Walang tigil at tuluy-tuloy na pagpapahirap sa mga mamamayan ng Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro ang pagkakampo at sustenidong operasyon ng militar sa buong saklaw ng barangay. Mula 2018 ay pinatindi ang atake ng 203rd Bde Philippine Army at PNP MIMAROPA na sumalanta sa buhay at kabuhayan ng mga katutubong Hanunuo-Mangyan sa lugar. Mula nang ilagay bilang prayoridad ang barangay na ito ng NTF ELCAC sa balangkas ng kontra-rebolusyunaryong gerang JCP-Kapanatagan ng rehimeng Duterte, nagpatuloy ang tutok dito sa ilalim ng NAP-UPD (National Action Plan for Unity, Peace and Development) ng rehimeng US-Marcos II.

May apat na kampo-militar ngayon na matatagpuan sa barangay: sa Sityo Cabuyao; Sityo Baet; Sityo Dagom; at ang pinakabago sa Sityo Kiringin. Binubulabog nito ang may kabuuang 12,010 populasyon ng Barangay Panaytayan at nanghahalihaw sa 40,000 ektarya, 80% ng kabuuang eryang saklaw ng bayan ng Mansalay.

Sa pagdami ng mga kampo-militar at ibayong militarisasyon sa barangay lalong mabalasik ang paghahasik ng terror sa mamamayan. Lumalaganap ang paglabag sa karapatang pantao, pambubusabos sa kabuhayan ng mamamayan, at panliligalig sa buong saklaw ng barangay.

Terorismo at pambubusabos sa karapatang pantao

Sa buong taon ng 2025, ligalig sa buhay ang hatid ng berdugong armadong pwersa ng estado sa mga residente ng Barangay Panaytayan. Umabot sa 37 ang dokumentadong bilang ng paglabag sa karapatang pantao na may mahigit 1,500 ang biktima.

Pinakamasahol sa mga paglabag ang brutal na pagpaslang kay Hulyo Aytag matapos siyang dukutin ng mga militar at iprinisintang namatay sa isang pekeng labanan sa Sityo Buro-buro noong Marso 14, 2025.

Dagdag ding takot at ligalig ang idinulot ng serye ng mga pagdukot sa mga sibilyan ng berdugong militar. Iligal na inaresto ng mga sundalo ang kamag-anak ni Hulyo Aytag na si Bado Aytag sa kanilang tahanan sa Sityo Kulitob. Ganito din ang naganap sa anim na Mangyan noong Pebrero 2025 na napadaan sa pwesto ng nag-ooperasyong mga sundalo sa Sityo Bonwang, matapos na sila ay arestuhin ay 14 na oras na idinitine at hinayaan lamang sa ulanan.

Nagmamaang-maangan naman ang militar sa ginawa nilang pagdukot sa tatlong kabataan na sina Isar, Iwit at Ninoy sa Sityo Kulitob na hanggang ngayon ay hindi pa rin inililitaw.

Teroristang pambobomba naman ang kinaharap ng mamamayan ng Sityo Lomboy at mga karatig na lugar noong Marso 2025 kung saan higit 325 na pamilya ang apektado. Upang bigyang katwiran ang teroristang aktong ito, kahungkagang ipinalabas na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng kanilang pwersa at ng BHB. Walang presensya ng NPA sa nasabing lugar ng panahong ito.

Karaniwang akto rin ng mga berdugong sundalo ang pambabastos at pagsasamantalang sekswal sa mga kababaihan sa lugar. Pinalaganap ang mga masasama at iligal na gawain sa mga kabataan katulad ng paggamit ng iligal na droga, paglalasing at panonood ng malalaswang mga bidyo.

Perwisyo sa buhay at kabuhayan

Perwisyo rin ang mga tropang militar sa araw-araw na kabuhayan ng mamamayan ng Barangay Panaytayan. Patuloy ang pamiminsala sa mga pananim, alagang hayop, at iba pang ari-arian ng mga mamamayan. Hindi bababa sa anim na kaso nito ang naiulat na may tinatayang 50 biktima sa barangay at iba pang karatig na lugar.

