Magkakasunod na aktibidad at protesta ang inilunsad ng mga manininda, mga residente at iba pang mapalalayas sa pribatisasyon ng 7.8 ektaryang lupa sa Cebu City, kabilang ang kinatitirikan ng Carbon Market. Isinagawa ang mga pagkilos noong Marso 14 hanggang Marso 17 na nilahukan ng mga progresibong grupo sa Cebu.
Nasapribado at naipailalim na sa pangangasiwa ng Cebu2World Development Inc. (C2W) ang Carbon Market alinsunod sa Joint Venture Agreement (JVA) nito sa lokal na gubyerno ng syudad. Pinirmahan ng lokal na gubyerno ng Cebu City ang JVA sa Megawide Construction Corporation noong Enero 11, 2021 at noong Mayo 27, 2021 ay inilipat ang kasunduan sa C2W.
Sa pribatisasyon ng palengke, tinatayang 16,000 na manininda at trabahador ang mawawalan ng pwesto at trabaho. Inaasahang magtataas ng singil sa pwesto at ipagsisiksikan ang mga manininda sa mas maliliit na espasyo. Dagdag dito, tinatayang 700 kabahayan ang idedemolis sa katabing Sityo Bato, Barangay Ermita na sasaklawin ng konstruksyon ng bagong mga gusali.
Sa pangunguna ng Carbonhanong Alyansa alang sa Reporma ug Bahandianong Ogma sa mga Nanginabuhi (Carbon-hanong Alyansa), muling iginiit ng mga grupo ang pagrebyu o tuluyang pagbasura sa pribatisasyon sa palengke. Ang alyansa ay binubuo ng tatlong samahan sa Carbon Market, mga residente ng kalapit na sityong mapalalayas ng pribatiasyon, at mga tagasuporta.
Noong Marso 14, sama-samang nagtirik ng kandila, nanalangin at nagkalampagan sa palengke ang mga manininda at iba pang sektor. “Pampubliko ang Carbon. Isa itong palengke na mula sa masa at para sa masa,” pahayag ng isang maninindang lumahok sa protesta. Babala niya sa pribadong kumpanya at syudad, hindi titigil ang kanilang mga protesta hanggang mabasura ang proyekto.
Noong Marso 15 ng gabi, naglunsad ng konsyerto ang mga artista at musikero sa palengke bilang pagsuporta sa laban ng mga manininda. Pinangunahan ang konsyerto ng Counterflow Productions, Concerned Artists of the Philippines Cebu Chapter, Artista para sa Nasyunalista Demokratiko at Rebolusyonaryong Sining (Andres)-Sugbu at ng Carbon-hanong Alyansa.
Ang konsyerto ay tinawag na “Tabo-Tagbo Para sa Carbon: Street Jam Against Carbon Market Privatization.” Sa Cebuano, ang kahulugan ng “tabo-tagbo” ay pagtitipon o pagtatagpo ng mga tao na katulad ng konsyerto ay pagsasama-sama ng mga musikero at artista, manininda at mga tagasuporta para ipagtanggol ang Carbon Market.
Noong Marso 17, daan-daan ang lumahok sa martsa mula sa Briones Street patungong Cebu City Hall kung saan isinasagawa ang sesyon at pagrebyu sa kontrata. Dala-dala ng mga manininda ang kanilang mga kariton na gamit sa palengke bilang simbolikong pagpapakita ng pagtatanggol sa kanilang kabuhayan. Nanawagan ang Carbon-hanong Alyansa sa konseho ng syudad na tumindig sa panig ng mamamayan at ibasura ang kasunduan.
Ayon sa Carbon-hanong Alyansa at mga progresibong grupo, magpapatuloy pa ang mga aktibidad at pagkilos para sa Carbon Market. Sa kasalukuyan, nasampa ang isang petisyon sa Korte Suprema na kumukwesyon sa pagiging konstitusyunal ng JVA.
The post Serye ng mga protesta laban sa pribatisasyon ng Carbon Market sa Cebu City, inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

