Binato ng putik at pininturahan ng mga aktibista at katutubo ang tarpulin sa harap ng hedkwarters ng Petrol Oil sa Mandaluyong City, kahapon, Marso 16 bilang pagpapahayag ng galit ng mamamayan sa ganid sa tubo na kumpanya. Matatagpuan ang hedkwarters sa loob ng compound ng San Miguel Corporation, may-ari ng kumpanya.
Ipininta ng mga nagprotesta ang mga panawagan para ibaba ang presyo ng langis, na sumirit pataas sa nakaraang linggo. Kasama sa protesta ang mga myembro ng Katribu (Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas), Sandugo, Kalikasan PNE at iba pang progresibong organisasyon. Kinundena rin nila ang gerang agresyon ng US at Israel sa Iran na nagbunsod ng malawakang kaguluhan sa Middle East at sa buong mundo.
Kasabay nilang kinundena ang kainutilan ng rehimeng Marcos na apulain ang lumalalim na krisis sa kabuhayan ng mga Pilipino. Anila, habang sumisirit ang presyo ng langis at iba pang bilihin, lalo nitong pinahihirapan ang mamamayan sa nakapatong na VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo. Nanawagan silang tanggalin ang mga buwis sa langis at ibasura ang Oil Deregulation Law na nagbibigay-laya sa mga kumpanya na itaas ang mga presyo kailanman at gaanuman kalaki nilang naisin.
Nitong Martes, Marso 17, ipinatupad ang isa pang “big time” o “jumbo” na pagtaas ang ipinatupad ng mga kumpanya ng langis:
- Gasolina: ₱12.90 hanggang ₱16.60 kada litro
- Diesel: ₱20.40 hanggang ₱23.90 kada litro
- Kerosene: ₱6.90 hanggang ₱8.90 kada litro.
Sa ngayon, nasa ₱114-₱115 kada litro na ang presyo ng diesel sa ilang istasyon sa Metro Manila at iba pang lugar, habang patuloy na tumataas ang presyo ng gasolina.
Ganid sa tubo
Binansagan ng mga nagprotesta na “ganid sa tubo” ang Petron at iba pang kumpanya sa langis dahil sa pagsasamantala ng mga ito sa gera sa Middle East para magpatupad ng sunud-sunod na dambuhalang pagtaas ng presyo.
Wala pa man ang gera sa Middle East, bilyun-bilyong piso na ang kinakamal ng lokal na mga kumpanya sa sobrang pagpepresyo ng mga ito sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa datos mula sa IMF at Department of Energy (DOE), bumagsak ang Dubai crude oil mula $81.80 bawat bariles noong Enero 2025 hanggang $61.83 noong Disyembre 2025, o nang 24%. Sa kabila nito, sero porsyento (0%) o walang pagbabago ang presyo ng diesel sa NCR: ₱57.79 noong Enero at ₱57.76 noong Disyembre sa naturang taon.
Sa harap nito, ipinagmalaki pa ng Petro ang 84% “makasaysayang” paglobo ng netong kita nito, mula ₱8.5 bilyon noong 2024 tungong ₱15.6 bilyon noong 2025. Samantala, tumaas rin nang 33% ang netong kita ng Shell Philippines sa unang siyam na buwan ng 2025.
Malinaw na hindi “ipinapasa” ng mga kumpanya sa langis ang mga pagbaba sa presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan sa konsyumer. Baliktad nito, lahat ng pagtaas, gaano man kaliit, ay agarang sinasalamin ng mga presyo sa mga gasolinahan.
Sa kasalukuyan, tumaas ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan nang humigit-kumulang 40-50% (~$70 tungong ~$102) sa nakaraang 17-18 araw o mula Pebrero 28 hanggang Marso 17. Mas matarik ang itinaas ng mga presyo sa Pilipinas laluna sa diesel na tumaas nang 50%-100% mula katapusan ng Pebrero. Ito ay dahil sa pagtaas ng patong na VAT (tumataas habang nagmamahal ang produkto), dagdag na pagbagsak ng palitan ng dolyar at piso, at pagpapasa ng mga kumpaya ng langis ng dagdag na gastos habang pinananatili ang mataas na antas ng kanilang tubo.
The post Hedkwarters ng “ganid sa tubo” na Petron, pinuntirya ng protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

