Isang mapulang pagbati ang ipinapaabot ng ARMAS-Tanya Domingo para sa ika-57 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan na higit limang dekada na at patuloy pa ring naninindigan at lumalaban para wakasan ang kahirapang dulot ng Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata-Kapitalismo sa mga mamamayan!

Sa gitna ng pagtindi ng krisis pang-ekonomiya sa Pilipinas bunsod ng pananalakay ng Imperyalistang US at Zionistang Israel sa Iran, na higit lalo pang pinatitindi ng tuta at papet na rehimen ni Marcos Jr., nagkandamatay na ang mga mamamayang Pilipino sa hirap at gutom dahil sa mataas na presyo ng langis at ng lahat ng pangunahing produkto at serbisyo. Sa ganitong kalagayan, lalong lumilitaw ang malupit na katotohanan na ang krisis ay bunga ng sistematikong pagsasamantala, dayuhang dominasyon, at lokal na paghahari ng iilang naghaharing-uri na walang pakialam sa kapakanan ng nakararami.

Hindi lamang sa larangan ng ekonomiya at pulitika ipinapataw ang paghahari, kundi isinasagawa rin ito sa larangan ng kultura upang mas madaling ipagsabong, pagwatak-watakin, at pahinain ang kolektibong lakas ng mamamayan. Ginagamit ng imperyalismong US at ng kanilang mga kasapakat na lokal na naghaharing-uri ang kolonyal, pyudal, at burgis na kultura bilang mga sandata ng kanilang panlilinlang at dominasyon.

Sa ilalim ng kulturang kolonyal, ipinapasok sa kamalayan ng mamamayan ang ideya na ang pagsunod sa dikta ng mga dayuhang kapangyarihan ay hindi natin maiiwasan. Ipinapakitang lehitimo ang mga agresyon at interbensyon bilang bahagi ng diumano’y global order, habang binubura ang papel ng Pilipinas bilang kasangkapan sa mga gerang ito. Ginagamit ang bansa bilang lunsaran ng operasyong militar sa rehiyon dahil sa mga EDCA bases. Binobomba ang buhay at kabuhayan ng mga magsasaka sa kanayunan at libo-libong inosenteng buhay ang nadadamay. Sa ganitong paraan, pinipigilan ang mamamayan na kwestyunin ang imperyalistang interes at ang pakikipagsabwatan ng lokal na rehimen.

Sa kulturang pyudal, pinapalaganap ang atrasado at di-siyentipikong pananaw na ang kahirapan ay kasalanan ng mga mamamayang naghihirap mismo. Ang mga manggagawa at magsasaka na siyang tunay na lumilikha ng yaman ay binabansagang “pala-asa” o mga reklamador dahil sa hindi sapat na benepisyong nakukuha, habang ang tunay na mga salarin ng krisis ay nananatiling nakaupo sa itaas. Sa ganitong baluktot na pananaw, naililihis ang galit ng mamamayan palayo sa mga naghaharing-uri at napipigilan ang kolektibong pagkilos para sa tunay na pagbabago.

Samantala, ang kulturang burgis ay nagtutulak ng indibidwalismo, kompetisyon, at pagkahumaling sa luho sa gitna ng krisis. Sa halip na pagkakaisa, ipinapalaganap ang ideyang makasarili. Na para bang ang kaligtasan ay nakakamit sa personal na pag-angat habang ang lipunan ay nalulugmok. Ang ganitong kultura ay nagsisilbing tabing upang itago ang malalim na pagkakaugat ng krisis at upang hadlangan ang pagbubuo ng sama-samang paglaban.

Malinaw na ang krisis sa langis at ang umiigting na tensyon sa pandaigdigang antas ay hindi lamang usaping pang-ekonomiya at pampulitika, ito rin ay larangan ng tunggalian sa kultura. Habang umiiral ang kolonyal, pyudal, at burgis na mga pananaw, patuloy na napapanatili ang kapangyarihan ng iilan at ang pagsasamantala sa nakararami.

Sa harap ng tumitinding kagutuman, kawalan ng trabaho, at pagkitil sa karapatan ng mamamayan, hindi na tayo maaaring manatiling tahimik lang. Higit pang nararapat na gawing mitsa ang ating mga galit upang payabungin ang apoy ng pag-aalsa ng mamamayan. Ang mga artista at manunulat ay hindi lamang tagapagmasid kundi tagapagmulat, tagapaglahad ng katotohanan, at tagapamandila rin kulturang Pambansa, Siyentipiko, at Pangmasa sa pamamahitan ng Rebolusyong Pangkultura!

Tanganan natin, hindi lamang ang mga pinsel at lapis, kundi pati ang armas at tahakin ang pinakamataas na porma ng pakikibaka!

Artista, sa gabay ng mga teoryang Marxismo-Leninismo-Maosimo, ay walang pasubaling na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Isulong ang Rebolusyong Pangkultura! Dahil tanging sa landas lamang ng ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan mapapawi ang kahirapang dulot ng Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata-Kapitalismo!

Mabuhay ang Rebolusyonaryong Kilusan!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Isulong ang Rebolusyong Pangkultura at Sumapi sa NPA!

The post Kasama, tahakin mo ang rebolusyonaryong landas at isulong ang rebolusyong pangkultura! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.