Inianunsyo ng bagong tatag na No To Oil Price Hike Coalition ang ikakasa nitong malawakang welga sa transportasyon at protestang bayan sa darating na Marso 26 at 27. Lalahok sa welga at protesta ang mga manggagawa sa iba’t ibang moda ng transportasyon kabilang ang mga dyip, UV express, motorcyle taxi, bus, at traysikel, at mga motorista, komyuter, konsyumer, manggagawa, estudyante at iba pang sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ang koalisyon ay upisyal na itinatag noong Marso 22. Bahagi nito ang 29 na mga alyansa at grupo na mayroong mga lokal na balangay sa mga rehiyon at prubinsya sa bansa. Nagkakaisa sila para ipatigil ang walang habas na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Anang koalisyon, malinaw na mayroong kakayahang ang estado na makontrol ang pagtataas ng presyo ng krudo at mabigyan ng alwan ang mga apektado nito. Maisasagawa umano ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng patakarang pumapabor sa mamamayan, hindi sa mayayamang kumpanya ng langis tulad ng Shell, Caltex, at Petron. Dapat din umanong igiit ang pagpapatigil sa panggegera ng US para sa langis na pangunahing dahilan ng walang tigil na pagtaas ng presyo.
Binuo ng koalisyon ang anim na puntong kaisahan na bibitbitin nito sa mga araw ng welga at protesta. Hinimok nila ang iba pang mga grupo at indibidwal na makiisa sa kanilang mga panawagan. Ang mga ito ang sumusunod:
- Tanggalin ang valued-added tax o VAT at excise tax sa produktong petrolyo.
- I-rollback ang presyo ng krudo sa ₱55.00.
- Ibasura ang Oil Deregulation Law at magpatupad ng price control sa petrolyo.
- Ipatupad ang mga fare hike sa lahat ng moda ng transportasyon, kasabay ng pagpapatupad ng ₱1,200 family living wage.
- Isabansa ang industriya ng langis. Sa kagyat, ang gobyerno ang bumili ng krudo at ibenta ito sa mas mababang halaga.
- Itigil ang gerang agresyon ng US.
“Maglulunsad ng welga at protestang bayan ang mga kasapi ng alyansa para itulak ang 6-point demands, singilin ang gobyernong Marcos na inutil sa pagtugon sa krisis sa langis, at paingayin ang panawagan para sa pagpapatigil ng gera ng US,” ayon sa koalisyon.
Maliban sa nakatakdang welga, pinaplano rin ng koalisyon ang pagkakaroon ng linggu-linggong piket para tapatan at batikusin ang linggu-linggo ding pagtaas ng presyo ng langis.
Panibagong pagtaas sa presyo
Ipinatupad ngayong araw, Marso 24, ang panibagong malaking pagtaas ng presyo ng langis ng mga kumpanya. Tumaas nang ₱8-₱12/litro ang presyo ng gasolina, ₱15-₱18/litro ang diesel, at ₱12-₱22/litro ang kerosene.
Bunga ito, umabot sa ₱82.6-₱112.4 ang presyo ng gasolina depende sa klase, ₱107-₱134.3 ang regular na diesel, ₱114.99-₱144.2 ang premium na diesel, at ₱111.99-165.79/litro kerosene sa mga gasolinahan sa Metro Manila at pinaka-urbanisadong mga lugar. Pagpasok ng 2026, ang presyo ng gasolina ay nasa ₱50-₱74.02/litro depende sa klase, ₱47.77-₱67.9/litro ang regular na diesel, ₱53.30-₱71.9/litro ang premium na diesel, at ₱71.7-₱92.89/litro ang kerosene.
Samantala, itinaon ngayong araw ni Ferdinand Marcos Jr ang papogi at palabas na pamamahagi ng kanyang gubyerno ng ₱10,000 subsidyo sa langis para sa mga pampublikong sasakyan. Si Marcos ay nagpunta mismo sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Barangay Tambo sa Parañaque City para mamahagi ng subsidyo.
The post Malapad na koalisyon kontra oil price hike, nabuo; welga, kasado na appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

