Sa pamumuno ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide), kasama ang mga estudyante, manggagawa, maralita at iba pang sektor, inilunsad ng mga drayber at opereytor ng dyip ang 2-araw na welgang transportasyon at protestang bayan noong Marso 19 at 20. Panawagan nila sa welga-protesta ang agarang rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo tungong ₱55/litro at pagwawakas ng gerang agresyon ng US sa Iran.
Panawagan din nila ang pagtaas ng sahod sa nakabubuhay na antas, pagtanggal ng buwis sa petrolyo at ibang batayang bilihin at pagbabasura sa Oil Deregulation Law.
Isang araw bago nito, naglunsad ng mga kilos protesta ang mga grupo ng kabataan sa University of the Philippines-Diliman at Polytechnic Uni-versity of the Philippines-Sta. Mesa bilang suporta sa panawagang welga. Noong Marso 16, nagtungo naman ang mga grupong makakalikasan at iba pa sa tanggapan ng Petron Corporation na nasa loob ng compound ng may-ari nitong San Miguel Corporation sa Pasig City. Binatikos nila ang pagiging ganid sa tubo ng Petron, at binato ng putik at pininturahan ang malalaking tarpolin na nakasabit sa bakod ng compound.
Bagsak na kabuhayan
Kasabay ng agarang rolbak sa presyo ng petrolyo, panawagan ng grupong Piston ang makatarungang dagdag-pasahe na hanggang ₱5. Malaking insulto sa kanila ang ₱1 dagdag-pasahe na inianunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Marso 17. Maliit na nga, binawi pa ito ni Ferdinand Marcos Jr sa sunod na araw.
Una nang iginawad ng LTFRB ang dagdag-pasahe para sa mga pamprubinsyang bus na ₱1 sa unang apat na kilometro at ₱0.30-₱0.45 kada susunod na kilometro, depende sa klase ng bus. Inalmahan rin ito ng mga may-ari ng bus na ang unang hiling ay ₱20 na dagdag sa batayang pasahe.
Huling nag-utos ng pansamantalang ₱1 dagdag pasahe ang gubyerno para sa mga dyip noong 2023. Mula noon, triple na ang itinaas ng presyo ng petrolyo. Nitong Marso lamang, dalawang “jumbo” na pagtaas sa presyo ang ipinatupad ng mga kumpanya ng langis. Umaabot sa ₱20–₱40+/litro ang idinagdag sa presyo ng gasolina; ₱40–₱60+ /litro sa presyo ng diesel at ₱32–₱38.50/litro ng kerosin. Noong Marso 19, nasa ₱80-₱96/litro na ang gasolina sa mga gasolinahan; ₱95-₱114/litro ang diesel; at ₱85-₱134.89/litro ang kerosin.
Ayon sa Piston, sa pagtuntong ng presyo ng diesel sa ₱120 kada litro, malulugi ang mga drayber ng ₱3,600 kada araw sa konsumong 30 litro para sa buong araw na pamamasada. Marami sa kanila ang mapipilitang tumigil sa pagbyahe dahil dito.
Ganid sa tubo
Noong 2025, bilyun-bilyong piso ang kinakamal ng lokal na mga kumpanya sa sobrang pagpepresyo ng mga ito sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa datos ng International Monetary Fund at Department of Energy, ang presyo ng krudong langis ng Dubai ay bumagsak mula $81.80 bawat bariles noong Enero 2025 tungong $61.83 noong Disyembre 2025, o nang 24%. Sa kabila nito, walang pagbabago ang presyo ng diesel sa NCR: ₱57.79 noong Enero at ₱57.76 noong Disyembre 2025.
Malaking kabulastugan ang sinasabing “sinasalamin” lamang ng lokal na presyo ng mga produktong petrolyo ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Habang mabilis ang mga kumpanya ng langis sa pagpasa sa mga konsyumer sa kahit bahagyang pagtaas ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang merkado, napakakupad naman ng pagbawi kapag bumababa ito.
Sa nakaraang 17-18 araw, halimbawa, tumaas ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan nang humigit-kumulang 40-50% (mula $70 tungong $102). Mas matarik ang itinaas ng mga presyo sa Pilipinas, laluna sa diesel, na tumaas nang 50%-100% sa parehong panahon. Pinakamataas ito sa buong Southeast Asia dahil sa kawalan ng regulasyon sa sektor dulot ng Oil Deregulation Law.
Ang pagkaganid na ito ang dahilan kung bakit kabilang sa pinakamalaking magkamal ng tubo ang mga kumpanya sa langis. Ipinagmalaki ng Petron ang “makasaysayang” 84% paglobo ng netong kita nito, mula ₱8.5 bilyon noong 2024 tungong ₱15.6 bilyon noong 2025. Tumaas din nang 33% ang netong kita ng Shell Philippines sa unang siyam na buwan ng 2025.
Pabigat na buwis
Bago ang gerang agresyon ng US sa Iran, hindi bababa sa ₱15 ang nakapatong na buwis sa kada litro ng diesel (₱6 bilang excise tax at ₱9 bilang value-added tax o VAT) at ₱17 sa gasolina. Giit ng Piston at Bayan, dapat tanggalin hindi lamang ang excise tax, kundi higit lalo ang VAT na tumataas habang lumalaki ang baseng presyo.
Kung tatanggalin ang naturang mga buwis, una ang VAT, maibababa ang presyo ng mga produktong petrolyo nang ₱15-₱22/litro. Malaking alwan ito hindi lamang sa kanila at mga gumagamit ng pampublikong transportasyon, kundi pati sa mga mangingisda at magsasaka na gumagamit ng diesel sa produksyon.
Pantapal na solusyon
Malayong di nakasasapat ang ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos na ayuda mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD. Hindi sapat ang ₱5,000 “one-time cash payout” o isang bagsakan na ayuda para sa mga drayber ng dyip, traysikel, taksi at TNVS na anila’y tatagal lamang ng tatlong araw. Kaunti pa lamang ang nabigyan nito, at sa Abril pa ang distribusyon sa pambansang saklaw. Marami na rin ang nagreklamong wala sila sa listahan ng makakakuha ng ayuda.
Tulad ng AICS, isang bagsakan din lamang ang fuel subsidy ng DoTR at LTFRB na nakalaan sa humigit-kumulang 400,000 drayber ng pampublikong sasakyan sa buong bansa. Nasa ₱5,000 lamang din ang ibibigay nito sa mga drayber ng tradisyunal na dyip at traysikel, habang ₱10,000 ang ibibigay sa mga “modernong dyip.”
The post Welga laban sa inutil na rehimeng Marcos at ganid na mga kumpanya ng langis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

