Kinundena ng grupong Defend Workers Southern Tagalog (ST) ang marahas na pagbuwag at pambobomba ng tubig sa nagpuprotestang mga manggagawa ng PackageWorld Inc, pag-aari ng burgesyang kumprador na si Lucio Tan, sa Laguna Technopark Special Economic Zone (LTSEZ) Cabuyao, Laguna noong Marso 23. Ang pagkilos ng mga manggagawa ay pinangunahan ng PackageWorld Inc. Workers Union-Independent (PWIWU-IND) laban sa deadlock at pambabarat ng kumpanya ng kanilang collective bargaining agreement (CBA).

Ang PackageWorld Inc ay gumagawa ng mga kagamitang pampakete para sa mga produktong inumin at iba pa. Bahagi ito ng kumpanyang Asia Brewery Incorporated. Kasabwat ng kumpanya at ni Tan ang mga gwardya at tauhan ng LTSEZ sa pagbuwag sa protesta ng mga manggagawa. Dalawang manggagawa tinamaan sa mata ng pambobomba ng tubig.

Mula pa Pebrero, magkakasunod na protesta ang inilunsad ng mga manggagawa para igiit ang kanilang karapatan sa dagdag sahod at iba pang karapatan sa CBA. Itinutulak ng unyon ang ₱50 dagdag sahod kada taon sa susunod na tatlong taon ngunit tanging karampot na ₱23 ang iniaalok ng kumpanya.

Noong Marso 26, nagharap ang mga kinatawan ng PackageWorld Inc at ng PWIWU-IND sa pagpapagitna ng National Conciliation and Mediation Board sa Calamba City. Mula nang buwagin ang protesta, araw-araw na piket ang isinagawa ng mga manggagawa at unyon.

Karahasan ni Lucio Tan at ng mga economic zone

Ang karahasan sa unyon ay dagdag sa matagal nang kasaysayan ni Tan ng kalupitan sa mga manggagawa, ayon sa Defend Workers-ST. Noong 2015, marahas ding binuwag ang welga ng mga manggagawa ng Tanduay kung saan 50 manggagawa at tagasuporta ng welga ang nasaktan.

“Dito nailalantad kung saan nakukuha ni Lucio Tan (ang pangatlo sa pinakamayaman na Pilipino ngayong 2026) ang kaniyang yaman: sa pambabarat ng sahod at panunupil ng mga manggagawa,” ayon sa grupo.

Kinundena rin ng Alyansa ng Manggagawa sa Probinsya ng Laguna-Kilusang Mayo Uno (Almapila-KMU) at Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang pagbuwag sa protesta ng unyon ng PackageWorld Inc. Partikular na binatikos ng CTUHR ang mga special economic zone tulad ng LTSEZ dahil sa matagal nang pag-iral ng kawalang pananagutan ng mga kumpanyaa rito tuwing lumalabag sa karapatan ng mga manggagawa at karapatang-tao.

Ang mga economic zone ay mga engklabo ng mura at kiming lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino. Sa mga ito, karaniwang nakapako ang sahod at benepisyo, mahigpit ang mga pagbabawal sa pag-uunyon at welga, at laganap ang panunupil sa karapatan sa paggawa. Para akitin ang mga dayuhang kumpanya na pumaloob sa mga economic zone, binibigyan sila ng gubyerno ng samutsaring mga insentiba, kabilang ang hindi pagsingil sa kanila ng buwis.

The post Protesta ng mga manggagawa ng PackageWorld Inc sa Laguna, marahas na binuwag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.