Nanawagan ang mga grupo ng mga drayber ng dyip sa Cebu at mga rider sa Davao ng agarang pag-alis ng value-added tax (VAT) at excise tax sa mga produktong langis sa harap ng dambuhalang mga pagtaas ng presyo nito sa nakaraang linggo.

Sa Cebu City, pinangunahan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) Cebu ang protesta noong Linggo, Marso 15, sa Caltex Gas Station sa General Maxilom Avenue. Kasama ang mga progresibong grupo, nanawagan ang mga drayber ng pagbabasura sa Oil Deregulation Law, pagtanggal ng VAT at excise tax, at pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon para mabawasan ang lubos na pagsandig ng bansa sa inaangkat na langis.

Ayon sa mga drayber, nahihirapan nang bumili ng pagkain ang kanilang mga pamilya dahil halos lahat ng kinikita nila ay napupunta sa gasolina. Sa unang dambuhalang pagtaas noong Marso 10, nabawasan na ang kanilang arawang kita nang hanggang ₱500. Inianunsyo nila sa pagkilos ang kanilang paglahok sa pambansang welga sa transportasyon simula Marso 19.

Sa Davao City, agarang pagtanggal sa excise tax at VAT sa petrolyo rin ang panawagan ng United Davao Delivery Riders Association (UDDRA). Anito, ang unang serye pa lamang ng pagtaas ay nagdulot ng ng dagdag na gastos na ₱50 hanggang ₱100 kada araw sa mga delivery riders, o sa isang buwan ay katumbas sa isang sako ng bigas.

“Lalo pa nitong babawasan ang dati na naming mababang kita o rebenyu dahil sa kwestyunableng mga pakana ng iba’t ibang kumpanya,” ayon sa UDDRA sa pahayag nito noong Marso 13.

Nananawagan ang grupo hindi lamang sa pambasang gubyerno kundi pati sa lokal na gubyerno na magbigay ng tulong sa sektor at ibang sektor na lubhang nahihirapan dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.

The post Mga drayber sa Cebu, rider sa Davao, nanawagan ng pagtanggal ng buwis sa langis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.