Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapabatid ng Kabataang Makabayan John Paul Calica sa selebrasyon ng ika-57 taon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Limampu’t pitong taon na ang lumipas mula nang tahakin ang armadong pakikibaka na nananatili pa ring primarya sa layuning magtagumpay laban sa deka-dekadang pandarahas, pangangamkam ng lupa, at pagsasamantala ng naghaharing-uri sa masang anakpawis.
Sa kung bakit at paano nagpapatuloy ang matagalang digmang bayan ay marahil sa salik na ang katatagan ng ating hukbo ay hindi nakabatay sa swerte kundi sa siyentipikong paggabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM). Sa pamamagitan ng materyalistang pagsusuri, matagumpay nitong nababasa ang bawat desperadong galaw ng kaaway at naitatasa ang kongkretong kalagayan ng lipunan. Ang ating digma ay hindi lamang sining ng pakikipagtuos; ito ay isang disiplinadong agham na nagtitiyak na ang bawat sakripisyo ay may layuning pulitikal–ang pagpapabagsak sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.
Sa ganitong siyentipikong paraan, binibigyang-pugay natin ang di-matatawarang papel ng sektor ng kabataan. Halaw sa sinabi ni Ka Oris, dating tagapagsalita ng Pambansang Operasyon sa Kumand, na ang Bagong Hukbong Bayan ay nananatiling “Bago” dahil sa walang humpay na pagdaloy ng mga kabataang kadre at mandirigma. Tayong mga kabataan ay ang mga anak ng bayan na tumatalikod sa bulok na sistema ng edukasyon at hungkag na karera sa lunsod upang yakapin ang mahirap ngunit marangal na landas sa kanayunan.
Ang laging sariwang lakas ng kabataan ang patunay na ang rebolusyon ay laging sumisibol, umuunlad, at hinding-hindi mamamatay. Naniniwala kami na hangga’t may krisis, may rebolusyon.
Kaya naman hinihikayat ng Kabataang Makabayan John Paul Calica ang lahat ng kasapi ng Kabataang Makabayan at ang maraming porsyento ng kabataang Pilipino na sumapi sa BHB. Ang pagsapi sa BHB ang pinakamataas na anyo ng pagmamahal sa bayan. Ito ang radikal na pagpapasya na bumuwag sa tanikala ng indibidwalismo at karera para sa sarili upang maging bahagi ng pagbuo ng daigdig na walang uri at pagsasamantala.
Sa gitna ng tumitinding pasismo at panlilinlang ng estado, ang talino at lakas ng nagkakaisang mamamayang lumalaban ang nagsisilbing mitsa ng mas malawak pang pag-aaklas. Kaakibat ang ating mga prinsipyo at ang hindi natitinag na suporta ng masa, magpapatuloy tayo sa pagsulong.
Mula sa kapatagan hanggang sa bawat burol, hinding-hindi tayo lilingon nang may pag-aalinlangan hanggang sa makamit ang ganap na tagumpay at tunay na paglaya ng sambayanang Pilipino!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
KABATAAN, TUMUNGO SA KANAYUNAN, SUMAPI SA BHB!
PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN!
ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN HANGGANG SA TAGUMPAY!
The post Pagpupugay sa ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

