Pinarangalan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) ang tatlong kabataang Pulang mandirigma na napaslang sa labanan sa 47th IB sa Sityo Santol, Barangay Tampalon, Kabankalan City, Negros Occidental noong Marso 21. Namartir sina Ritchell Verano (Ka Makoy/Venom), 26 taong gulang, Milky Sampini (Ka Gorting/Dores), 29, at Joedil (Ka Junjun/Cairo), 21.

Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng yunit, pinatutunayan ng kabayanihan ng tatlong kabataang mandirigma kung bakit nananatili at hindi nadudurog ng reaksyunaryong estado ang BHB. “(H)anda ang mga kabataan at ang susunod na henerasyon na balikatin ang mga responsibildad at ang hamon ng panahon,” aniya.

Sina Verano, Sampini at Joedil ay mahusay na gumampan sa kani-kanilang tungkulin sa loob ng hukbong bayan. Nagsilbi silang mga upisyal ng BHB at mga lider ng Partido Komunista ng Pilipinas sa partikular na mga antas.

Si Verano ay nagmula sa uring malaproletaryado at residente ng Carcar City, Cebu. Lumipat siya at kanyang pamilya sa Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental. Dito siya naugnayan at naging myembro ng Kabataang Makabayan (KM) noong 2015. Sumapi siya sa hukbong bayan noong 2017 sa Central Negros at naitalaga sa Southwest Negros noong 2025.

Sa panahon ng pagkamartir, myembro siya ng Komite ng Partido sa Larangan at nagsisilbing ikalawang platun lider ng BHB. “Kilala si Verano na hindi tumatanggi sa mga gawain at masigasig na nagpapatupad nito sa anumang oras,” pahayag ni Guerrero.

Si Sampini ay tubong Barangay Lamugong, Manjuyod, Negros Oriental. Naging Pulang mandirigma siya noong 2016 at kumilos sa South Central Negros. Kalaunan ay naitalaga siya sa Southwest Negros at nagsisilbing iskwad lider sa kanyang pagkamartir. Ayon sa yunit, mahusay sa gawaing kontra-paniktik si Sampini.

Samantala, ang pinakabatang namartir na si Joedil ay nagmula sa Sityo Tigbao, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental. Noong 2020, narekrut siya sa KM at sumapi sa BHB noong 2023 nang tumuntong sa wastong edad. Kumilos siya sa South Central Negros at naitalaga pagkatapos sa Southwest Negros. Nagsilbi siyang ikalawang iskwad lider.

Sa pagkamartir ng tatlo, kaagad na sinagpangan ng 3rd ID ang pagkakataon para lansiin ang mga Pulang mandirigma at ang rebolusyonaryong kilusan. Nanawagan ang kumander ng dibisyon na si Maj. Gen. Michael Samson na “lisanin ang armadong pakikibaka at bumalik sa umiiral na lipunan” para umano makaiwas sa kamatayan.

Taliwas dito, ipinahayag ni Guerrero na tiyak na magsisilbing inspirasyon ang tatlong martir para sa mga Pulang mandirigma para kamtin ang adhikain ng masang Negrosanon. “Optimistiko ang BHB-Southwest Negros na may papalit at mas marami pang mga kabataan ang tutugon sa panawagan na tumangan ng armas at sumapi sa BHB, laluna sa paglala ng krisis ng bulok na sistemang kinakatawan ng rehimeng US-Marcos II,” aniya.

The post 3 kabataang Pulang mandirigma sa South Central Negros, namartir appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.