Mataas na ang presyo ng bilihin, wala pang trabaho, o di kaya, kulang ang sahod o kita. Ito ang problemang kinakaharap ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II pagpasok ng 2026. Higit pa itong titindi sa gitna ng kahingiang tustusan ang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin ngayong krisis sa langis sa mga susunod na buwan.
Sa mismong datos ng reaksyunaryong gubyerno, umabot ng 5.8% ang tantos ng walang trabaho sa bansa o katumbas ng halos tatlong milyon noong Enero, pinakamataas mula 2022, panahon ng pandemya. Naiulat din ang mamamayang kulang sa trabaho na nasa 13.2% o 6.35 milyon. Hindi lamang wala at kulang sa trabaho ang bumaba kundi ang tantos ng partisipasyon ng pwersa sa paggawa (labor force participation rate) o mga mamamayang nagtatrabaho at/o naghahanap ng trabaho. Sa kabuuan, nasa 50.89 milyong Pilipino o 62.3% ang nagtatrabaho at/o naghahanap ng trabaho.
Malaking bulto ng sektor ng kabataan ay apektado ng disempleyo partikular ang edad 15-24 kung saan bumaba ang tantos ng partisipasyon ng pwersa sa paggawa tungong 30.7%. Tumaas din ng 14% mula 11.7% noong Enero 2025 ang bilang ng mga kabataang walang edukasyon, trabaho o treyning. Nangangahulugan ito ng higit pang pagbaba ng oportunidad sa trabaho ng mga kabataan dahil sa pagkakait ng estado na mabigyan sila ng istableng kinabukasan.
Inaasahang lalala pa ang kalagayan ng mga Pilipinong walang trabaho at kulang sa trabaho ngayong nakaamba ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng oil price shock sa bansa. Sanhi ito ng gerang agresyon ng US-Israel laban sa Iran sa Middle East kung saan nanggagaling ang mayorya ng imported na suplay ng langis ng bansa.
Ang four-day-work week na ipinapanukalang “solusyon” ng gubyerno ay lalong magpapahirap sa mga manggagawang Pilipino. Sa iskemang ito, hindi lamang babawasan ang oras sa trabaho ng manggagawa kundi tiyak na sasagpangin ng mga kapitalista ang pangangailangan at desperasyon ng mga mangagawa para baratin ang sahod upang sila ang higit na pumasan ng papaigting na krisis. Apektado rin ang mga pabalik na Overseas Filipino Workers (OFW) mula sa Middle East dahil dadagdag lamang sila sa bilang ng mga walang trabaho pagbalik nila sa bansa. Ngayon pa lamang, nag-aalala na sila at kanilang pamilya sa nakaambang kagutuman sa hinaharap.
Pinatutunayan lamang ng bumulusok na bilang ng mga Pilipinong may trabaho ang bigong programa ng rehimeng US-Marcos II sa paglikha ng trabaho at kaseguruhan sa trabaho. Taun-taon, bumababa ang bilang ng mga manggagawang industriyal na ngayon ay nasa 18.3%. Naitala rin ang pagkawala ng 1.42 milyong mga Pilipinong nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura, na pinakamalaking sektor na nawalan ng trabaho. Pangunahing salik dito ang kawalan ng lupang sakahan resulta ng pangangamkam ng panginoong maylupa at mga burgesya komprador. Pangita ito sa Timog Katagalugan kung saan laganap ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupang sakahan tungong komersyal at base militar. Resulta nito ang semiproletaryanisasyon na pagtahak ng maraming bilang ng magsasaka sa pagiging malamanggagawa sa desperasyong makahanap ng pagkakakitaan para mabuhay. Pinabibilis ng penomenong ito ang pagwasak sa agrikultura at pangunahing pwersa sa produksyon.
Samantala, habang bumababa ang bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa industriya at agrikultura, sumirit naman tungong 63.6% ang mga nagtatrabaho sa sektor ng serbisyo. Repleksyon ito ng lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan kasabay ng unti-unting pagbagsak ng agrikultura habang walang pambansang industriyalisasyong nagaganap.
Direktang ramdam ito sa TK na isa sa pinakapopuladong rehiyon sa bansa. Sa Calabarzon pa lamang, mayroong 12.07 milyong Pilipino na potensyal na pwersa ng paggawa (datos noong 2024) na walang tiyak at istableng trabaho dahil walang hihigop sa dambuhalang pwersang ito sa paggawa sa kawalan ng pambansang industriyalisasyon. Kasingkahulugan ito ng malawakang kagutuman habang binobola ni Marcos Jr. ang taumbayan sa mga palyatibo at maka-kapitalistang solusyon.
