Ipagdiwang natin ngayon, Marso 29, 2026, ang ika-57 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng ating Bagong Hukbong Bayan sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan sa pagpundar ng ating rebolusyonaryong kilusan sa Masbate. Nagsimula sa iisang tim hanggang sa dumami at lumakas, naitayo at naitatag ang mga base at larangang gerilya, nagkamit ng mga tagumpay at nagkaroon ng lupang mabubungkal ang mga magsasaka sa ating prubinsya. Ito ang karanasan na dapat natin tanglawan ng aral at upang maging sandata natin sa muli nating paglakas at pagsulong.

Batid nating hindi madali ang rebolusyon. Ito ay puno ng kahirapan at mga sakripisyo. Maraming mga kasamahan natin ang nabuwal, nag-alay ng kanilang buhay sa walang pag-iimbot na pagsisilbi sa bayan at mamamayang inaapi at pinagsasamatalahan. Sina Kasamang Lyn, Mil, Edwin, Giovanni, Popoy, Alex, Kin at iba pa na inabot ang pinakamataas na sakripisyo sa rebolusyon ay binibigyang-pugay natin at mataas na pagsaludo sa araw na ito. Ang kanilang mga naging ambag at karanasan ay palaging magbibigay sa atin ng inspirasyon at aral. Sumpa nating hindi mawalan ng saysay ang inalay nilang mga buhay. Ganun din sa mga masa natin na nakikibaka para sa kanilang karapatan sa kabuhayan at lupa na pinaslang ng mga berdugong militar na patuloy na naghahangad na mabigyan natin ng katarungan at hustisya.

Sinasaluduhan din ng Jose Rapsing Command-NPA Masbate ang mga narito, na patuloy na mahigpit na tinatanganan ang kanilang mga sandata at matatag na binabalikat ang mga mabibigat na tungkulin at hinaharap ang mga hamon sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa prubinsya. Sinasaluduhan ng pamprubinsyang kumand ang inyong katatagan sa kabila ng mga ginagawa ngayong mga pakana ng kaaway at ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr na tayo ay bitagin at gupuin. Nananatili kayong matatag na naninindigang paglingkuran ang bayan at masang Masbatenyo at biguin ang mga pakana ng gubyerno ni Marcos Jr, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Ipinaabot din ng pamprubinsyang kumand ang taos-pusong pasasalamat sa mga masang Masbatenyo na patuloy na sumusuporta, nagmamalasakit at naniniwala sa Bagong Hukbong Bayan. Kayo, ang hindi nabubuwal na sandigan at kublihan ng BHB. Sa ating pagkakaisa at pagtutulungan, tiyak na muli nating mababawi ang ating mga nakamit na tagumpay at pagsulong.

Sa mga kasama, kailangang magpursige tayong maiwaksi ang mga bagahe na humahadlang sa masikhay na pag-andar ng ating makina. Dapat palagi nating tanganan ang pagiging mapangahas upang maipatupad ang mga tungkuling ating binabalikat para tayo ay muling makapagpalawak at makapagpalakas. Mapangahas ngunit maingat tayong magrekluta upang palakasin ang ating hanay at magkaroon tayo ng dagdag na katuwang sa pagtupad sa ating mga tungkulin at gawain sa rebolusyon.

Kailangang mahigpit tayong umugnay sa masa. Sila ang malawak na kagubatan na kumukubli sa atin. Ang kanilang suporta at kalingang ibinibigay sa atin ay suklian natin ng malawak na pag-unawa, pagpapakumbaba at sigasig sa pagtupad sa ating mga tungkulin. Kailangang muli nating mabuhay ang kanilang walang takot na paglaban sa panunupil at pasismo ng estado at mga bayaran nitong mga militar at pulis.

Aasahan nating habang nagsisikap tayong makabawi at muling makapagpalawak at lumakas, mas mabagsik ang mga paraan at hakbang na gagawin ng ating kalaban upang tayo’y pigilan. Nasa ating pagkakaisa, pagtutulungan at mahigpit na pagsunod sa mga direktiba at pagsasabuhay sa kilusang pagwawasto at sa tulong ng ating masa ang katiyakang mabibigo natin ang ating kalaban.

Ang lumalaking hamong ating kinakaharap ay bahagi sa ating pagpapanday upang tayo ay maging matibay at matatag sa harap ng tumitinding agresyon ng estado. Bahagi ito paano natin haharapin ang darating na mas pinatinding panunupil at gera habang unti-unti nating nakakamit ang muli nating pagsulong hanggang sa araw na maipagtagumpay natin ang pambasa-demokratikong rebolusyon at matanaw ang landas ng sosyalitang lipunan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang masang Masbatenyo!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

The post Balikan ang kasaysayan at humalaw ng dakilang aral sa pagpupundar ng ating rebolusyonaryong kilusan sa Masbate appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.