Naglunsad ng protesta sa Maynila ang mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Marso 23 para gunitain ang anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Magdiriwang ang BHB ng ika-57 anibersaryo nito sa darating na Marso 29.
Nagmartsa ang mahigit 200 indibidwal sa kahabaan ng España Boulevard mula sa Padre Noval Street tungong Morayta kung saan nagsagawa sila ng maiksing programa. Kabilang sa mga lumahok ang Kabataang Makabayan (KM), Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma), Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU), Compatriots, Liga ng Agham para sa Bayan (LAB), Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas) at Cordillera People’s Democratic Front (CPDF).
Pinagpugayan nila ang BHB at lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma nito sa patuloy na pagpupunyagi sa pagsusulong ng digmang bayan upang makalaya ang sambayanang Pilipino sa salot na imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Anang mga grupo, higit na nagiging makabuluhan ang digmang bayan sa Pilipinas sa harap ng umiigting na agresyon at pag-uupat ng gera ng imperyalismong US sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“Hindi matatawaran ang inyong katapangan at katatagan sa 57 taong paglilingkod sa sambayanan,” ayon kay Ka Patria Librata, tagapagsalita ng RCTU. Aniya, marapat lamang na pagpugayan ng RCTU at ng masang Pilipino ang lahat ng mga nabuwal na mga martir at bayani ng hukbong na nag-alay ng buhay para sa rebolusyonaryong adhikain ng mga manggagawa at anakpawis.
“Ang imperyalismong US, kasabwat ang rehimeng Marcos, ang pangunahing sagka sa pag-unlad ng ating bansa at dahilan ng paghihirap ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino,” pahayag niya. Sa tindi ng krisis ay mas kinakailangang sumuporta at lumahok ang mga manggagawang tulad niya at ang masang Pilipino sa digmang bayan, palakasin ang BHB, at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka, dagdag ni Librata.
Panawagan niya sa lahat ng mga manggagawa at masang Pilipino na itransporma ang kanilang nadaramang galit tungo sa organisado at rebolusyonaryong paglaban. “Sa pamamagitan lamang ng paglahok natin sa demokratikong rebolusyong bayan, pangunahin ng armadong pakikibaka, mawawakasan ang paghahari ng imperyalismong US at ng rehimeng Marcos,” aniya.
Ang BHB ay itinatag noong Marso 29, 1969. Ito ang pangunahing sandata ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng sambayanang Pilipino sa pagrerebolusyon. Sa pangunahin, ang BHB ay pwersang panlaban at kaalinsabay ay pwersa sa pagpopropaganda, pag-oorganisa sa masa at produksyon.
The post Ika-57 anibersaryo ng BHB, ginunita ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa Maynila appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