Sa dikta ng US, patuloy na sumasalig si Marcos Jr. sa neoliberal na mga patakaran bilang solusyon kagaya ng pag-eksport ng lakas paggawa para sa remitans na mapipiga mula sa mga OFW at pagpapapasok ng dayuhang pamumuhunan para sa mga kontraktwal na trabaho partikular ang mga proyektong imprastraktura at mapangwasak sa kalikasang mga negosyo. Masaklap pa, ang mga kita mula sa mga programang ito ay kinukurakot ng estado.
Sa pananatili ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunang Pilipino, magpapatuloy at lalong titindi ang problema ng mamamayan sa kawalan ng trabaho at industriyang naglilingkod sa pangangailangan ng lipunang Pilipino. Lalo lamang nitong winawasak ang ekonomya ng bansa at ipinagkakait ang tunay na kaunlaran para sa mamamayan. Kasabay nito, binabansot hanggang winawasak nito ang dambuhalang pwersa ng lakas-paggawa na alipin ng sahurang paggawa at awa ng kanilang mga amo. Ni wala silang kontrol sa mga rekurso, makina at iba pang aspeto sa produksyon upang lumikha ng pambansang industriyang gagarantiya sa pakinabang ng masang manggagawa, magsasaka at intelektwal na pinakamahuhusay na kumbinasyon ng mga pwersang lumilinang at nagpapaunlad ng lipunan.
Ang salalayan ng isang matibay at nagsasariling ekonomya ay makakamit sa pagwasak sa ekonomyang lubos na nakasalig sa pag-iimport ng yaring produkto at nakatuon sa pag-eeksport ng hilaw na materyales at lakas paggawa na isang manipestasyon ng kolonyal na pagkakatali ng bansa sa imperyalismong US. Maisasakatuparan lamang ito sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at at pambansang industriyalisasyon kapag naibagsak ang naghaharing sistema ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa Pilipinas.
Pangunahing nilalaman ng programa ng pambansa demokratikong rebolusyon at 12-puntong programa ng NDFP ang pagpapaunlad ng isang planado at nagsasariling ekonomya na nagsisilbi sa malawak na sambayanang Pilipino. Ang pambansang industriyalisasyon ang magiging nangungunang salik sa pang-ekonomyang pag-unlad. Pauunlarin nito ang tamang kumbinasyon at relasyon ng magagaan, katamtaman at mabibigat na industriya. Sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa, pauunlarin ang agrikultura sa bansa para pagmulan ng pagkain ng bayan at hilaw na materyales. Titiyakin ang sustenableng pag-unlad ng lipunan ng may pagpapahalaga sa pangangalaga sa kalikasan para sa kapakinabangan ng lipunan at ng mga susunod na henerasyon. Sa pag-unlad ng industriya at agrikultura, hihigupin nito ang dambuhalang kapangyarihan ng masang Pilipino sa paggawa para likhain ang mga produktong kinakailangan ng bayan at buong lipunan.
Kinikilala ng gubyernong bayan ang susing papel ng mamamayan sa pagbubuo ng ekonomya kung kaya’t itataguyod ang ganap na pagpapaunlad ng rekursong tao at iwawaksi ang pag-eeksport ng pwersa ng paggawa. Hihikayatin ang pagbabalik sa mga Pilipino sa ibayong dagat upang mag-ambag sa konstruksyon ng bayan. Kasabay ding itataguyod ang pantay na pakikipagkalakalan sa mga dayuhan para sa mutwal na benepisyo at laging ipauuna ang kapakanan ng mamamayan.
Mangyayari lamang ang mga ito sa pagbagsak ng naghaharing uring malalaking kumprador-panginoong maylupa at burukrata-kapitalista na kinakatawan ngayon ng rehimeng US-Marcos II sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon. Sa pagtindi ng krisis, nananawagan ang NDFP-ST sa mga rebolusyonaryong pwersa na isagawa ang malawakang propaganda-edukasyon hinggil sa programa ng pambansa demokratikong rebolusyon at magrekluta ng malawak na hanay ng mamamayang api sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Dapat ipaunawa ang kawastuhan ng pagsusulong ng rebolusyon upang makaalpas sa krisis at makawala sa saklot ng imperyalismo. Ang paglakas ng rebolusyonaryong kilusan ang magpapabilis sa paghakbang ng bayan tungong kaunlaran at kalayaan.
The post Pag-ibayuhin ang pambansa-demokratikong pakikibaka sa gitna ng lumalalang kawalan ng trabaho, implasyon at oil price hike appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

