Nagmartsa ang mga katutubong Ati sa pangunguna ng Boracay Ati Tribal Organization (BATO) noong Marso 16 sa lansangan ng Kalibo, Aklan patungo sa Department of Agrarian Reform (DAR) Provincial Office. Binatikos nila ang kinakaharap na pangangamkam sa kanilang lupang ninuno kasunod ng iligal na kanselasyon sa hawak nilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA).

Kumakaharap sa pangangamkam ang limang lote sa Boracay na pag-aari ng mga katutubong Ati at “iginawad” mismo ng gubyerno noong 2018 sa bisa ng CLOA. Kinansela ng DAR ang CLOA noong Marso 2024 alinsunod sa kahingian ng pribadong debeloper sa batayang “hindi angkop para sa agrikultura” ang lupa.

Mula noon ay ilang ulit nang hinaras at humarap sa pagpapalayas ang mga katutubong Ati. Pinakahuli sa mga pagtatangkang ito ang pagbabakod sa isang lote ng mga “claimants” na JECO Development Corporation noong Pebrero 16. Nilagyan ito ng tarangkahan, at isinara at pinagbawalan ang mga katutubo na makapasok sa sarili nilang lupa.

Binatikos na noon pa lamang ng BATO ang naturang pagbabakod. Anang grupo, tanging isang “notice of order of denial” pa lamang ang hawak ng mga armadong gwardyang nagbakod at nagbabantay sa lupa. Giit ng grupo, hindi pa maituturing na pinal ang dokumento dahil mayroon pang nakasampang motion for reconsideration kaugnay ng kaso.

Ayon sa BATO, walang katotohanan ang sinasabing hindi angkop para sa agrikultura ang kanilang lupa. “Ang mga lupaing ito ay upisyal na kinilala bilang lupaing pang-agrikultura, at amin itong nilinang gamit ang aming katutubong kaalaman at tradisyunal na pamumuhay,” pahayag ng grupo noong 2025.

Sa protesta sa Kalibo, nagpahayag ang BATO ng pagkadismaya sa DAR at sa gubyernong Marcos dahil sa inhustisyang dinaranas nila. “Kakarampot na lupa para sa mga Ati sa Boracay: Inagaw na, ipinagkakait pa ng administrasyong Marcos! Nasaan ang hustisya?” saad sa malaking tarpolin sa protesta.

Samantala, nagpahayag ng pakikiisa sa mga Ati ang Bagong Alyansang Makabayan-Aklan. Ayon sa grupo, sa halip na pangalagaan ang karapatan ng mga katutubong Ati ng Boracay at pagtibayin ang kanilang karapatan sa lupang ninuno ay binabawi pa ito.

Kaisa sila sa kagyat na panawagan ng BATO para ipatigil ang pagpapatupad sa kwestyunableng atas, ibalik ang lupang ninuno sa mga Ati, magsagawa ng imbestigasyon sa alitan sa lupa, at panagutin ang mga responsable sa paglabag sa karapatan ng mga Ati.

The post Mga katutubong Ati, nagprotesta sa Aklan kontra pangangamkam ng lupang ninuno appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.