Inirereklamo ng mga residente ang madalas na pagdaan ng mga nag-ooperasyong sundalo sa kanilang mga kaingin na walang pakundangang sinisira ang mga pananim. Inapakan ang mga luyahan, bagong tanim na palay at mais, kamote at bondo na pangunahing pagkain ng mga residente. Tampalasan sa mga tanim tulad ng paglaglag ng buwig-buwig na niyog, binubutasan lamang at hindi kinakain. May isang kaso ng pagputol sa mga dahon ng niyog upang gawing panlatag na pumatay sa halos limampung puno ng mga bago palang lumalaking niyog.

Naging talamak ang pagnanakaw ng militar ng mga niyog, saging, bundo, balinghoy at iba pang tanim ng masa. Sa isang sityo ninakaw din nila ang humigit-kumulang 50 pirasong mais. Pinutol din upang gawing materyales sa kampo ang mga punong kahoy na inirereserba upang gawing bahay ng may ari nito.

Sa pagkakampo ng militar, hindi rin naging mapayapa ang pamumuhay ng mga residente. Nasasagad sa pagnanakaw ang mga alagang hayop at mga pananim ng mga residente sa paligid ng kampo, hindi pagbabayad ng tama sa mga bilihin, at pag-aastang sila ang may-ari ng lupa.

Ang mga pang-aabusong ito ay naghahasik ng matinding takot sa mamamayan dahilan upang iwanan ang ilang ektaryang lupain ng mga katutubo na tila inabandona na at hindi na napakinabangan.

May isang kaso pa ng paninira ng gamit nang makita ng berdugong sundalo ang isang katutubong nag-iigib ay kinuha nito ang mga sinalok na tubig at pagkatapos ay tinapon at binasag ang timba. Pinagbabawalan rin ang mga residente na mag-uling at binabakuran ang mga lupa nila dahil pagkakampuhan umano ang lugar.

Sa pagkakampo ng mga pasista sa Sityo Baet, arbitraryong nagpatupad sila ng curfew. Ayon sa mga residente, inoobliga silang magpatala sa logbook ng pangalan ng mga paalis, oras ng pag-alis at oras ng pagbalik. Matigas na ipinatupad ang oras na alas-siyete ng umaga hanggang alas-singko ng hapon lamang na pagtatrabaho sa kaingin. Pahirap ito sa mga residenteng naghahanap-buhay dahil nalilimitahan ang kanilang oras sa pagtatrabaho gayong nasa kasagsagan sila ngayon ng pagkakaingin.

Nilimitahan rin ang pagbili ng mga pagkain at iba pang mga pangangailan ng mga residente. Sa pagbili, pagsususpetsahan agad na pansuporta sa NPA ang lampas ng 10 kilong bigas na bibilhin. Pahirap ito sa mga residente dahil sa layo nila sa mga bilihan, napipilitan silang magpabalik-balik sa pagbili upang matustusan ang kanilang pang-araw araw na pangangailangan.

Dagdag pahirap din ang hatid ng konstruksyon ng kalsada sa kahabaan ng mga sityo ng Matarayo, Kiasa, Maunay, Kiringin at Tangkulang. Nang simulan ito, nagbigay ng sukat ng erya kung saan ang masasalantang pananim ay babayaran sa nararapat nitong presyo. Ngunit ayon sa mga residente ay hindi totoong binayaran sila ng sapat sa mga pananim na nasira. Ang ginawa ng militar ay pinaunahan sila ng kaunting pera, ngunit pagkatapos ay hindi na sila nabigyan ng natitirang dapat pang bayaran. Dagdag pa, inaakusahan ng mga militar ang sinumang tumunggali sa pagpapatayo ng kalsadang ito na tagasuporta ng BHB.

