Unang nakapamutok ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio De Guzman Command) laban sa tropa ng 203rd IBde na nagtangkang umatake sa kanila noong Marso 23. Bigong makapaminsala ang pasistang militar sa yunit ng BHB-Mindoro na nasa Sityo Danlog, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro noong umaga ng araw na iyon.
Ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng yunit, magiting na lumaban ang mga Pulang mandirigma at ligtas na nakaatras ang buong yunit nang walang kaswalti. Aniya, pinasusubalian ng naganap na labanan ang kasinungalingan ng 203rd IBde na wala nang natitirang hukbo sa isla ng Mindoro.
Dagdag niya, ang ganitong mga insidente ng labanan ay patunay na binibigo ng BHB ang layunin ng reaksyunaryong gubyerno na lipulin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla sa balangkas ng “whole of nation approach.” Pinaiigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga pag-atake nito laban sa hukbong bayan at maging sa mga sibilyan sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng rehimeng US-Marcos.
Ayon pa kay Gasic, ang matinding militarisasyon sa isla na walang ibang hatid kundi perwisyo at pahihirap sa masang Mindoreño ay nagtutulak lamang sa mga magsasaka at katutubong Mangyan na sumandig sa BHB. Aniya, sigaw nila ang pananagutan at hustisya laban sa pasistang 203rd IBde at mga pulis.
“Patuloy naman ang nag-uumapaw na determinasyon ng mga Pulang kumander at mandirigma sa pagsulong ng armadong pakikibaka upang gapiin ang mga pwersa ng AFP-PNP-CAFGU na numero unong kaaway ng masang Mindoreño,” pahayag ni Gasic.
The post Pag-atake ng 203rd IBde sa BHB-Mindoro, binigo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

