Magkakasunod na protesta at pagtitipon ang inilunsad ng mga manggagawa at kanilang unyon sa Quezon City, Cavite at Laguna para igiit na igalang ang kanilang collective bargaining agreement (CBA) at iba pang karapatan sa paggawa.
Sa Quezon City, nagsumite ang Glowhrain-KMU-Kowloon House West Chapter Union ng Notice of Strike noong Marso 6 sa Deparment of Labor and Employment (DOLE) para ipaglaban ang CBA at batikusin ang mga kaso ng panggigipit sa kanilang unyon. Nagprotesta rin sila sa Kowloon House West sa West Avenue, Quezon City sa araw na iyon.
Anila, hindi katanggap-tanggap ang alok na ₱10/araw na dagdag sahod ng pamunuan ng restawran na Katipunan Food Services Inc. (KFSI). Unang humiling ang unyon ng dagdag na ₱50/araw ngunit nagkompromiso na ito at ibinaba tungong ₱35/araw. Inirereklamo rin ng mga manggagawa ang hindi pagsunod ng kumpanya sa mga napagkasunduang dagdag sahod sa mga nakaraang CBA na tinatayang umabot na sa ₱5.5 milyon sa tatlong taon.
Bilang tugon dito, nag-anunsyo ang KFSI noong Marso 14 na hindi na nito pagmamay-ari ang restawran. Tinanggal na rin ang karatulang “Kowloon House” na nakakabit sa itaas ng restawran at pinalitan ng pangalan ng ibang negosyo. Nangangamba ang unyon na ibinenta o inilipat na ng pag-aari ang restawran.
Sa Laguna, magkakasunod na protesta ang inilunsad ng mga manggagawa ng PhilFoods Fresh Baked Products Inc, Gardenia Philippines at Daiwa Seiko Philippines noong Marso 7, 9 at 12. Nagmartsa sila sa loob ng engklabo na Laguna International Industrial Park sa Barangay Mamplasan, Biñan. Kinundena nila ang isinampa ng kapitalistang PhilFoods noong Marso 4 na kasong “insubordination” sa mga unyonista. Ang kaso ay kaugnay ng protesta ng unyon na tupdin ng kumpanya ang mga prubisyon ng CBA kaugnay ng pasahod.
Samantala, naibalik sa trabaho noong Marso 9 ang dalawang lider-unyonista ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU) na sinisante noong 2024. Ang dalawa ay kabilang sa apat na mga lider ng unyon na magkakasabay na sinisante noong Disyembre 17, 2024 bilang ganti sa unyon. Ito ang nagtulak sa kanilang magwelga noong Marso 2025.
Sa Cavite, nagkakampanya ang Samahan ng mga Manggagawa sa EMI-Independent sa mga manggagawa na pumirma para sa Petition for Certification Election. Ang naturang petisyon sa DOLE ay humihiling ng eleksyon para mamili ng unyong kakatawan sa mga manggagawa para sa negosasyon sa CBA.
Kasalukuyang nasa “freedom period” ang mga manggagawa at kumpanya kung saan may 60 araw na nakalaan para hamunin o palitan ang kanilang kinatawang unyon sa negosasyon para sa CBA. Noong Pebrero 19, nakaranas ng panggigipit ang unyon kaugnay ng pangangalap ng pirma para sa petisyon.
The post Pakikibakang manggagawa para sa CBA at iba pang karapatan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