Intimidasyon at pamimilit ng reaksyunaryong gubyerno

Ang NCIP (National Commission on Indigenous People), LGU (Local Government Unit) at mismong si Mayor Ferdinand Maliwanag Jr. ay mga kasangkapan upang pilit na pasang-ayunin ang mga residente ng Panaytayan sa pagkakampo ng mga berdugong sundalo rito. Pinatutunayan nito na ang mga galamay ng reaksyunaryong gubyerno, gaya ng LGU at NCIP ay anti-mamamayan, anti-katutubo at daluyan ng pasismo at paglabag sa karapatang pantao. Iniintimida ng mga ahensyang ito ang mga lider-katutubo sa barangay upang sila ang mangumbinsi sa mamamayan na pahintulutan ang pagkakampo ng mga sundalo.

Patuloy din ang pagpapatawag ng mga pulong sa mga residente sa pangunguna ng NCIP, hindi upang maging boses ng mga mangyan upang igiit ang kanilang karapatan sa kanilang lupa at kaingin kundi upang kumbinsihin ang mga mamamayan na pahintulutan ang pagtatayo ng kampo upang ito diumano ang magsilbing bantay sa isinasaayos na kalsada dito.

Wakasan ang militarisasyon sa Barangay Panaytayan! Palayasin ang lahat ng berdugong militar!

Ang lahat ng pagyurak sa karapatang pantao, pagpapahirap, at perwisyo sa paghahanap-buhay na dulot ng pagkakampo at tuluy-tuloy na pag-ooperasyon ng militar sa Barangay Panaytayan ay malinaw na batayan ng desperasyon ng naghaharing uri na buwagin ang pagkakaisa at pagkilos na mabubuo sa hanay ng mamamayan. Nakabalangkas ito sa taktikang “whole-of-nation approach” ng National Action Plan for Unity, Peace and Develepment (NAP-UPD) ng rehimeng US-Marcos II. Manipestasyon ito ng nabubulok at naghihingalong sistema. Dahil palagian ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema, lalong nangangamba ang mga naghaharing-uri sa malawak na hanay ng masang naninindigan at militanteng kumkiilos laban dito. Maging ang amo ni Marcos Jr. na imperyalistang US ay tunay na naghihingalo na at matindi ang krisis. Kung kaya’t desperado itong tiyakin ang kontrol sa pagkukunan ng mga hilaw na materyales na siya ring pagbabagsakan ng mga sarplas na produkto nito. Kabilang dito ang Barangay Panaytayan na target sa pagmimina ng natural gas ng Pitkin Petroleum Ltd., isang kumpanyang British, sa mga hangganan ng Mansalay at Bongabong, Oriental Mindoro, at San Jose, Occidental Mindoro. Ito ang dahilan ng malawakang militarisasyon at de facto martial law sa malawak na kanayunan sa buong bansa.

Malaki ang hamon, hindi lamang sa mga mamamayan ng Barangay Panaytayan, kundi sa lahat ng Mindoreñong apektado ng malawakang militarisasyon at de facto martial law, na magkaisa, tumindig at lumaban. Palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at Partido Komunista ng Pilipinas upang biguin ang lahat ng mga pakana ng rehimeng US-Marcos II sa interes nitong durugin ang pakikibaka ng sambayanan. Mahalaga ang papel ng malawak na hanay ng mga magsasaka at katutubong Mangyan sa paglaban upang ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba, ang tanging solusyon upang wakasan ang pasismo at kahirapan bunga ng mga krisis na ito.

Mamamayan ng Panaytayan magkaisa, ipagtanggol ang karapatan!

Kampo militar, wag pahintulutan, ang lupa ay para sa kabuhayan ng mamamayan hindi para sa mga berdugo!

Digmang bayan sagot sa karahasang militar!

Ipagtanggol ang biktima ng karahasan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

The post Militar sa Barangay Panaytayan, salot sa mamamayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.