Hindi maiiwasang bumagsak ang produksyon ng isda ngayong Marso dulot ng walang awat na pagsirit ng presyo ng diesel, na ginagamit ng mga mangingisda para makapalaot.

Iniulat ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na dahil sa humigit-kumulang 60% pagtaas sa presyo ng diesel, napipilitan ang maliliit na mangingisda na bawasan ang kanilang oras sa pangingisda mula sa karaniwang walong hanggang 10 oras bawat araw tungo sa apat hanggang anim na lamang.

Ayon sa grupo, ang isang mangingisda na karaniwang gumagamit ng walo hanggang 10 litro ng diesel bawat byahe. Alinsunod sa pinakahuling mga pagtaas kung saan umabot na ng higit ₱80/litro ang presyo ng diesel, dagdag na ₱640 kada araw ang kailangang gastusin ng mangingisda para makapalaot. Dahil dito, marami sa kanila ang napipilitang paikliin ang oras ng pangingisda, habang ang iba ay pansamantala nang tumigil para maiwasan ang mas malaking pagkalugi. Tiyak na itataas ng mas kaunting suplay ang presyo ng mga isda sa merkado, anito.

Binatikos ng Pamalakaya ang programang subsidyo ng gubyerno na “mabagal, lubhang kulang at limitado.” Anito, 23,000 lamang sa 2.7 milyong mamalakaya ang kayang saklawin ng subsidyo na ₱3,000 kada isa. Apat na araw na pangingisda lamang ang matutustusan ng halaga.

Hindi na rin pumapalaot ang mas malalaking barko ng pangisda dahil sa taas ng presyo sa langis. Sa isang bayan sa Misamis Oriental, napabalitang pansamantalang tumigil na pumalaot ang malalaking trawler. Ayon sa may-ari ng mga ito, doble sa dating ₱10,000 ang gastos sa diesel ang kailangan nilang ikarga para makapalaot nang ilang araw.

Sa isa pang ulat, nagbabala ang mga magtatahong sa Metro Manila na maaaring magtaas ang presyo ng tahong sa susunod na mga araw dahil sa taas ng presyo ng langis. Sa kasalukuyan, nasa ₱100 ang benta ng kada galon ng tahong, pero dahil sa mabagal na benta at tumataas na gastusin sa gasolina, maaaring mapilitan silang itaas ang presyo o bawasan ang operasyon.

Panawagan ng Pamalakaya na alisin ang VAT at excise na nakapataw sa diesel na umaabot sa ₱15 sa kasalukuyan. Panawagan din nilang ibasura ang Oil Deregulation Law na nagbibigay-laya sa mga kumpanya ng langis na kara-karaka at walang rendang magtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

The post Suplay ng isda, pinangangambahang babagsak dahil sa taas ng presyo ng langis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.