Nasa kalahating milyong mamamayan sa United Kingdom (UK) ang lumahok sa pagkilos noong Marso 28 sa harap ng Houses of Parliament bilang pagtutol sa rasismo at tunguhing ultra kanan sa bansa. Ayon sa Together Alliance, ang nanguna sa pagkilos, ito ang pinakamalaking protesta laban sa mga “Kanan” o mga pwersang ultra-nasyunalista at kontra-migrante, sa kasaysayan ng UK. Ang UK ay binubuo ng England, Scotland, Wales, at Northern Ireland.
Nasa 500 grupo, kabilang ang mga unyon, grupo na kontra sa rasismo at kinatawan ng mga komunida ng Muslim ang nagkaisa upang ilunsad ang aktibidad. Ang Migrante UK ang nanguna sa grupo ng mga Pilipinong migrante na lumahok sa pagkilos.
Ayon sa Migrante UK, sa mga nagdaang mga taon, naharap ang mga migrante at refugee sa UK sa mas umigting na pang-aatake ng mga pwersang ultra kanan, mula sa karahasan laban sa mga imigrante hangang sa pagdami ng kaso ng rasismo sa mga komunidad. Ang mga migrante ang laging kumbenyenteng sangkalan ng mga problema sa ekonomya na kinakaharap ng mga bansa dulot ng ilang taon na pagbabawas sa gastusin at kapabayaan ng gubyerno. Ang mga migrante ay hindi problema na dapat pangasiwaan” o krisis na dapat “pigilan,” sila ay mga tao na karapat-dapat na tratuhin na may dignidad at may hustisya.
“Kami ay migranteng manggagawa na nasa National Health Service, nag-aalaga ng mga matatanda, gumagampan ng gawaing pambahay, nagtatrabaho sa konstruksyon, at pagproseso ng karne at kasama ang mga estudyante, propesyunal, at mas malawak na Filipino diaspora… Nararanasan namin ang tindi ng rasismo, kabilang ang pisikal na karahasan at pang-aabusong batay sa lahi. Samantala, itinuturing ng gubyerno ang mga migrante na parang “gatasang baka,” nililimitahan ang mga ruta ng paglipat at itinaas ang mga bayad sa visa…,” paliwanag ng grupo.
Ang protesta sa UK ay bunga ng tumitinding rasismo sa mga bansa at paglakas ng Reform party ni Nigel Farage, isang ultra konserbatibo na pulitiko. Pantapat din ang protesta sa inilunsad na pagkilos ng mga grupong maka-kanan na umabot sa 110,000 at 150,000 katao noong Setyembre 2025.
May ilang maliliit na maka-kanang grupo na may bitbit ng bandila ng Israel ang nagtangka manggulo sa protesta.
Pagkatapos ng protesta, iligal na inaresto ng Metropolitan police ang 25 indibidwal, kabilang ang 18 na sumusuporta sa Palestine Action, grupong dating idineklarang “terorista” ng gubyerno ng UK.
The post Protesta laban sa rasismo sa United Kingdom, nilahukan ng mga Pilipinong migrante appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

