Inaresto sa magkasabay na mga operasyon ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Tarlac City at Quezon City noong Marso 11 ang 10 indibidwal kabilang si Gabriel Kennedy Bangibang, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa Cordillera at usapin sa pambansang minorya. Pinaratangan silang mga myembro at upisyal ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa Ilocos-Cordillera.
Sa Tarlac City, dinakip sina Bangibang, Dr. Ana Marie Rilloroza, Theresa Forag, Ranee Francella Tuazon, Renato Ginez, Marc Mendiola at Javar Sugao sa isang bahay sa Barangay Baras-baras. Kumahaharap ang pito sa mga kasong pagpatay, tangkang pagpatay, qualified trafficking at illegal possession of firearms and explosives. Sa panahon ng pag-aresto, pinaghahampas sila sa ulo, pinagsusuntok ang mukha at tiyan, at iningudngod sa sahig.
Sa Quezon City, inaresto sina Jess Gamay Lang-ay, Bobby Calsiyao Yag-ao at isa pang indibidwal. Si Yag-ao ay nakakulong ngunit sina Gamay at isa pa niyang kasama ay nawawala matapos “palayain” ng mga pulis sa kawalan ng nakasampang kaso sa kanila. Hindi sila matunton at makontak ng pamilya na lubha nilang ikinababahala.
Sa ibang bahagi ng bansa, naiulat ang mga kaso ng pamamaril, panggugulpi at pagkakampo ng militar sa mga sibilyang pasilidad.
Sa Negros Occidental, pinaulanan ng bala ng 15th IB ang sibilyang drayber na si Gary Jorpo noong Marso 6 ng gabi sa Barangay Tapi, Kabankalan City. Nasugatan siya sa paa. Noong Marso 9 at 11, pinagbantaan at ginulpi ng 79th IB ang isang matandang magsasaka at dalawang magkapatid na lalaki sa Barangay Paitan, Escalante City nang napagdiskitahan ng mga sundalo. Sa ilang bahagi ng Central Negros, walang tigil ang okupasyon ng militar sa mga sibilyang pasilidad at pagpapatawag sa mga sibilyan.
Sa Masbate, pinasok ng 2nd IB ang dalawang paaralan sa Barangay Libertad, Cawayan noong Marso 10. Inisa-isa ng mga sundalo ang mga estudyante at hinanap ang mga anak ng pinararatangang mga rebelde. Nagkakampo rin ang militar sa mga sibilyang pasilidad sa mga barangay sa bayan ng Palanas, Cataingan at Cawayan mula pa Enero.
Sa Northern Samar, nagpataw ng hamlet ang AFP sa mga barangay ng Poponton, Paco, Caputo-an, Lakandula, Victory, at Cuenco sa Las Navas. Tuwing lalabas sa baryo, inoobliga ang mga residente na pumirma sa logbook at kumuha ng numero bilang “katibayan” ng pagiging sibilyan. Hinigpitan rin ang pagbabantay sa mga kalakal at produkto. Sa Catubig, tinakot ng 19th IB ang isang 15-anyos na binata sa Barangay Opong.
The post Konsultant ng NDFP para sa Cordillera, 9 iba pa, inaresto appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

