Muling nagprotesta nasa 200 manininda at trabahador ng Wowee Market noong Marso 23 sa harap ng Pasay City Hall upang ipanawagan ang muling pagbubukas ng kanilang palengke.

Ayon sa mga tindera, kumpleto ang kanilang pepeles at tanging permit ng meyor na lamang ang kulang. Tatlong buwan nang walang hanapbuhay ang mga manininda at trabahador simula nang ipasara ito ni Meyor Emi Calixto noong Disyembre 19, 2025.

Sa protesta, tinangkang buwagin ng mga pulis ang aktibidad. Kinaladkad at hinuli ang dalawang nakilahok sa rally, kabilang ang isang senior citizen na lumahok bilang suki ng palengke at sumusuporta sa laban ng mga manininda.

Ayon sa Karapatan NCR, sa halip na pakinggan ni Calixto ang hinaing ng kanyang sinasakupan, inuna pa niya ang magpadala ng sandamakmak na pulis upang dahasin at hulihin ang mga lumalaban para sa kanilang kabuhayan.

Ayon sa manininda at trabahador, sa kabila ng panggigipit ng mga pulis at ng lokal na gubyerno ng Pasay sa kanila, nananatili silang matatag at hindi nawawalan ng pag-asa na maibabalik muli ang kanilang naging kabuhayan sa loob ng 23 taon.

The post Pagbubukas ng Wowee Market sa Pasay City, muling iginiit ng mga manininda appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.