Mariing kinundena ng National Democratic Front-North Central Mindanao Region (NDF-NCMR) ang pagpakat ng tropang Amerikano sa Cagayan De Oro para sa dalawang linggong Balikatan 2026 joint exercise na nagsimula noong Marso 8 sa Lumbia Air Base, isang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site.
Noong Marso 15, dumaong ang barkong nabal ng US sa pantalan ng Macabalan, Cagayan de Oro na may kasamang dagdag na tropang Amerikano. Ayon 590th Air Base Group, nasa 100 tropa ang dadalo sa “Humanitarian and Disaster Relief Training” na katuwang ang tropa ng Pilipinas. Magtatapos ang aktibidad sa Marso 28.
Nagdulot ng pangamba sa mga residente ang pagdating ng mga tropang Amerikano sa syudad. Nangangamba sila na maaring makaladkad nito ang syudad, at ang buong Pilipinas, sa nagpapatuloy na heyopulitikal na tensyon sa Iran at Middle East.
Ayon sa NDF-NCMR, isang kasinungalingan na pawang “humanitarian assistance and disaster relief traning” lamang ang ilulunsad sa prubinsya. Anito, noong Setyembre 2009, ginamit na dahilan ng tropang Amerikano ang bagyong Ondoy upang ipagyabang ang kanilang malalaki at abanteng teknolohiya na gamit sa digma at gawing normal ang kanilang presensya. Ang konsentrasyon ng mga pagsasanay sa mga EDCA site ay naglalantad sa tunay militaristang anyo ng kanilang operasyon.
Tuluy-tuloy pang aagdagdag ng mga pasilidad para sa militar ng US sa bansa. Kabilang dito ang pinaplanong itayong baseng nabal sa 3,000 ektaryang PHIVIDEC Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental. Ang mga proyektong imprastraktura ay pinondohan gamit ang $500 milyong ayudang militar mula sa US na nakadisenyo upang mapadali ang mga kontra-insurhensya na operasyon at magpakita ng kapangyarihan sa rehiyon, na direktang nagbabanta sa soberanya ng Pilipinas.
Ayon sa NDF-NCMR, ang pagpapadala ng topang Amerikano sa Lumbia at ang pinagplanuhang baseng nabal sa Tagoloan ay nagtatransporma sa syudad at prubinsya tungo sa isang forward base para sa agresyong US. Inilalagay nito ang mga Pilipino sa kapahamakan at nagdadawit sa bansa sa tunggalian ng US at China sa Taiwan at sa South China Sea.
Pandarambong ng US sa likas na yaman sa Mindanao
Ayon sa NDF-NCMR, ang presensya ng tropang Amerikano ay konektado sa pandarambong sa likas na yaman at sa pang-aagaw ng lupaing ninuno sa Mindanao. Ang “payong na pangseguridad” na binibigay ng tropang Amerikano ay nagpapadali sa pagpapalawak ng mga industriyang nakatuon sa pagmimna. Naglunsad ng programang teknikal na tulong ang US na nagkakahalaga ng P280 milyon ($5 milyon) upang paunlarin ang sektor ng pagmimina sa kritikal na mineral at pagsuporta sa negosyong pagmimina sa Mindanao. Isang nakabase sa Florida na kumpanya, ang Rizome PH, ay namuhunan ng $100 milyon para sa planta na nagmamanupaktura ng mga kawayan sa Cagayan De Oro. Sa pagitan ng 2022 at 2023, nasa 223,000 ektarya ang inaprubahan para sa pagmimina, na aagaw sa kabuhayan at lupa ng halos 45,000 katutubo. Ipinagyayabang ng mga kumpanya na ang pagmimina ay lumilikha ng trabaho pero walang tinatamasang benepisyo rito ang apektadong mga komunidad ng mga katutubo.
Ang mga Lumad ng Mindanao, kabilang ang mga komunidad ng Manobo, T’boli at Higaonon ang nakakaranas ng masasamang epekto ng pagmimin at ng operasyog militar. Halos 2/3 ng lupaing ninuno ay inangkin ng mga kumpanya sa pagmimina ay nasa Mindanao. Tinatayang nasa 45,070 katutubo na biktima ng pagkabag sa karapatang tao ay may kinalaman sa pagmimina noong 2023, 62% na mas mataas kumpara sa 2022. Malinaw na palpak ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) sa pagprotekta sa lupaing ninuno sa bansa.
Nananawagan ang NDF-NCMR sa sambayanang Pilipino na labanan ang patuloy na panghihimasok ng militar ng US sa bansa. Kaalinsabay nito ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement, EDCA, Military Logistics Support Agreement at sa lahat ng di pantay na kasunduang militar. Anito, dapat maging mapagmatyag at magkaisa ang mamamayan ng Mindanao para makamit ang tunay na pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan.
“Tanging sa pamamagitan ng pambansang demokratikong rebolusyon na dudurog sa tatlong salot sa sambayanang Pilipino-ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo, tunay na matatapos ang siklo ng imperyalistang agresyon at pyudal na pang-aapi sa mamamayan,” paliwanag ng grupo.
The post Presensya ng sundalong Amerikano sa Cagayan De Oro, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

