Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao at mga progresibo ang pagdakip ng 68th IB kay Charlize Garzon o Ceeka noong Marso 29 sa Sityo Salafay, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro. Pinararatangan ng militar si Garzon na myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na umano’y madakip sa naturang sityo matapos ang labanan ng 68th IB at BHB-Mindoro sa araw na iyon. Nakakulong siya sa San Jose Municipal Police Station.
Si Garzon ay isang pangkulturang aktibista na myembro ng Panday Sining-Malate. Nagtapos siya sa kursong AB Arts Management sa De La Salle College of Saint Benilde, iskolar ng St. Mutien Marie Wiaux at ginawaran ng karangalang Magna Cum Laude sa kanyang pagtatapos.
Nagtungo siya sa Mindoro para aralin ang progresibong aspeto ng kultura ng mga katutubong Mangyan. Bago napadpad sa isla, isa siyang boluntaryo sa isang programa ng alternative learning system o ALS sa mahihirap na komunidad sa Metro Manila at doon ibinuhos ang dedikasyon bilang pangkulturang aktibista.
Matapos madakip ng militar noong Marso 29, kaagad na naglabas ng mga larawan ang 68th IB at 2nd ID ng isang babae na mayroong katabing M16 at iba pang armas pandigma. Ito ang ginamit ng militar na mga patunay para igiit ang pagiging myembro ni Garzon ng BHB at bansagan siyang “terorista.”
Ayon sa Panday Sining-Malate, seryosong paglabag ito sa kanyang mga karapatan. Mas matindi, iniulat rin ng grupo ang pagsugod ng nakadamit sibilyang mga sundalo sa bahay ni Garzon noong Marso 30. Ilang oras sinindak ng mga sundalo ang lola, ina at tiyahin ni Garzon ngunit hindi sila nagpasindak. Nililigalig rin sila ng grupong Hands Off Our Children na itinayo ng National Task Force-Elcac na ginagamit para pagbanggain at pag-awayin ang mga magulang at kanilang mga anak.
Noong Marso 31, nagtungo na sa bayan ng San Jose ang pamilya, mga kaibigan at paralegal ng Karapatan-Southern Tagalog (ST) para tiyakin ang kaligtasan at protektahan ang mga karapatan ni Garzon. Nagpunta sila sa istasyon ng pulis kung saan ikinulong si Garzon. Sa simula ay itinanggi pa ng mga pulis na nakapailalim siya sa kanilang kustodiya.
Binatikos ng Karapatan-ST ang walang tigil na intimidasyon ng mga pulis at ang bayarang mga “raliyista” nito na nanggigipit sa mga kaanak at kaibigan ni Garzon. “Ang ganitong klaseng pagtanggap sa humanitarian team at ang hindi makatarungang pagtrato sa pamilya ni Charlize Garzon ay malinaw na di pagkilala sa kanyang karapatan at pagkakait na makatamasa ng legal na serbisyo,” pahayag ng grupo.
Samantala, nagpahayag ng pag-aalala para kay Garzon at kanyang mga karapatan ang grupong Kapatid at National Union of People’s Lawyers (NUPL).
Ayon sa Kapatid, alinsunod sa mga umiiral na protokol ay dapat maayos at makataong itrato ng mga pwersa ng estado si Garzon at tiyakin ang paggalang sa kanyang mga karapatan. Anito, dapat siyang idaan sa wastong proseso, makataong pagtrato at tiyakin ang kanyang karapatan sa ligal na representasyon.
Sa pahayag ni Atty. Ephraim Cortez, pangulo ng NUPL, iginiit niyang nararapat na protektahan si Garzon alinsunod sa mga prubisyon ng International Humanitarian Law at Human Rights Law. Ayon sa abugado, bilang arestado at nakadetine, ay mayroon siyang pangunahing apat na karapatan. Kabilang dito ang pagpili sa independyenteng abugado o pinili at kausap ng kanyang mga kaanak, hindi pagsailalim sa interogasyon o imbestigasyon nang walang abugado, karapatang hindi magsalita at laban sa self-incrimination at karapatang dapat pormal na makasuhan sa korte sa loob ng 36 na oras mula nang maaresto. Kung wala siyang kaso, dapat siyang agad na palayain.
The post Pagdakip ng 68th IB sa kabataang aktibistang pangkultura sa Mindoro, malawakang kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

