Sa darating na Abril hanggang Mayo, gaganapin ang inaasahang pinakamalaking pagtitipon ng dayuhang mga tropa sa Pilipinas sa ilalim ng taunang Balikatan Exercises ng US. Liban sa mga tropang Amerikano, direktang lalahok dito ang 1,000 tropang pandepensa ng Japan, pati ang mga tropa mula sa Australia, Canada, New Zealand at France.

Nasa 18 bansa ang lalahok bilang “obserber” sa gaganaping mga operasyon at maniobrang kombat. May mga tropa, tulad ng Australian at Japanese, na noon pang Pebrero dumating sa Pilipinas. Kasama ang US, walang patid silang nagsagawa ng mga paglalayag sa mga teritoryong dagat ng bansa para hamunin ang mga barkong Chinese. Tahasang panghihimasok ito sa internal na usaping pandagat sa pagitan ng China at Pilipinas. Mula 2023, umabot na sa 25 katulad na paglalayag at pakikialam ang inilunsad ng dayuhang mga barko.

Noong Marso 9, 4,222 na tropang Pilipino ang lumahok sa tinawag na Littoral Defense Live Fire Exercise sa bayan ng Burgos, Pangasinan. Bahagi ito ng Combined Arms Training Exercises o CATEX-Katihan at paghahanda sa lokal na tropa para sa serye ng mga war games ng US sa ilalim ng Balikatan. Sa kabila ng krisis sa ekonomya na kinahaharap ng sambayanan, walang pakundangan ang paggastos ng militar para sa langis, bala, armas at lohistika.

Sa kabila ng pahayag ng AFP na nakatutulong sa ekonomya ng komunidad ang kanilang presensya, hirap at pagdurusa ang dinanas ng mga residente. Hindi makapaglayag ang mga mangingisda dahil sa no-sail policy, habang takot at ingay ang hatid ng buong araw na pagpapaputok ng mga armas sa komunidad. Bagaman isang araw lamang ang aktibidad, malaki pa rin ang epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda na araw-araw ay kailangan kumayod.

Mga base ng pangamba

Sa Cagayan de Oro City, mahigit 50 tropang Amerikano ang dumating sa syudad para sa dalawang linggong “Humanitarian and Disaster Relief Training,” kasama ang mga tropa ng 4th ID. Nagsimula ang war games noong Marso 8 sa Lumbia Air Base, isang EDCA site at magtatapos sa Marso 24. Noong Marso 15, dumaong ang barkong nabal ng US sa pantalan ng Macabalan sa syudad na may dalang dagdag na mga tropang Amerikano.

Nagdulot ng pangamba sa mga residente ang biglang pagdating ng dayuhang mga tropa. Nangangamba sila na makaladkad ang syudad, at ang buong Pilipinas, sa gera sa Iran at Middle East na pinasiklab ng US. Kinuwestyon ng lokal na konseho ang dahilan at saklaw ng aktibidad ng tropa at nagpahayag ng pagkabahala sa kaligtasan ng mga residente, lalo na kung may krimeng magagawa ang mga tropa. Iminungkahi rin ng isang konsehal na ipagbawal ang mga bar malapit sa base upang maiwasan ang pang-aabuso at problema na kadalasang kaakibat sa presensya ng mga tropang Amerikano. Nababahala sila na gagamitin ng US ang Lumbia Air Base bilang refuelling o logistical support ng mga tropa ng US at dahil dito ay maaaring maging target militar ang syudad.

Mariing kinundena ng National Democratic Front-North Central Mindanao Region (NDF-NCMR) ang pagpakat ng tropang Amerikano sa syudad. Anito, isang kasinungalingan na “humanitarian assistance and disaster relief traning” ang operasyong inilulunsad ng mga Amerikano sa Lumbia. Noong Setyembre 2009, ginamit na dahilan ng tropang Amerikano ang bagyong Ondoy upang iwasiwas ang kanilang malalaki at abanteng teknolohiya pandigma at gawing normal ang kanilang presensya. Ang konsentrasyon ng mga pagsasanay sa EDCA site ay naglalantad sa tunay na militaristang layunin ng kanilang operasyon, anito.

Liban sa Lumbia Airport, planong magtayo ng AFP at US baseng nabal sa 3,000 ektaryang PHIVIDEC Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental. Itatransporma nito ang Northern Mindanao tungo sa isang forward base para sa agresyong US, ayon sa NDF. Inilalagay nito ang mga Pilipino sa kapahamakan at idinadawit ang bansa sa mga gera ng US saanman sa mundo.

The post Pinakamalaking Balikatan, nakatakdang idaos sa gitna ng gera at krisis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.