Libu-libong drayber ng dyip, bus, UV Express, TNVS, at motorcyce taxi sa buong Pilipinas ang nagtigil-pasada noong Marso 26-27 bilang protesta laban gerang agresyon ng US sa Iran at laban sa pagtaas ng presyo ng langis. Tugon nila ito sa panawagang 2-araw na pambansang welga sa transportasyon ng bagong tatag No to Oil Price Hike Coalition. Tumirik ang byahe sa pangunahing mga ruta sa Metro Manila at sa mga prubinsya ng Bicol, Cebu, Batangas, Laguna, at iba pa. Tugon ang welga ng mga manggagawa sa transportasyon sa pag-igting ng krisis na bunsod ng walang awat at malalaking pagtaas ng presyo ng langis.
Kasama sa koalisyon ang mahigit 20 organisasyon ng transportasyon, pati na ang mga grupo ng pasahero, manggagawa, at iba pang sektor. Kabilang sa mga ito ang PISTON, Manibela, United Transportation Coalition, Kariders, Bus Employees Association of the Philippines, Laban TNVS at iba pa.
Sa Metro Manila, nagtipon ang mga protesta sa Quezon City, Caloocan City, Parañaque, Muntinlupa at Pasig. Nagkaroon ng mga pagkilos sa Las Piñas, Valenzuela, Marikina at Quezon City. Naglunsad ng “palayok at kawali” na protesta ang mga progresibong grupo sa Quezon City.
Binigyang-diin ng mga lider ng PISTON at mga kaalyado nito na hindi na kayang tiisin ng mga drayber ang araw-araw na pagkalugi na umaabot sa P1,500 hanggang P1,600 kada sasakyan.
Malawak ang partisipasyon sa mga rehiyon. Nagkaroon ng mga pagkilos sa Bulacan, Laguna, Batangas at Cavite. Sa bahagi ng matataong lugar ng Calabarzon, dama ang epekto ng welga sa kalapit na Batangas at Metro Manila.
Sa Cebu City, nagtigil-pasada ang PISTON-Cebu na nagparalisa sa 60-70% ng mga pangunahing ruta sa umaga ng Marso 27. Nagdaos sila ng mga chokepoint sa Landbank sa P. Del Rosario Street, Andoks sa Mabolo, Cabancalan, at mga istasyon ng Petron bago nagtipon para sa programa sa Colon Street.
Sa Bicol, buong-buo ang partisipasyon ng Condor PISTON Bicol sa dalawang araw. Kasama rito ang mga drayber ng dyip sa ruta ng Daraga–Legazpi, Tahao Road, Loop 1, Loop 2, at mga serbisyo patungo sa 3rd District ng Albay.
Nagkaroon din ng katulad na mga aksyon sa Baguio, Bacolod, Iloilo, Leyte, General Santos, at Davao.
Sa buong bansa, tangan ng welga ang pangunahing panawagan ng koalisyon ng agarang rolbak sa presyo ng langis tungong P55/litro, pagtanggal ng VAT at excise tax sa gasolina at diesel at pagbasura sa Oil Deregulation Law. Ipinanawagan din nila ang dagdag-pasahe sa lahat ng pampublikong sasakyan at pagtataas ng sahod sa nakabubuhay na antas. Panawagan nila ang mas malawak na subsidyo sa langis at nasyunalisasyon ng industriya ng langis para mas magsilbi ito sa mamamayan kaysa sa kita ng dambuhalang mga kumpanya. Nanawagan sila ng agarang pagtigil ng gerang agresyon ng US sa Iran na nagpasirit sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na ramdam sa bawat bulsa ng naghihirap na mamamayan.
Ayon sa presidente ng PISTON na si Mody Floranda, ang 2-araw na welga ay pagpapatuloy ng welga noong Marso 19-20. Binatikos niya ang “urong-sulong” na ginawa ng rehimen sa sobrang baba na P1 fare hike noong nakaraang linggo. Hindi rin sapat ang planong pagsuspinde sa excise tax na P6 sa diesel at P10 na gasolina sa harap ng tuluy-tuloy pang pagsirit ng mga presyo. Nakapababa at isahan lamang ang bigay na subsidyo.
Sa hapon ng Marso 27, muling nagmartsa ang mga grupo ng mga manggagawa sa transportasyon, pasahero, manggagawa, estudyante at iba pa tungong Mendiola para singilin ang rehimeng Marcos sa kainutilan nito.
The post Welga sa transportasyon sa buong bansa, isinagawa ng No to Oil Price Hike Coalition appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

