Militanteng ginunita ng libu-libong kababaihan sa bansa at sa ibayong dagat ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis noong Marso 8. Bitbit ang panawagang pagbasura sa 12% value added tax (VAT), pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa korapsyon at pagpapatigil sa imperyalistang gera sa Middle East, naglunsad ng programa ang Gabriela at iba pang mga progresibong grupo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Mula Liwasan, nagmartsa ang mga kababaihan tungo sa embahada ng US upang kundenahin ang imperyalistang agresyon at pandarambong na labis na nagpapahirap sa milyun-milyong kababaihan sa iba’t ibang dako ng mundo. Pagdating sa Kalaw Avenue, hinarang sila ng mga pulis at sinaktan ang ilan sa kanilang mga lider. Dito na sila nagsagawa ng programa at nagsunog ng effigy nina Trump, Netanyahu at Marcos Jr.

12% VAT at excise tax, ibasura

Ayon sa Gabriela, malaking alwan para sa mamamayan kapag matanggal ang VAT at excise tax sa langis, pagkain at mahahalagang serbisyo. Kapag tinanggal ang VAT sa mga pangunahing bilihin tulad ng LPG, ₱4.86 kada kilo ang mababawas sa presyo; sa kuryente (Meralco, para sa buwan ng Marso pagkatapos ipatupad ang pagtaas ng singil), ₱300 ang mababawas sa ₱2,800 kada buwan na bayarin para sa 200 kilowatt-hour na konsumo habang nasa ₱120 ang mababawas para sa ₱1,000 halaga ng mga delata, nudels, gatas o mga pagkain na dumaan sa proseso, at gamit-bahay. Mas bababa pa ito kung tatanggalin ang excise tax sa produktong petrolyo at sa matatamis na pagkain at inumin.

Dagdag dito, malaking insulto para sa bawat Pilipino na nagbabayad ng VAT sa kada bibilhing lata ng sardinas, pakete ng nudels o litro ng mantika na bilyun-bilyong pisong pondo ang napupunta sa pambayad utang, badyet para sa pasismo ng militar at pulis, mga palpak at ghost na proyektong imprastruktura, at para sa kikbak at kurakot ng mga burukrata-kapitalista.

Ang VAT ay buwis na ipinapataw sa dagdag halaga sa bawat yugto ng pagpuproseso ng isang produkto o serbisyo at distribusyon ng mga ito. Matatawag din itong buwis para sa pagkonsumo. Halimbawa, ang delatang sardinas ay may nakapatong na VAT sa bawat yugto ng produksyon—mula sa pagpuproseso ng kamatis hanggang sa paglalagay sa lata. Sa ganitong sistema, madali para sa estado na kulektahin ang buwis dahil lahat ng nakapatong na buwis ay kinukulekta sa konsyumer.

Bagaman ang mga produktong agrikultural tulad ng bigas, prutas, gulay at isda, ay walang nakapataw na buwis, may nakalakip na VAT sa produksyon nito. Kailangang gumamit ang magsasaka at mangingisda ng pestisidyo, pataba, feeds, bingwit at langis na pawang may VAT. Malaking porsyento rin ang VAT sa transportasyon ng ani at huli.

Ayon sa pananaliksik ng Ibon Foundation, pinakamalaking pinagkukunan ng rebenyu ng gubyerno ay mula sa buwis sa konsumo (34.4% noong 2024). Samantala, nasa 21.2% lamang ang nalilikom na buwis mula sa malalaking kumpanya at mayayamang indibidwal.

Kalbaryo ng mga ina

Dahil sa halos sabay-sabay na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo, milyun-milyong kababaihan ang problemado kung paano pagkasyahin ang sahod at kita.

Ito ang iniindang problema ni Belinda, isang mangangalakal at manghihilot. Pinakamalaki na niyang kita ang ₱2,000 kada linggo. Pinagkakasya niya ito sa gastusin ng kanyang pamilya at maysakit na mga magulang. Dagdag pa ang inaabot niya sa kanyang anak, na bagaman may asawa na ay kailangan pa rin ng tulong sa kabuhayan. Dahil sa mahal ng mga bilihin, nagbawas na siya ng kinakain. Gumagamit siya ng solar para sa kuryente at sa balon siya kumukuha ng tubig. Binitiwan na muna niya ang pangarap na mabisita ang maysakit na magulang dahil sa higit ₱1,000 dagdag-pasahe sa barko ngayong buwan.

“Kahit anong pagod ko, wala akong maipon. Mahirap….kailangan may gawin ang gubyerno para bumaba ang presyo ng mga bilihin at pababain ang presyo ng langis,” pahayag ni Belinda.

Bagamat mas nakakaalwan, namomroblema rin si Jessa, ina na may tatlong anak, sa nagtataasang presyo ng bilihin. Sa ngayon, nakasasapat pa ang sweldo ng kanyang asawang inhinyero para sa araw-araw na gastusin at gastos sa edukasyon.

“Kahit naman may trabaho, aabot pa rin ang panahon na aaray na kami dahil sa kamahalan na ng presyo ng lahat ng nasa paligid… kaya dapat tanggalin na ang excise tax at ang VAT para masolusyonan ang krisis! Hindi na makatao ang mga ito,” panawagan ni Jessa.

The post Kababaihan, tumitindig laban sa imperyalismong US at krisis sa ekonomya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.