Dumating noong Marso 13 sa Masbate ang mahigit 200 tropa mula sa 903rd Infantry Brigade, ang brigadang sumasaklaw sa mga prubinsya ng Sorsogon, Masbate at ilang bahagi ng Albay. Ipinakat sila sa bayan ng Palanas, Dimasalang at Cataingan upang maglunsad ng focused and sustained military operations sa kabundukan ng Dumalinding, ang bundok na dumudugtong sa tatlong bayan.

Kasabay nito, nagsasagawa din ng Modified Community Support Sustainment Program (MCSS) sa mga sentro ng mga baryo ng Salvacion, Intusan, San Isidro, San Antonio, Buenasuerte, Parina, Bigaa, Matugnao at San Carlos sa bayan ng Palanas. Sa bawat barangay, hindi bababa sa walong sundalo ang nagsasagawa ng mapanlinang na programang MCSSP at paulit-ulit na nagpapatawag sa mga sibilyan para sa huwad na programang pagpapasurender.

Plano din magtayo ng militar ng command post sa Barangay San Carlos sa bayan ng Palanas. Humigit kumulang 30 tropa ang kasalukuyang nakahimpil sa plasa at barangay hall sa naturang barangay matapos tumanggi ang mga residente na ipagamit ang kanilang mga luma o bakanteng bahay at magtayo sa kanilang lupain ng kampo ng militar. Ayon sa mga residente, nangangamba sila na magkakaroon ng pamalagiang presensya ng militar sa kanilang komunidad kapag magtayo dito ng detatsment o kampo.

Kasalukuyang nag-ooperasyon ang militar sa bayan ng Cawayan at Placer, habang dagdag bawas ang tropa na sumusuyod sa mga barangay sa bayan ng Esperanza at Pio V. Corpuz.

Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command), dahil sa mga ipinatutupad ng militar na patakaran sa mga barangay, naging limitado ang oras sa paghahanapbuhay ng mga magsasaka sa komunidad at mas lumiit ang kanilang kita. Dagdag pahirap sila sa dinaranas ngayon ng masang Masbatenyo na krisis sa gitna ng nagtataasan na presyo ng mga bilihin bunsod ng imperyalistang gera ng US sa Middle East at kainutilan ng rehimeng Marcos.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga residente sa tuwing nag-iinuman at nalalasing ang mga militar dahil madalas silang nagpapaputok ng baril kahit na nasa pampublikong lugar sila. Dagdag dito walang patid ang pangigipit ng mga militar sa mga sibilyan na target nitong “ipasurender”. Kabilang dito ang surbeylans, pananakot at pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga kaanak ng mga pinaghihinalaang myembro ng BHB. Pinipilit din ng mga militar ang mag sibilyan na “napasurender” nito para magsilbing aset sa lugar at direktang lumahok sa mga operasyon.

Tinambakan ng dagdag pwersang militar ang Masbate matapos magpahayag kamakailan ang bagong pinuno ng 903rd Infantry Brigade na si Col. Angelo Lutera na prayoridad nila ang prubinsya. Bahagi ito ng desperadong tangka ng militar na durugin ang BHB at pigilan ang anumang ilulunsad na aktibidad para sa darating na ika-57 taong anibersaryo nito, paliwanag ni Ka Luz.

Nananawagan ang BHB-Masbate sa mga nagtataguyod sa karapatang tao na maglunsad ng imbestigasyn at ilantad ang mga krimen ng AFP. Gayundin sa mga upisyal sa barangay at munisipyo na protektahan ang kanilang mamamayan mula sa pang-aabuso at paglabag sa kanilang karapatan.

The post Militarisasyon at panggigipit sa mga sibilyan sa Masbate, umiigting appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.