Humigit-kumulang 200 ang tropa na sumusuyod at naglulunsad ng focused and sustained military operation sa kabundukan ng Dumalingding, ang bundok na nagdudugtong sa tatlong lungsod ng Palanas, Cataingan at Dimasalang. Hindi pa kasabay sa nasabing bilang ang tropa na nagsasagawa ng Modified Community Support Sustainment Program (MCSS) sa mga sentro ng baryo ng barangay Salvacion, Intusan, San Isidro, San Antonio, Buenasuerte, Parina, Bigaa, Matugnao at San Carlos. Bawat barangay ay hindi bababa sa walo (8) ang nagsasagawa ng mapanlinlang na programang MCSSP at paulit-ulit na pinatatawag at pinupulong upang pagbantaan at takutin mga sibilyang surenderi. Hindi rin kasabay sa bilang ang mga nakapakat na tropa sa mga bayan ng Cawayan at Placer. Habang dagdag-bawas naman ang tropa na sumusuyod sa mga barangay sa bayan ng Esperanza at Pio V. Corpuz.

Tambak ang pwersa ng militar sa Masbate matapos magpahayag kamakailan ang bagong pinuno ng 903rd Infantry Brigade na si Col. Angelo Lutera at ideklarang nasa prayoridad nila ang prubinsya. Dumating noong Marso 13, 2026 ang ibang pwersa ng 903rd Infantry Brigade mula sa Mainland Bikol, ang brigadang sumasaklaw sa mga prubinsya ng Sorsogon, nalalabing bahagi ng Albay at Masbate. Personal din na bumisita si Col. Lutera sa Battalion Headquarters ng 2nd Infantry Battalion sa Panicijan, Uson noong Marso 16 na pinamumunuan ni LTC Lazardo Quigao. Desperado ang mga militar na pigilan ang anumang ilulunsad na aktibidad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) para sa darating na ika-57 taong anibersaryo nito. Higit pa rito, ang layuning tuluyang durugin ang mga pulang Hukbo na siyang maaasahang tagapagtanggol sa karapatan at tunay na nagtataguyod at nagsusulong sa interes ng masang Masbatenyo.

Balak ring pagtayuan ng command post ang barangay ng San Carlos, Palanas. Humigit-kumulang 30-tropa ang kasalukuyang nakahimpil sa plasa at barangay hall ng nasabing barangay matapos tumanggi ang mga residente na gamitin ang kanilang mga luma o bakanteng bahay at magtayo sa kanilang lupain ng kampo ang mga militar. Nangangamba ang mga residente, na kung magkaroon ng pamalagiang presensya ng militar ang kanilang lugar ay magiging katulad ang kanilang barangay sa may mga nakatayong ditatsment at kampo. Na sa halip na mawala ang mga pang-aabuso, paglabag sa karapatang-tao at krimen ay ang mga militar pa ang naging pasimuno at nagsasapanganib sa buhay ng mga sibilyan.

Dahil sa mga ipinatutupad ng militar na patakaran sa mga barangay na may presensya nila, naging limitado ang oras ng paghahanap-buhay ng mga tao at mas lalong lumiliit ang kanilang kita. Naging dagdag pahirap sila sa dinaranas ngayon ng masang Masbatenyo na krisis at paghihirap sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin bunsod ng mga nangyayaring kaguluhan sa ibang bansa at kapabayaan ng gubyerno. Nababahala rin ang mga residente sa tuwing nag-iinuman at nalalasing ang mga militar dahil kadalasan ay nagpapaputok ng baril kahit nasa pampublikong mga lugar.

