Pabigat sa dati nang hirap na pamumuhay ang hatid ng di-naglulubay at sustenidong operasyong militar ng 203rd Brigade-PNP MIMAROPA sa mamamayan ng Bulalacao at kanugnog barangay sa bayan ng Mansalay, Oriental Mindoro.
Mula Enero lamang, sinaklaw na ng mapanalasang operasyong militar ang kabuuang 43 sityo sa mga barangay ng San Roque, San Juan, Nasukob, Benli ng bayan ng Bulalacao at karatig nitong mga Barangay ng Budburan, Manaul at Panaytayan sa Mansalay. Hinalihaw ng mga berdugong sundalo ang mga bukal, bundok, gulod, gubat at kahit ang mga batuhan. Ginagalugad ang mga kaingin, sakahan at matapos ito ay papasok sa mga sentrong baryo at sityo upang magsagawa ng interogasyon, papulong, paulit-ulit na pagtanong kung may mga NPA sa lugar at paulit ulit din na pagbabanta. Kasabay nito ang pagpapa-alerto kung may mga bagong mukhang pumupunta sa mga sityo at ipagbigay-alam ito sa kanila. Kasama ng mga nakasibilyang sundalo, ang mga lokal na CAFGU at impormer na instrumento rin sa pag-iinteroga sa mga residente at lider ng pamayanan.
Hanggang sa kasalukuyan ay nananatili ang mga sundalo sa limang sityo ng apat na barangay ng Bulalacao upang maglunsad ng operasyong MCSP (mobile community support program) habang nakamantine sa pagitan ng 2 bayan ang isang yunit nito na diumano ay naghuhukay habang may nakabantay sa paligid.
Sa hirap ng buhay sa bayan ng Bulalacao lalong isasadlak sa higit na karalitaan at kagutuman ng mga operasyong ito ang mga residente. Nahinto ang mga pagkakaingin sa panahon pa naman na dapat ay magawa ito upang makapagtanim sa Mayo. Hindi makapagtuloy ng pantawid gutom na hanapbuhay tulad ng pag-uuling, ang mga kababaihan at kabataan ay hindi makapunta sa pinagkukuhanan ng mga tingting na kayasin, na siyang inaasahan sa panahong ito. Nahinto ang mga pangkabuhayang aktibidad ng mga masa dahil sa takot sa presensya ng mga sundalo.
Hindi na lamang perwisyo sa kabuhayan ng masa kundi naging banta din sa mga kababaihang naging biktima ng harrasment at ginawang parausan ng mga sundalong nakatigil sa mga baryo sa panahon ng mga operasyong militar at MCSP.
Pinalalabas nilang paglipol sa NPA ang dahilan ng kanilang panghahalihaw sa mga pamayanan. Subalit pagbibigay katwiran lamang ito sa paghasik ng takot upang supilin ang lehitimong paghahangad ng mga mamamayan na itaas ang antas ng kanilang kabuhayan at magkaisa upang tutulan ang mga anti-mamamayang programa kabilang ang pagmimina, pribatisasyon ng Bukal Lagnas, ang mga nakaambang mga proyektong Bulalacao offshore wind project at programang ekoturismo.
Ang tunay na dahilan na magpapaliwanag sa masinsing operasyong militar at MCSP ay ang mga kaganapan sa bayang ito.
Noong Pebrero, bumisita ang Chinese Investors kasama ang kasapakat nitong mga opisyales ng probinsya at munisipyo at naglimayon sa mga kilalang destinasyong panturismo sa munisipalidad. Bahagi diumano ito ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na makahikayat ng pamumuhunan na magpapalakas ng turismo at ekonomiya ng bayan ng Bulalacao.
Sa panahong ito din inilagay ang tubo ng tubig sa bukal ng Lagnas, isang proyektong mariing tinututulan ng mga katutubong Mangyan dahil sinasagasaan nito ang kanilang karapatan sa likas na yaman sa loob ng kanilang lupaing ninuno. Gagawing negosyo ito para magsuplay ng tubig sa 13 barangay ng Bayan at diumano ay dadalhin pa ito sa karatig na isla.
Mayroon naman dalawang proyekto ng offshore wind farm ang inaprubahan na ng lokal na pamahalaan na itatayo sa karagatan ng bayan. Nakaamba rin ang napipintong pagmimina ng Coal sa Barangay Cambunang na proyekto ng Bulalacao Coal Mining Project ng Filipinas Systems, Inc. ni Felipe Cruz Jr.
Ang nasabing mga proyekto ang nasa likod ng pagpapasinsin ng kontrarebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II sa balangkas ng NAP-UPD (National Action Plan for Unity Peace and Development) sa bayan ng Bulalacao. Ang mga katulad na focused and sustained military operation hindi lamang sa bayan ng Bulalacao kundi maging sa buong isla ng Mindoro ay naghahawan ng landas para sa mga proyektong “pangkaunlaran” sa ilalim ng MIMAROPA Regional Development Plan (2023-2028) kung saan itinakda nito na sa buong bansa ang rehiyon na pangunahing pagmumulan ng mina at kwari.
Patunay lamang ito na ang 203rd Bde at PNP-MIMAROPA ay hindi tagapagtanggol ng mamamayan kundi tagapagtaguyod ng anti-mamamayang proyekto sa interes ng mga dayuhang kapitalista, panginoong maylupa at mga burukrata kapitalista. Ang pangil ng reaksyunaryong AFP/PNP ay hadlang sa karapatan sa lupang sakahan at lupaing ninuo ng masang magsasaka at katutubong mangyan. Ipinakikita rin nito na sila ay mga papet, sapagkat sunud sunuran sa ganid na interes ng amo nitong imperyalistang US at mga lokal na naghaharing uri at nagtatanggol sa sistemang malakolonyal at malapyudal.
Dapat ilantad sa malawak na mamamayan ang tunay na dahilan sa likod ng mga operasyong militar na ito. Dapat ilantad ang reaksyunaryong katangian ng 203rd Bde-PNP MIMAROPA.
Dapat na pawiin ang takot, palawakin at patatagin ang pagkakaisa ng mamamayan upang maitaas ang antas ng produksyon, karapatan sa lupa at likas na yaman, at kagalingan ng mga mamamayan ng Bulalacao .
Hinahamon namin ang mga halal na opisyal sa antas ng bayan at mga barangay na aksyunan ang hinaing ng kanyang nasasakupan at ipagtanggol sila sa harap ng ligalig at perwisyong hatid ng mga operasyong miltar at MCSP. Higit na kailangang maging mapanuri sila sa mga pangkaunlarang proyektong inilalako ng mga burukarata kapitalista, mga PML, burgesya komprador at mga dayuhang kapitalista kung ito ay makakatulong o banta sa karapatan at kabuhayan ng mga mamamayan.
Mga taga-Bulalacao, magkaisa upang tutulan ang mga anti-mamayang proyekto na magpapalayas sa inyong lupang sakahan, panirikan, lupaing ninuno at makakaapekto sa kabuhayan at sa pangisdaan.
Makipagkaisa sa NPA Mindoro na siyang tanging hukbong nagtataguyod sa interes ng mamamayang Mindoreńo.
Mabubuting anak ng bayan, sumapi sa NPA!
The post Sustenidong operasyong militar dagdag pahirap sa mamamayan ng Bulalacao appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

