Namatay sa pagdurugo (hemorrhage) ang magsasakang si Edgar Tingting, 50, sa Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Marso 17 ng umaga. Malubha siyang nasugatan sa pamamaril ng 62nd IB habang nangungumpay o kumukuha ng damong pagkain ng baka.
Residente ng Sityo Ngalan sa Barangay Sandayao sa naturang syudad si Tingting.
Sa pahayag ng 62nd IB, sinabi nitong isang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) si Tingting at namatay sa engkwentro. Pinasubalian ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, ang pahayag ng militar at itinangging nagkaroon ng engkwentro sa lugar.
“Walang engkwentro sa gitna ng BHB-Central Negros at pasistang tropa ng 62nd IB sa Barangay Trinidad,” ayon kay Regalado. Wala rin umanong katotohanan na nakumpiska sa sinasabing labanan ang isang KG-9 sub-masinggan.
Ayon kay Regalado, naging target ng pagpatay ng 62nd IB si Tingting dahil simula pa 2012 ay pinararatangan na siyang myembro ng hukbong bayan. Tumindi ang panunugis sa kanya simula noong 2017 sa layuning “mapasurender” sa gubyerno.
Dagdag ng tagapagsalita, layunin ng pagpaparatang kay Tingting na Pulang mandirigma ang takasan ang pananagutan sa krimen. Matinding paglabag ito sa internasyunal na makataong batas. Aniya, sa desperasyon ng rehimeng US-Marcos na palabasing natatalo ang hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan sa Negros Island ay ibinabaling nito ang armadong karahasan sa mga sibilyan.
Inatasan ng BHB-Central Negros ang lahat ng mga yunit sa ilalim nito na maglunsad ng paparaming taktikal na opensiba para bigyang hustisya ang mga biktima ng karahasan ng 62nd IB sa mamamayan.
The post Magsasakang kumukuha ng pagkain ng baka, pinagbabaril ng 62nd IB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

