Naalarma ang mga manggagawa ng Kowloon House West sa West Avenue, Quezon City sa kamakailang anunsyo ng Katipunan Food Services Inc (KFSI) na hindi na nito pagmamay-ari ang restawran sa naturang lugar. Kasabay nito, tinanggal na rin ang signage ng Kowloon House na nakakabit sa itaas ng restawran noong Marso 14 at pinalitan ng pangalan ng ibang negosyo. Biglang ipinagbawal ng KFSI ang anumang aktibidad o protesta ng unyon sa harap ng gusali dahil anito’y hindi na ito pag-aari ng kumpanya.
Naganap ang mga hakbang na ito ng KFSI sa kalagitnaan ng deadlock sa negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng unyong Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries-KMU-Kowloon House West Chapter (GLOWHRAIN-KMU-KHWC) at pamunuan ng restawran.
Ayon sa unyon, ang maanomalya at hindi malinaw na hakbang na nito ay malaking banta sa kalagayan ng pagawaan, seguridad sa trabaho ng mga manggagawa, at karapatan sa asembliya at pagpapahayag.
“Ang hakbang na ito ay nagbubunga ng maraming seryosong katanungan…nang walang seryosong pagsisiyasat at nang hindi nagbibigay ng kinakailangang dokumento sa unyon alinsunod sa CBA,” pahayag ni Bernard Dimaunahan, pangulo ng unyon.
Dagdag pa ni Dimaunahan, maituturing na paghihiganti sa mga manggagawa ang hakbang na ito ng kumpanya na tahasang pagtatangkang takasan ang pananagutan at supilin ang mga karapatan ng manggagawa. Noong Marso 6 lamang, nagsumite ang unyon ng Notice of Strike sa Deparment of Labor and Employment (DOLE) para ipaglaban ang CBA at batikusin ang mga kaso ng panggigipit sa kanila.
Noon pang Agosto 2025 dapat nagsimula ang mga negosasyon para sa bagong CBA sa pagitan ng unyon at pamunuan ng KFSI ngunit sinimulan lamang ito noong Enero. Sa mga naging negosasyon, tanging ₱10/araw ang inialok na dagdag sahod ng KFSI na malayo sa ₱35/arawang dagdag, na kompromiso na ng unyon mula sa naunang panawagang ₱50/araw. Hindi naniniwala ang unyon sa pagdadahilan ng KFSI na kaya mababa ang alok nito ay dahil nalulugi ang kumpanya.
Samantala, hindi sumipot ang kinatawan ng KFSI sa ipinatawag ng DOLE na negosasyon noong Marso 12 kaugnay ng isinumiteng pabatid na welga ng unyon. Ayon sa unyon, sa halip na harapin ang mga manggagawa ay ilang ulit pang nagpapalit-palit ng abugado at kinatawan ang kumpanya sa mga negosasyon. Kumuha rin umano ang KFSI ng mga “third party HR managers” o mga konsultant para iwasan ang direktang pakikipagnegosasyon sa unyon.
Ipinahayag ng unyon na nakahanda sila sa posibilidad ng pagkakasa ng welga katulad ng magiting na welga nila noong 2008 para sa kanilang mga karapatan. Nanawagan ito sa mga kapwa manggagawa at mamamayan na makiisa at suportahan ang laban ng mga manggagawa ng Kowloon.
The post Posibleng pagbebenta sa Kowloon House sa gitna ng CBA deadlock, ikinabahala ng unyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

