Nagprotesta sa harap ng upisina ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), ang nagsisilbing konsulado ng Pilipinas sa Taiwan, ang mga myembro ng Taidoc Technology Labor Union (TTLU) para kundenahin ang hayagang pakikipagsabwatan ng ahensya sa Taidoc Technology sa pagbubuwag sa unyon. Kasama ng unyon sa pagkilos noong Marso 15 ang mga organisasyon ng manggagawa, migrante at kabataang estudyante.
Ayon sa unyon, sa kabila ng mga babala ng Ministry of Labor, tuluy-tuloy ang marahas na kampanya ng pagsupil ng kumpanyang Taidoc sa unyon. Sa nakalipas na mga buwan, ilang beses na nakikipag-usap ang mga upisyal ng MECO sa mga kinatawan ng kumpanya. Noong nakaraang linggo, muling bumalik ang ahensya upang maglunsad ng “interview’ sa mga migranteng manggagawa, kung saan tinakot sila na maaring magsara ang kumpanya kapag magpatuloy ang protesta ng unyon.
Noong Marso 10, naglabas ng liham ang MECO para sa kumpanya at Ministry of Labor, batay diumano sa mga panayam nito sa mga mangaggawa. Puno ng paninira sa mga myembro ng unyon ang liham at anito’y wala diumanong naging paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ang kumpanya. Inakusahan din ng MECO ang unyon na sumisira sa reputasyon ng kumpanya na umaapekto sa seguridad sa trabaho ng mga empleyado. Sinisira din diumano ng unyon ang imahe ng mga Pilipinong manggagawa sa mga kumpanya sa Taiwan. Ang liham ay pinirmahan ni Gina Lim, case officer ng MECO, kilalang personalidad sa komunidad ng mga Pilipino sa Taipei na kontra sa mga grupong nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa at migrante tulad ng Migrante at Serve the People Association.
“Noong nakaraang buwan, nang tinatapakan ng kumpanya ang aming dignidad humingi kami ng tulong sa MECO, ang sagot lamang nila sa amin ay “magresign na lang kayo,” pahayag ni Joana Rose, direktor ng TTLU.
Ayon sa Migrante Taiwan, hindi na bago ang iskema ng MECO na nakikipagsabwatan sa mga kumpanyang Taiwanese. Anito, mas madalas pumapanig ang ahensya sa mga kumpanya kaysa sa mga Pilipinong mangggagawa. Inilahad din ng grupo na noong 2015, nagtangka ang ahensya na ipadeport ang ilang myembro ng Migrante Taiwan dahil sa pagtindig ng grupo para sa karapatan ng mga migrante.
“Ang ginagawa ng MECO ay nagpapakita ng mahabang kasaysayan ng ahensya sa pagsupil sa paglaban ng mga manggagawa… Hindi mo pwedeng ipa-deport ang katotohan at hindi nyo pwedeng burahin ang aming panawagan para sa hustisya,” pahayag ni Gilda Banugan, tagapangulo ng Migrante Taiwan.
Nananawagan ang TTLU sa MECO na itigil nito ang paglabag sa mga batas sa paggawa ng Taiwan. “Kung hindi tayo kayang protektahan ng MECO, tayo mismo ang magpoprotekta sa isa’t isa sa pamamagitan ng ating unyon,” pahayag ni Joanna.
Panawagan din ng unyon sa MECO na bawiin ang inilabas nilang liham at magpaliwanag ang mga upisyal nito sa kanilang pakikipagsabwatan sa Taidoc. Dapat ilahad ng ahensya kung upisyal na mandato ng ahensya ang kanilang pakikipagsabwatan sa kumpanya. Nais din ng grupo na maglabas ng pormal na paghingi ng paumanhin ang ahensya sa unyon, sa lahat ng migranteng manggagawa at sa gubyerno ng Taiwan, parusahan ang mga upisyal na lumabag sa batas at mangako na hindi na ito muling makikialam sa unyon.
The post Sabwatan ng MECO at Taidoc Technology, kinundena ng mga migranteng manggagawa sa Taiwan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

