benilde, iskolar ng St. Mutien Marie Wiaux at ginawaran ng karangalang Magna Cum Laude sa kanyang pagtatapos. Nagtungo siya sa Mindoro para aralin ang progresibong aspeto ng kultura ng mga katutubong Mangyan.

Bago napadpad sa isla, isa siyang boluntir sa isang programa ng alternative learning system o ALS sa mahihirap na komunidad sa National Capital Region. Dito niya ibinuhos ang kanyang dedikasyon bilang pangkulturang aktibista.

Kaugnay nito, nakiisa si Gasic sa lumalawak na panawagan ngayon ng mga grupo sa karapatang-tao at progresibo na agarang palayan si Garzon.

The post Tinyente, napatay sa bigong atake ng 68th IB sa BHB-Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.