Mariing kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog ang pagpanig ng Sandiganbayan sa naghaharing burukrata kapitalista, magnanakaw at mandarambong sa pagbinbin ng kaso ng pangungulimbat at pagpapasasa sa coco levy fund ng mga Marcos para lamang ibasura ito sa palusot na “inordinate delay” noong Marso 19. Nauna nang ibinasura ng Korte Suprema ang anim na kaso kaugnay ng pangungulimbat sa coco levy funds kabilang ang kay Juan Ponce Enrile noong Disyembre 2024 at ni Danding Cojuangco Jr. noong 2021 sa parehong dahilan ng “pagkabalam (delay)”, pagpapaliban sa mga pre-trial at suspensyon ng pagtutuloy ng pagdinig sa mga kaso.
Hindi katanggap-tanggap laluna sa libu-libong Pilipinong magniniyog ang pasyang ito na hinahayaang malaya ang mga mandarambong ng coco levy fund scam. Lalong kadusta-dusta ang kalagayan ng mga magniniyog sa gitna ng napakataas na arawang gastos para mabuhay at mababang kita. Sa Quezon pa lamang, 204,000 ang pamilya ng magniniyog at bumubuo sa pinakamaraming claimants ng coco levy funds sa rehiyon. Malinaw na na naman itong hakbang para talikuran ng mga Marcos ang kanilang pananagutan sa limpak-limpak na pondong ninakaw nito sa mamamayan.
Nag-ugat ang pagnanakaw sa pondo sa malaon nang sabwatan ng matandang Marcos Sr., Enrile at Cojuangco para nakawin ang buwis sa mga magniniyog sa pangakong “pauunlarin” ang industriya ng niyog at bibigyan umano sila ng “share” sa “puhunan.” Tinayang umabot na sa higit ₱150 bilyon ang inilaki ng pondo ngunit tanging mga bangko na pagmamay-ari ng magkakasapakat ang nabundat habang nanatiling mahirap ang magniniyog, walang suporta sa panahon ng kalamidad at walang naganap na pagpapaunlad sa industriya ng niyog. Sa halip, ginamit ang mga nakolektang pondo sa personal na ganansya tulad ng pagbili sa United Coconut Planters Bank at mayoryang sapi sa San Miguel Corporation ni Cojuangco.
Sa umpisa pa lamang ng pagbubutbot sa kaso ng coco levy fund na lumobo noong dekada 1970-1980, wala talagang katiting na balak ang reaksyunaryong sistema na papanagutin ang mga maysala sa mga ganitong klase ng katiwalian na sistematiko at ipinatupad sa balangkas ng mga reaksyunaryong batas. Nakapagngangalit na inabot na lang ang coco levy case (Sandiganbayan Civil Case No. 33) ng pagkamatay nina Cojuangco at Enrile, ng pag-uulyanin ni Imelda ngayong 95 anyos na siya at sa kasukdula’y pagbasura na ng nasabing kaso laban sa mga Marcos.
Hindi nagtatapos ang paniningil ng mamamayan sa maliit na piraso ng papel na pirmado ng mga bayarang reaksyunaryong korte at samutsaring palusot ng pagkabalam na sila din mismo ang lumikha. Lalo lamang inilalantad at pinatutunayan ng pinakahuling hakbanging ito ang katotohanan kung saan nagsisilbi ang mga institusyong pinatatakbo ng reaksyunaryong gubyerno— sa mga naghahari na pasimuno ng pangungulimbat sa pondo at iba pang rekurso ng bayan sa kapinsalaan ng mamamayan. Tigas-mukhang itinaon ni Marcos Jr. ang hakbanging ito sa gitna ng nakabitin pang isyu ng dambuhalang korapsyon sa pondo ng bayan kung saan sangkot sila ni Sara Duterte, na pinakamatataas na pinuno ng reaksyunaryong GRP. Lalo lamang nilang itinutulak ang mamamayan na maghanap ng alternatibong solusyon at hustisyang papabor sa kanila.
Ang di-napapatid na kasibaan ng burukratang kapitalismo na nanunuot sa haligi at bawat himaymay ng reaksyunaryong estado sa Pilipinas ay sinusuhayan ng imperyalismong US para sa pagpapatuloy ng sindikatong paggugubyerno na nagsisilbi sa mga hiling at layunin nito. Habang umiigting ang krisis at pang-aaping dinaranas ng masang anakpawis, higit na lumalalim ang atraso at kasalanan ng masisiba at inutil na mga burukratang ito na nakaupo sa estado poder.
Sa pag-igting ng krisis, makatarungang ipanawagan ang pagbabalik ng coco levy funds sa mga magsasaka ng niyog. Hindi ang kaso ng coco levy funds ang dapat na ibasura kundi ang lahat ng batas na nagsasamantala at nagpapahirap sa mamamayan katulad ng excise tax at VAT sa langis na mainit na panawagan ngayon ng masang Pilipino.
Dapat patuloy na padagundungin ang panawagan sa pagpapanagot sa mga tiwali at korap na opisyal ng rehimeng US-Marcos II laluna sina Marcos at Sara Duterte. Dapat na magkapitbisig ang mamamayan upang ilantad at wasakin ang ugat ng kahirapan sa pamamamayagpag ng mga burukrata kapitalistang sugo ng imperyalismong US at kamtin ang tunay na pagbabago.
Sa hukuman ng masang anakpawis, hindi ligtas ang mga mandarambong at magnanakaw na tulad nina Marcos Jr., Danding Cojuangco at Juan Ponce Enrile na nabuhay sa kapangyarihan at karangyaan sa kapinsalaan ng buhay ng masang kanilang inapi at pinagsamantalahan. Sa pagpupunyagi sa demokratikong rebolusyong bayan lamang makatitiyak na makakamit ang hustisyang panlipunang malaon nang ipinagkakait ng sistemang malakolonyal at malapyudal.
The post Mga Marcos, coco levy fund scammer at magnanakaw, panagutin! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