Gamit ang mga pambabanta, pinipilit ng mga militar ang mga sibilyang surenderi na gamitin bilang mga aset sa lugar at mapilitang ilayo ang loob sa mga pulang Hukbo. Binabantaan silang pagbabarilin ang kanilang bahay kung malamang nagpapatuloy sila ng NPA kahit pa nasa loob ang kanilang pamilya at kakasuhan kung magbibigay ng anumang tulong sa mga ito. Pinakamaruming paraan ngayon ng desperadong mga berdugong militar ang gamitin ang mga pamilya, asawa at mga anak upang piliting sumuko sa kanila ang kasapi ng NPA. Ang kaso ng myembro ng NPA ay isinasampa o ikinakaso ng militar sa mga pamilya o kamag-anak nito upang ipresyur na magsalong ng armas at talikuran ang rebolusyonaryong kilusan at masa.

Para gawing lehitimo ang kanilang mga pang-aabuso at paglabag, aktibong nagpapakalat ang mga troll, militar at pulis ng mga disimpormasyon at binabaligtad nito ang katotohanan. Pinipilit rin nitong busalan ang mga lehitimong organisasyon ng mamamayan na naglalantad sa kanilang mga pang-aabuso at paglabag sa batas. Subalit, anumang pakana ng panlilinlang upang tabunan ang kanilang krimen sa mamamayan, mulat na mulat ang masang Masbatenyo sa tunay at aktwal nilang karanasan.

Palaging makatarungan ang isinusulong na armadong paglaban ng masang Masbatenyo sa pamamagitan ng kanilang pulang Hukbo. Mulat at higit itong nauunawaan ng masa. Anumang panlilinlang at disimpormasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan at NPA, batid ng masang Masbatenyo kung sino ang tunay na tagapagtanggol at nagpoprotekta sa kanilang kabuhayan at buhay. At kung sino ang mga tutang yumuyurak sa kanilang karapatan, kasangkapan sa pang-aagaw sa kanilang kabuhayan at bayarang mamamatay sa mamamayan na walang iba kundi ang mga bayarang tutang militar at pulis na sunud-sunuran sa dikta ni rehimeng Ferdinand Marcos Jr.

Nananawagan ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate, sa mga organisasyong nangangalaga, nagtataguyod at tagapagtanggol sa karapatan na magsagawa ng mga nararapat na hakbang upang tulungan ang mamamayang Masbatenyo. Maglunsad ng patas na imbestigasyon upang alamin ang katotohanan sa likod ng lumalaganap ngayon na disimpormasyon upang pagtakpan ang mga paglabag at krimen ng mga militar at pulis. Kailangang lumubog kayo sa lugar kung saan naroon ang mga biktima ng mga paglabag upang makita ang tunay nilang kalagayan at malaman ang kanilang araw-araw na dinaranas sa harap ng patuloy na pagpapatupad ng de facto Martial Law ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr at mga utusan nitong mga berdugong mga militar at pulis.

Hindi makatarungang basta nalang baligtarin ang katotohanan upang takpan ang krimen na dapat panagutan ng mga lumalabag sa batas. Ang paglalantad sa mga paglabag sa karapatan, krimen at katotohanan ay lehitimong karapatan ng mamamayan na dapat namang bigyang pansin at tugon ng gubyerno sa patas at makatarungang paraan. Mula sa buwis ng taong bayan ang isinasahod sa mga militar at pulis upang magsilbi hindi maging peste sa buhay ng mga mahihirap na masang Masbatenyo.

Nananawagan rin ang pamprubinsyang kumand sa mga upisyal ng barangay at munisipal ng Masbate na gumawa ng aksyon kaugnay sa nangyayaring militarisasyon sa inyong nasasakupang mga lugar. Ibinoto kayo ng mga mamamayan ng Masbate upang maglingkod, pangalagaan at protektahan sila laban sa mga lumalabag at yumuyurak sa kanilang karapatan at sumisira sa kanilang kabuhayan. Nararapat lamang na tumbasan niyo ng makatarungang pagsisilbi at paglilingkod ang kanilang tiwalang ibinigay sa inyo kaya inihalal kayo ng taumbayan.

The post 200-tropa ng Philippine Army na nakapakat sa bayan ng Palanas, Dimasalang at Cataingan, takot at pangamba ang idinudulot sa mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.