Sa pangunguna ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, nagprotesta sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central Office sa Quezon City ang mga grupo ng mga pambansang minorya at tagapagtanggol ng kalikasan noong Marso 13. Kinukundena ng mga grupo ang pagtatayo ng malalaking dam at proyektong renewable energy na sumisira sa mga sistema ng ilog at nagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa komunidad. Isinagawa ang protesta kasabay ng paggunita ng International Day of Action for Rivers.

Sa protesta, simbolikong “nilunod” ng mga lumahok ang mga mukha nila Ferdinand Marcos Jr, mga upisyal ng ahensya ng gubyerno at korporasyon na responsable sa mapanirang mga proyekto. Anila, dapat lunurin si Marcos at mga ganid sa likas yama.

“Nilulunod ang taong bayan sa mga mapanirang proyekto at sa malawakang korapsyon sa gubyerno, kaya makatarungan lamang ang panawagan na lunurin sa pananagutan si Marcos Jr at ang kanyang mga kasabwat na korporasyon na nagpapahintulot dito,” paliwanag ng mga grupo.

Ayon sa grupo, habang ipinapakita na progresibo at kinakailangan ang pagtuon sa renewable energy sa halip na pag-asa sa langis, sinisira ng mga proyekto ang komunidad ng mga katutubo at magsasaka. Simula 2025, hindi bababa sa 414 proyektong hydropower para sa komersyal na paggamit ang naitayo sa bansa.

Sa ngalan ng “berdeng pag-unlad,” binibigyan ng pahintulot ang mga korporasyon na gamitin ang mga ilog na inaalagaan ng mga katutubo. Madalas, minamanipula ng mga ahensya ng estado ang proseso ng pagkuha ng kanilang “pahintulot” para agawin ang kanilang lupa. Nagiging palusot ang pangako ng malinis na enerhiya para sa patuloy na pang-aagaw ng mga lupang ninuno at paglabag sa karapatan ng mga katutubo.

“Hindi likas na masama ang proyektong renewable energy dahil kailangan ito upang matugunan ang krisis sa pabago-bagong panahon. Ngunit ang mahalagang tanong ay: sino ang may kontrol sa mga proyekto at kaninong interes ito nagsisilbi?” ayon sa grupo. “Hindi ito pwedeng tawagin na pag-unlad kung pinapalayas nito ang mga komunidad ng mga katutubo, sumisira sa mga ilog at ekosistema,at pinapailalim sa militarisasyon ang mga komunidad na nagtatanggol sa kanilang lupa.”

Nanawagan ang Katribu para sa agarang pagtigil sa mapanirang mga proyektong dam at iba pang malalaking proyektong pang-enerhiya na ipinipilit na itayo sa mga lupang ninuno nang walang tunay na pahintulot ng mga katutubo. Dapat mapanagot sina Marcos Jr, mga ahensya at mga korporasyon sa kanilang paglabag sa karapatan ng mga katutubo at pagsira sa kalikasan, ayon sa grupo.

The post Pandaigdigang araw kontra malalaking dam, ginunita ng mga pambansang minorya at tagapagtanggol ng kalikasan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.