Nagprotesta sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa San Francisco, California ang Bagong Alyansang Makabayan-North Caifornia, Malaya Movement at Tanggol Migrante Movement (TMM) noong Marso 23. Kinukundena nila ang kawalan ng aksyon ng embahada ng Pilipinas sa hinaing ng mga Pilipino sa US.

Ang protesta ay bahagi ng isang linggong pagkilos ng mga progresibong grupo sa US, mula Marso 21 hanggang 27 na may temang “Kurakot Managot! Ikulong mga Kurakot! Layon ng mga pagkilos na ipanawagan ang pagtigil sa gerang agresyon ng US at Israel sa Iran; serbisyo, ayuda at proteksyon para sa mga OFW at mamamayang Pilipino; kabuhayan at nakabubuhay na sahod; pagpapababa sa presyo ng mga bilihin; at pagbasura ng VAT at excise tax. Panawagan din nila ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa korapsyon at pag-abandona sa mga Pilipino sa US, kabilang sina Macy Maglanque, dating Labor Attache, Ambassador Jose Manuel Romualdez, Theresa Lazaro, kalihim ng Departmetn of Foreign Affairs at si Hans Cacdac, kalihim ng Department of Migrant Workers at si Ferdinand Marcos Jr mismo.

Ayon sa TMM, sa nakaraang linggo, ang mga migranteng manggagawa sa US tulad nina Kuya Rodel sa California, si Kuya G sa Washington, at si Kuya J sa Kentucky, ay tinanggihan bigyan ng agarang suporta ng konsulado ng Pilipinas at ng Embahada. Samantala, mahigit P12 milyon ang ginastos ni Ferdinand Marcos Jr at kanyang alipures nang pumunta sila sa New York noong Marso 7. Patuloy na minamaliit nina Romualdez at Lazaro ang nararanasang karahasan ng mga imigranteng Pilipino sa US.

Mariing kinundena ng mga grupo ang manhid at bastos na pagtrato ng konsulado kay Rodel Pagdilao at sa kanyang pamilya. Humingi ng tulong ang pamilya ni Pagdilao, isang caregiver na namatay noong Pebrero 27, sa konsulado ng Pilipinas sa San Francisco upang maiuwi ang kanyang bangkay. Sa halip na tumulong, ibinasura ng konsulado ang kanilang papeles dahil wala sila diumanong katibayan na “magpapatunay” na Pilipino si Pagdilao. Hindi rin tinanggap ang kanyang bagong pasaporte mula sa Pilipinas dahil ang hinihingi ay green card o patunay siya ay may dual citizenship. Myembro ng Pilipino Association of Workers and Immigrants (PAWIS) si Pagdilao.

Ayon sa PAWIS South Bay, kahit sa kamatayan, hindi totoong nagsisilbi ang konsulado sa kanyang kapwa Pilipino. Makikita ito sa pagtanggi ng konsulado na tumulong na maipauwi ang bangkay ni Pagdilao at hindi pagbigay ng ayuda sa pamilya. Malinaw na pinagkakaitan nito ng serbisyo ang ilandaang libong walang dokumento na mga Pilipinong migrante, na nag-aambag sa $35.63 bilyon ng remitans sa buong mundo noong Disyembre 2025.

Hindi rin binigyan ng tulong sa ilalim ng ayudang Assistance to the Nationals si Kuya G na kasalukuyang nagpapagamot sa kanyang mga sakit dulot ng kriminal na kapabayaan sa kanyang kalusugan ng Geo Group, may-ari ng detention center at ng konsulado ng Pilipinas. Kabalintunaan ito sa sinabi ni Maria Paz Cortez, tauhan ng konsulado, na nagbibigay lamang sila ng tulong para sa serbisyong pagpapauwi, medikal at ligal na tulong.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagbibigay ng ayuda o kinakamusta ng konsulado ng Pilipinas sa Chicago o ng embahada ng Pilipinas sa Washington si Kuya J sa kabila ng pagpapaabot sa kanilang mga upisina hinggil sa kalagayan niya mahigit isang buwan na ang nakalilipas. Si kuya J ay iligal na dinetine noong Enero 22 . Sa loob ng isang buwan, tatlong beses siyang na inilipat sa iba’t ibang pasilidad at naharap sa mga hindi makataong kundisyon.

Ayon sa Tanggol Migrante Movement, dapat mapanagot ang konsulado at mga upisyal nito sa kanilang kriminal na kapabayaan sa mga Pilipino sa US. Ang mahalagang tanong: saan napupunta ang bilyon-bilyong pondo na nakalaan para sa Assistance to the Nationals kung hindi naman ito ibinibigay sa mga nangangailangan?

The post Kawalan ng aksyon ng embahada ng Pilipinas sa karaingan ng mga Pilipino sa US, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.