Nagprotesta ang Migrante International, Samahan ng mga DH sa Gitnang Silangan (Sandigan), International Seafarers Action Center (ISAC) at Concerned Seafarers of the Philippines (CSF) sa Mendiola noong Marso 17 upang ipanawagan ang agaran at ligtas na pagpapauwi sa mga migranteng Pilipino na kasalukuyang naiipit sa gera sa Middle East. Dulot ito ng walang pakundangang pambobomba ng imperyalistang US at Israel sa Iran at sa Middle East. Kasabay nito ang paggunita sa ika-31 anibersaryo ng pagbitay kay Flor Contemplacion noong 1995.
Panawagan din ng mga grupo ang pagtigil sa gerang agresyon ng US-Israel sa Iran, serbisyo, ayuda at proteksyon para sa mga OFW, kabuhayan at nakabubuhay na sahod at pagtanggal sa VAT at excise tax sa mga bilihin.
Pagkatapos ng protesta sa Mendiola, nagtungo ang grupong Sandigan sa Department of Migrant Workers (DMW) upang manawagan ng hustisya para kay Divina Yap, isang migranteng manggagawa na dalawang taon nang nawawala sa Saudi Arabia. Ayon kay Cristine Suarez, kapatid ni Yap, dalawang taon na siyang pabalik-balik sa DMW at sa Overseas Workers Welfare Administration ngunit wala pa ring maayos na tugon ang mga upisyal ng naturang mga ahensya.
Nagprotesta rin ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan-Hong Kong at Macau sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong noong Marso 18.
Sa kasalukuyan, nasa 299 na migrante ang nakauwi mula sa Middle East noong Marso 5, 317 migrante noong March 19 at 343 noong Marso 23. Dumarami pa ang nagpahayag na nais umuwi sa bansa.
The post Mabagal na tugon ng gubyerno para sa kaligtasan ng mga migrante sa Middle East, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

