Ipinaglalaban ng mga pambansang minorya ang kanilang karapatan sa lupang ninuno laban sa pangangamkam at pagpasok ng mga proyektong dam, renewable energy, plantasyon at real estate. Sa nagdaang mga linggo, naglunsad sila ng mga pagkilos para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.

Sa Quezon City, nagprotesta sa harap ng Department of Environment and Natural Resources Central Office ang mga grupo ng pambansang minorya at tagapagtanggol ng kalikasan bilang paggunita sa International Day of Action for Rivers (pandaigdigang araw ng pagkilos para sa mga ilog). Kinundena nila ang pagtatayo ng malalaking dam at proyektong renewable energy na sumisira sa kalikasan at nagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo.

Sa Aklan, nagmartsa ang mga katutubong Ati, sa pangunguna ng Boracay Ati Tribal Organization, noong Marso 16 sa lansangan ng Kalibo para batikusin ang pangangamkam sa kanilang lupang ninuno sa Boracay Island. Binatikos nila ang Department of Agrarian Reform Provincial Office at rehimeng Marcos sa pagkansela sa kanilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) noong 2024 sa hiling ng pribadong debeloper. Nasa limang lote sa Boracay ang pag-aari ng katutubo at “iginawad” ng gubyerno noong 2018 sa bisa ng CLOA.

Sa Occidental Mindoro, kinundena ng mga Mangyan-Iraya at kanilang organisasyon na Mangyan Iraya Repumpungan sa Malatabako ang pagpapalayas ng isang korte noong Marso 15 sa kanilang komunidad sa Sityo Malatabako, Barangay San Vicente sa Abra de Ilog. Kinatigan ng korte ang motion for execution na inihain ng kumpanyang real estate na Pieceland Corporation para mapabilis ang pagpapalayas sa mga residente. Kasabwat ng kumpanya ang militar at ang National Commission on Indigenous Peoples.

Sa Negros Occidental, nagprotesta ang mga magsasaka at katutubo mula sa Candoni noong Marso 10-11 sa labas ng gymnasium ng Barangay West kasabay ng asembliya para sa Free, Prior and Informed Consent. Lalahok sana sila sa asembliya ngunit pinigilan ng mga tauhan ng Hacienda Asia Plantations Inc at mga sundalo ng 15th IB. Ang permit ay para sa operasyon ng 6,652.32 ektaryang plantasyon ng oil palm sa mga barangay ng Gatuslao, Payawan at Agboy sa Candoni.

The post Mga pambansang minorya, tumitindig para sa lupang ninuno appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.