Nagbibigay-pugay ang Revolutionary Council of Trade Union sa New People’s Army ngayong ika-57 taong anibersaryo nito. Iginagawad namin ang pinakamataas na parangal at saludo sa New People’s Army at sa mga Pulang mandirigma at kumander nito na patuloy na nagpupunyagi sa pagsusulong ng digmang bayan upang makalaya ang sambayanang Pilipino sa salot na imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Hindi matatawaran ang inyong katapangan at katatagan sa 57 taong paglilingkod sa sambayanan. Pinararangalan kayo ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino bilang pinakamamahal na mga mandirigma na walang takot na lumalaban para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Pinagpupugayan at inaalala din ang lahat ng mga nabuwal na mga martir at bayani ng NPA na nag-alay ng kanilang buhay para sa ating rebolusyonaryong adhikain.

Ngayon higit kailanman mas kinakailangang sumuporta at lumahok tayong mga manggagawa at mamamayang Pilipino sa digmang bayan, palakasin ang NPA, at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka hindi lang para kamtin ang ating mga demokratikong kahingian at paglaban sa pagsasamantala, kundi para kamtin ang tunay na kalayaan mula sa kontrol at panghihimasok ng US. Ang imperyalismong US, kasabwat ang rehimeng Marcos, ang pangunahing sagka sa pag-unlad ng ating bansa at dahilan ng paghihirap ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Dahil sa walang patid na panggegera ng US, sumirit ang presyo ng langis sa ating bansa dahil nakaasa lamang tayo sa imported na langis na nagmumula sa Middle East. Ang pagtaas ng presyo ng langis ay nangangahulugang pagtaas ng presyo ng bilihin, utilities, transportasyon at iba pa. Ang mga driver at konduktor ng mga pampublikong transportasyon gaya ng jeepney at bus ay halos wala nang kitain. Libu-libong migranteng manggagawa ang nanganganib na mawalan ng hanapbuhay dahil sa gera at kung umuwi man sa Pilipinas ay walang tiyak na trabahong mapapasukan dahil sa matinding krisis sa disempleyo sa bansa. Ang dating mababang sahod ng mga manggagawa ay lalo pang bumaba ang halaga. Dumarami din lalo ang natatanggal sa trabaho, nafo-floating, pinapatawan ng forced leave, tinatanggalan ng OT at nakararanas ng iba pang mga iskema ng labor flexibilization dahil kinakailangang magtipid ng mga kapitalista huwag lang mabawasan ang kanilang tubo. Ito ang mga epekto ng kawalan ng pambansang industriya lalo na sa langis dahil sa patuloy na pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran sa ating bansa. Ito ang epekto ng pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos na sa halip na magpatupad ng mga kongkretong solusyon, puro pagpapakitang-tao, pakikipagsabwatan sa mga kumpanya ng langis at mga burukrata kapitalista, at paglulustay ng pondo ng bayan ang ginagawa. Patuloy din nitong pinapayagan ang paglabas-pasok ng mga militar ng US sa bansa at pagtatayo ng kanilang mga base militar at pasilidad sa ilalim ng EDCA kaya naman hindi malayong madamay ang Pilipinas sa mga gera. Ang kalagayan nating mga manggagawa at mamamayang Pilipino ay hindi malayo sa kalagayan din ng mga manggagawa at mamamayan sa iba pang mga bansa na inaapi at pinagsasamantalahan din ng impersyalismong US. Naghahangad din sila ng tunay na kalayaan at karapatan sa pambansang pagpapasya. Kaya naman, nananawagan kami sa lahat ng mga manggagawa at mamamayan sa buong daigdig na magkaisa at magrebolusyon para ibagsak ang imperyalismong US! Tanging sa paglaban lamang ng mamamayan ng buong daigdig mapipigilan ang panggegera ng US na pumapatay sa mga inosenteng sibilyan, yumuyurak sa soberanya ng mga bansa at pang-uupat ng mas malawak na gera sa hinaharap. Nananawagan kami sa lahat ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino na itransporma ang ating galit tungo sa organisado at rebolusyonaryong paglaban. Kinakailangan ng laksa-laksang bilang ng mga rebolusyonaryong manggagawa na mamumuno sa digmang bayan. Sa pamamagitan lamang ng paglahok natin sa demokratikong rebolusyong bayan, pangunahin ng armadong pakikibaka, mawawakasan ang paghahari ng imperyalismong US at ng rehimeng Marcos. Sa ganito lamang natin maitatayo ang gobyernong magtataguyod sa tunay na pambansang kalayaan at kahilingan ng mga manggagawa at mamamayan.

Mabuhay ang ika-57 taong anibersaryo ng New People’s Army

Mabuhay ang Communist Party of the Philippines!

Mabuhay ang National Demoratic Front of the Philippines!

Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

The post Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa! Labanan ang imperyalismong gera ng US! Isulong ang digmang bayan! Sumapi sa NPA! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.