Maulan at gabi na ngunit pursigidong tumungo ang grupo ng kababaihang katutubo sa pinaghimpilan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Barangay Berta sa isang larangan sa Southern Tagalog. Mainit nilang pinaunlakan ang imbitasyon para sa pagbubuo ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), ang rebolusyonaryong organisasyon ng kababaihan para sa armadong pakikibaka. Itinaon ang pagtitipon sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis.

Unang tinalakay sa pulong ang seguridad, kasunod ang maikling pagpapaliwanag sa layunin ng pagbubuo ng rebolusyonaryong samahan at pagpapakilala ng mga dumalo at taguyod. Ipinaliwanag sa mga dumalo ang kahalagahan ng pagkakaisa at mga disbentahe ng pagkakawatak-watak. Lahat sila’y sang-ayon sa pagbubuo ng grupo at agad na nagtalaga ng kanilang mga lider. Inilinaw sa mga lider at kasapi ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad.

“Hihikayatin namin ang kababaihang hindi nakadalo ngayon na pumaloob sa aming grupo,” pagtitiyak ni Ka Edna, isa sa napiling lider. Dahil madilim na ay sa susunod na araw na lamang iniskedyul ang pagbibigay ng pormal na pag-aaral.

Sa araw ding iyon, nauna nang binuo ang grupo ng mga katutubo. Isinagawa ito pagkatapos ng pag-aaral sa Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Ang pag-aaral ay iniangkop ng instruktor sa antas sa literasiya at numerasiya ng mga kalahok at ginawang kaengga-engganyo sa pamamagitan ng pagguhit ng mapa at pag-aangkop ng mga halimbawa. May ilang bidyo ring ipinalabas bago at pagkatapos ng pag-aaral.

Naging masigla ang talakayan at aktibong nagbahagi ng kanilang mga karanasan at kaalaman ang mga estudyante. “Kawawa talaga ang mga katutubo ‘pag papasok ang dayuhang mina dito, tiyak mapapalayas kami at mawawala ang aming hanapbuhay,” saad ni Ka Elmer, isa sa lider ng grupo, sa kung paano nakaaapekto sa kanila ang imperyalismo.

Alam nila ang banta ng mga dayuhang mina sa kalikasan. Naunawaan nila na dahil sa monopolyo at konsentrasyon ng iilang makapangyarihang angkan sa lupa kaya wala silang sariling lupang sinasaka. Nakikisaka lamang sila sa maliliit na panginoong maylupa sa hatiang 60-40. Kargo nila ang lahat ng gastusin sa niyugan ngunit dahil wala silang pampinansya ay nangungutang sila sa kanilang amo. Kulang na kulang ang kanilang kinikita kaya baon sila sa utang. Hindi rin sila natutulungan ng korap na reaksyunaryong gubyerno para makaahon sa hirap na kanilang kinasasadlakan.

“Kailangan ko pang isangla ang aking kalabaw sa komersyante para ipambayad sa pagpapa-ospital ng aking apong naaksidente. Napakamahal ng gamot! Yung kinikita ko sa pagkokopra na binili nang napakamura, kulang pa pambayad sa utang,” malungkot na kwento ni Ka Sanny, pinakamatanda sa grupo. Rinig sa kanyang boses ang pagkadismaya sa reaksyunaryong gubyerno na pinatatakbo ng mga korap at tiwali. Batid niya ang kainutilan nito sa pagtitiyak sa kanilang karapatan sa pangkalusugan.

Habang binubuo ang mga samahan, itinaguyod ng masa ang seguridad ng baryo. Nagsagawa sila ng pagrerekon at agad na nag-ulat sa yunit ng mga napapansin sa paligid.

Ilang taon ding hindi nabalikan ng hukbong bayan ang lugar. Matagal na nakalubog dito ang mga sundalo kaya naging maingat ang yunit sa paglapit at pagkilatis sa dating naorganisa na kapanalig pa ng rebolusyonaryong kilusan.

“Sa pagpasok sa rekoberi erya, unang pagkakataon ito na nakapagbuo ng dalawang grupo sa loob lamang ng isang araw,” ayon kay Ka Yanny, isang tim lider.

Natapos ang mga pagtitipon na may galak at tuwa sa mga masa at sa mga kabataang nakikipamuhay sa kanayunan sa piling ng mga Pulang mandirigma. “Marami akong natutuhan sa pagbubuo ng grupo, sa kung paano umangkop sa tagapakinig, mula sa lenggwahe hanggang sa pagbibigay ng halimbawa sa mga paksang teoretikal na madali nilang maunawaan at batay na rin sa kanilang karanasan,” ani Ka Mars, myembro ng Kabataang Makabayan.

“Sa ilang araw ko pa lang dito sa Pulang hukbo, marami na akong natutuhan at nadagdagan ang aking karanasan,” pagbabahagi ni Ka Paolo. Kabilang sina Ka Paolo at Ka Mars sa mga kabataan mula sa syudad na tumugon sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na tumungo sa kanayunan, matuto at mag-ambag sa armadong pakikibaka.

The post Pagtatayo ng mga rebolusyonaryong samahan sa Barangay Berta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.