Kinundena ng mga magsasaka mula sa barangay Sagurong, Cadlan at San Jose sa bayan ng Pili ang planong pagpapalayas sa kanila ng lokal na gubyerno ng Camarines Sur. Planong tayuan ng mga proyektong CamSur Uptown at Iconic Capitol ang kanilang lupain.

Nasa 200 ektaryang lupang sakahan at residensyal ang matatamaan ng proyekto. Mahigit 100 magsasaka at residente ang mapapalayas dahil dito. Kabilang sa itatayo sa lupain ay firing range at golf course na bahagi ng CamSur Uptown.

Ayon sa mga magsasaka, hindi pa sila nabibigyan ng kompensasyon ay may plano na ang kapitolyo na tambakan na ang kanilang lupain. Nasa P25,000 lamang ang inaalok na kompensasyon, at walang inialok na relocation site. Ang malala, kabilang sa planong gigibain ay mga sementadong bahay na ilang dekadang ipinundar mula sa pagtatrabaho bilang migranteng manggagawa na umuwi na sa bansa.

Nananawagan ang mga residente ng makatarungang kompensasyon at maayos na pakikipag-usap sa kanila bago ipatupad ang anumang proyekto. Anila, sana pahalagahan ng gubyerno ang kanilang pinaghirapan at kilalanin ang kanilang karapatan.

The post Pagpapalayas sa mga magsasaka sa Pili, Camarines Sur, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.