Hindi sumipot ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pwesto nito sa inilunsad na Ateneo Career Fair sa Ateneo de Manila University (ADMU) sa Quezon City noong Marso 13. Nataboy ito ng pagbatikos ng One Big Fight for Human Rights and Democracy (OBFHRD) at mga estudyante isang araw bago ang aktibidad.

Ayon sa OBFHRD, ang nakatakda sanang partisipasyon ng AFP ay isang karagdagang manipestasyon ng militarisasyon sa kampus. Maituturing din umano itong institusyonal na pakikipagsabwatan ng ADMU sa AFP sa gitna ng paulit-ulit nitong mga paglabag sa karapatang-tao sa buong bansa.

“Ang mga iskema ng rekrutment na ito ay tahasang pagtatangka na pasukin ang mga akademikong espasyo para pabanguhin ang mga krimen ng AFP laban sa kabataan, manggagawa, magsasaka, kababaihan, mga katutubong mamamayan, at marami pang ibang sektor na dumadanas ng walang tigil na mga paglabag sa karapatang-tao sa kamay nila,” pahayag ng OBFHRD.

Bago pa ang rekrutment ng AFP sa kampus, ilang ulit nang dinala ng mga yunit ng militar ang mga estudyante ng Ateneo High School sa mga kampo militar nito para sa mga “field trip.” Naitala ang mga “field trip” na ito noong Enero sa Cavite City at noong 2024 sa hedkwarters ng 2nd ID sa Tanay, Rizal.

Ayon sa grupo, ang rekrutment at panghihimasok ng militar sa kampus ay kaugnay ng pinirmahang Deklarasyon ng Kooperasyon ng ADMU at AFP noong Setyembre 2025. Ang naturang kasunduan naman ay bahagi ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) ng rehimeng Marcos na mahigpit na kaugnay ng kampanyang kontra-insurhensya, anito.

“Dapat nating itakwil bilang mga Atenista ang matagal nang umiiral na kultura ng karahasan, kawalang pananagutan at pang-aapi,” panawagan ng grupo sa mga kapwa estudyante. Muli nilang ipinanawagan ang pagbasura sa deklarasyon ng kooperasyon ng unibersidad sa AFP dahil hindi dapat umano magsilbi ang kanilang edukasyon sa terorismo ng estado at militar.

Sa araw ng career fair sa kampus, naglunsad ng protesta ang OBFHRD at mga progresibong grupo malapit sa pwesto ng AFP para idiin at batikusin ang rekord sa paglabag sa karapatang-tao ng militar. Binaklas nila ang nakapaskil na “AFP Recruitment Booth” at ang QR code na magagamit ng mga nais magsumite ng aplikasyon.

“Ang ating unibersidad ay dapat maging ligtas at malaya sa kahit anong panghihimasok ng mga pasistang institusyon tulad ng Philippine Army,” pahayag ng grupo.

The post Partisipasyon ng AFP sa Ateneo Career Fair, napaatras ng mga estudyante appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.