Nagprotesta ang AGHAM National, AGHAM Diliman at mga propesyunal at estudyante sa ilalim ng STEM noong Marso 25 upang kundenahin ang planong pagtatayo ng eksperimento at konektado sa militar ng US na nuclear reactor sa lupain ng UP Diliman. Isinagawa nila ang protesta sa harap ng UP Asian Institute of Tourism sa Diliman, Quezon City kung saan nagaganap noon ang pagpupulong ng Board of Regents ng unibersidad.

Noong Marso 2025, nagbuo ng kasunduan ang PNRI at Valar para sa pagtatayo ng 100-kilowatt micro reactor na nagkakahalaga ng ilang milyong dolyar. Tinatawag ang proyekto na “Ward One” na itatayo sa pangunguna ng Valar Atomics Research Institute, subsidyaryo ng Valar sa Pilipinas, na nakabase sa UP Ayalaland Technohub sa Quezon City. Planong itayo ang reactor sa lupain ng UP Diliman, batay sa mungkahi ng PNRI. Ang maliit na planta ay hindi pagkukunan ng kuryente, magiging eksperimento lamang para sa mga komersyal na reactor na planong itayo sa bansa sa hinaharap. Ang naturang kasunduan ay nakapailalim sa 123 Agreement na pinirmahan ng Pilipinas at US noong 2023.

“Ang UP ay hindi testing ground para sa nuclear reactor ng ibang bansa… ang UP ay testing ground para sa mga ideya natin na para sa kapakanan at kaunlaran ng ating sariling bansa. Hindi tayo testing group ng mga bansa na walang ginawa kundi maglunsad ng gera,” pahayag ni Dr. Giovanni Tapang, propesor sa National Institute of Physics.

Ang Valar Atomics ay itinatag tatlong taon ang nakakaraan, ni Isaiah Taylor, isang negosyante at software engineer na unang nagtrabaho bilang tagabuo ng mga teknolohiya sa ilalim ng Defense Department ng US. Interesado ang kumpanya sa pagpapabilis sa pagpapaunlad ng kanilang teknolohiya na pinag-eeksperimentuhan sa mga bansa na maluwag ang batas at regulasyon sa nukleyar na enerhiya tulad ng Pilipinas. Isa sa nagpopondo sa Valar ay ang Anduril Industries, kumpanyang gumagawa ng makabagong armas at teknolohiya sa US.

Ayon sa AGHAM, ang direktang ugnayan ng Valar Atomics at Anduril Technology sa militar ng US ay nagpapahiwatig sa kung paano maaring gamitin ang teknolohiya sa hinarap, at ang kasabay nito ng lumalaking presensya ng militar ng US sa Pilipinas.

Ayon sa grupo, ang pagtutol nito sa proyekto ay hindi nangangahulugan ng pagtutol sa nukleyar na teknolohiya sa kabuuan. Naniniwala ang grupo na sa isang bansa tulad ng Pilipinas, ang pagsusuri sa nukleyar na enerhiya ay una dapat na nakatuon sa kaangkupan at pangangailang nito batay sa partikular na sitwasyon ng bansa, tulad ng dalas ng bagyo, dami ng fault line at aktibong bulkan.

“Pag-aaral at pagpapaunlad ng nukleyar na enerhiya sa bansa ay kinakailangan ng ilang taon o dekada upang makapag-paunlad ng kinakailangang mga eksperto at pasilidad sa bansa bago magtayo ng planta. Hindi ganito ang nangyayari sa ilalim ng rehimeng Marcos, na planong magtayo ng komersyal na plantang nukleyar sa 2032 katuwang ang kumpanya na walang karanasan sa ganitong proyekto at itatayo sa gitna ng syudad,” anito.

Kaisa ang grupo sa lumalawak na panawagan sa loob ng komunidad ng UP Diliman para agarang pagpapaliwanag hinggil sa istatus ng proyekto ng Valar Atomic. Giit nitong itakwil ang nukleyar na teknolohiya na may kaugnayan sa militar ng US at palayasin ang Valar Atomics sa Pilipinas.

The post Planong pagtatayo ng nuclear reactor sa UP Diliman, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.