Digmaan ang hindi maiiwasang hantungan ng imperyalismo. Ang pagsusuring ito ni Vladimir Lenin ay buong-linaw ngayon pinatutunayang wasto sa mga gerang agresyon ng imperyalismong US sa ilalim ng hibang na pasistang si Donald Trump. Sa pag-asam na angkinin ang mga pinagkukunan ng langis at mineral, walang pakundangang ginagamit ngayon ng US ang buong pwersang militar sa mga gerang agresyon para yurakan ang soberanya ng mga bansang nagsasarili, na walang sinasantong alituntuning internasyunal o batas sa gera.

Kasapakat ang Zionistang estado ng Israel, tatlong linggo nang walang-habas na binobomba ng US ang Iran, na kumitil sa buhay ng mahigit nang 1,000 Iranian. Kasabay nito, mahigit 1,000 na ang pinatay ng Zionistang Israel sa pambobomba at paglusob sa katabing bansang Lebanon laban sa grupong Hezbollah.Sa loob lamang ng dalawang buwan, sinalakay ng US ang Venezuela, ginipit ang bansang Cuba, at pinagbantaan ang Colombia, Mexico, Greenland at iba pang bansa.

Dehado man, puspusan ang pagtatanggol ng Iran sa kanyang kasarinlan. Taliwas sa nais ni Trump na mag-udyok ng pag-aalsa laban sa gubyernong anti-US, milyun-milyong mamamayan ang humuhugos sa lansangan para tuligsain ang pananalakay ng US. Nasa Iran ang buong karapatang magtanggol laban sa dayuhang agresyon. Ang paghihigpit nito sa daloy ng langis sa Hormuz Strait at mga patama sa mga kalapit na bansang may base militar ng US ay mga gipit na hakbangin para pigilan ang brutal na paninibasib ng imperyalismong US.

Resulta ng panggegera ng US sa Middle East, ang mga bansa sa iba’t ibang dako ng mundo ay nasa bingit ngayon ng istagplasyon–ng walang kasimbilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sa gitna ng istagnasyon o resesyon bunsod ng pagbagsak ng produksyon, at malawakang disempleyo. Humaharap ngayon ang Pilipinas sa banta ng masidhing krisis sa ekonomya at matarik na pagbulusok ng kabuhayan. Nanganganib na maipit ang suplay ng langis sa bansa. Doble ang hambalos sa bayan ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa sobrang patong sa presyo ng mga ganid-sa-tubong kumpanya.

Dahil sa lumaking halaga ng produksyon at transportasyon, mabilis na sumirit at sisirit pa ang presyo ng halos lahat ng bilihin, kabilang ang bigas (na pumalo na sa ₱60 kada kilo), karne, isda at gulay, at singil sa mga serbisyo. Pumatong pa ang tuluy-tuloy na pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar na lalo pang magpapataas sa halaga ng mga imported na kalakal (kabilang ang langis). Binigyang-daan ni Marcos ang pagtaas ng pamasahe sa eroplano at byahe sa barko, pero nagbibingi-bingihan naman ito sa hinihinging taas-pamasahe ng mga drayber at opereytor ng dyip at maliliit na transportasyon, na marami ay titigil na sa pagpasadal dahil sa pagkalugi.

Lalong sasadsad ang antas ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino na nagdurusa sa mababang sahod, kulang na kulang na kita o kawalan ng hanapbuhay. Matinding bigwas sa mga manggagawa ang pagtangging ibigay ang hinihinging nakabubuhay na sahod. Nagbabadyang huminto ang operasyon ng mga pabrika at paglala ng disempleyo. Kayod-kalabaw ang masang anakpawis para lamang humagilap ng pantawid-buhay ng kanilang mga pamilya.

Bingi sa mga hinaing ng taumbayan at pahirap ang burukrata-kapitalista rehimeng Marcos. Kasabwat si Marcos ng mga ganid na kumpanya sa langis sa pagtaas ng presyo, na katumbas ay dagdag na kinukulektang buwis. Walang-saysay ang kakarampot na subsidyo at ayuda at limitadong “libreng sakay.” Dagdag pahirap ang “4-day workweek,” lalo sa mga sumasahod nang arawan. Napaka-inutil ng gubyernong Marcos sa pangangalaga ng kapakanan ng milyun-milyong migranteng Pilipino sa Middle East. “Magtipid” ang panawagan sa taumbayang hindi na makahinga sa higpit ng sinturon, samantalang nagpakasarap-buhay si Marcos sa tinuluyang P1-milyon kada gabing hotel sa New York. Bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan ang winawaldas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at militar ng US sa isinasagawang Balikatan exercises na magtatagal nang ilang buwan. Napakabigat na pahirap sa bayan ang korapsyon at pandarambong ni Marcos sa kaban ng bayan. Papatindi ang bangayan ng mga naghaharing paksyong Marcos at Duterte na kapwa naman korap at sunud-sunuran sa interes ng mga imperyalistang dayuhan. Walang-lubay ang pasistang panunupil sa harap ng lumalakas na paglaban ng taumbayan.

Sa harap ng gera at krisis, dapat magkaisa ang sambayanang Pilipino at sama-samang ipaglaban ang kanilang kapakanan. Palakasin ang pandaigdigang pagkakapatiran sa pagsigaw para wakasan ang gerang agresyon ng US sa Iran, at pagsuporta sa mamamayan ng Iran para ipagtanggol ang kanilang pambansang kasarinlan. Tutulan ang paggamit sa Pilipinas na lunsaran ng mga gerang agresyon ng US, palayasin ang mga base at pasilidad militar sa ilalim ng EDCA, at ibasura ang mga tagibang na kasunduang nagtatali sa Pilipinas sa interes ng US at kumakaladkad dito sa mga imperyalistang gera. Dapat kasabay na ipaglaban ang agarang pagrolbak sa presyo ng langis, pagbabasura sa Oil Deregulation Law, kagyat na pagtaas sa sahod ng mga manggagawa at sweldo ng mga kawani, at pagtanggal ng VAT at iba pang buwis upang agad ibaba ang presyo ng mga bilihin. Ang hinihinging dagdag pamasahe ng mga drayber at opereytor ng dyip ay makatwiran at dapat ipaglaban.

Isulong ang pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan, upang makawala sa armadong kontrol at dominasyon ng imperyalismong US sa ekonomya at pulitika ng bansa. Gamit ng imperyalismong US ang papet na rehimeng Marcos at mersenaryong AFP para panatilihin ang malakolonyal na paghahari nito sa Pilipinas. Armadong pwersa ang kailangan ng sambayanang Pilipino para ibagsak ang papet na estado palayain ang bansa sa armadong saklot ng imperyalistang agila.

Ito ang makasaysayang tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido, kasama ang buong sambayanan. Sa gitna ng imperyalistang gera, napakalalim ng kabuluhan ng pagdiriwang sa nalalapit na ika-57 anibersaryo ng BHB para muling patatagin ang kapasyahang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, na hatid sa bayan ay pag-asa na wakasan ang paghahari ng imperyalismong US sa bansa at kamtin ang maliwanag na kinabuksan. Kahit ngayong maliit at mahina pa ang BHB, determinado itong magpalawak at magpalakas sa kanayunan, na malinaw na nakatanaw sa pagsikat ng Pulang araw sa silangang hinaharap.

The post Isulong ang rebolusyon sa gitna ng imperyalistang gera at krisis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.