Tila isang kumukulong bulkan ang kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas hatid ng pahirap na neoliberal na patakaran ng estado na ipinataw ng imperyalismo. Sumambulat ngayong Marso ang pagsirit ng presyo ng langis na ibinunsod ng ipinutok na gera ng US-Israel laban sa Iran sa Middle East. Nasa kabilang dulo man ng Asya ang Pilipinas, ngunit ramdam na ramdam ang epekto ng oil price shock. Ito ay dahil sa umaabot sa 98% ng pangangailangan at ginagamit na langis ng Pilipinas ay nagmumula sa Middle East, habang mayroon lamang para sa 60 araw na istak ang bansa. Ito na ang epekto ng kawalan ng pambansang industriyalisasyon, laluna sa sektor ng enerhiya na lubhang iniasa sa dayuhang mga kumpanya. Masahol pa, walang ibang solusyon si Marcos Jr. kundi mga palyadong hakbang para pilit ilihis ang publiko sa tunay na problema ng lipunan.
Sa gitna ng mataas na presyo ng langis at iba pang mga bilihin na sumunod dito, nagtetengang-kawali si Marcos Jr. sa panawagan ng mga Pilipino na ibasura ang mga mapaniil na batas. Wala siyang balak na ibasura ang Oil Deregulation Law (ODL) na isa sa mga salik sa walang rendang pagtataas ng singil sa langis anumang oras naisin ng mga kartel ng langis sa bansa; gayundin ang expanded value added tax na naniningil ng dagdag 12% buwis sa halos lahat ng gastusin ng mamamayan. Umaabot na ngayon ang presyo ng langis sa ₱70-90 habang nangangamba ang buong bansa sa nanganganib na suplay ng langis dahil malaking porsyento ng inimport na langis ay mula sa Middle East.
Bukod sa EVAT pahirap din ang ipinataw na excise tax sa produktong petrolyo kasabay ng pagpapatupad sa TRAIN Law. Sa bisa nito, nakapataw sa kasalukuyan ang P6 buwis sa kada litro ng diesel habang P10 ang buwis sa kada litro ng gasolina. Layunin umano nitong hikayatin ang paglipat sa pagkonsumo ng mga produktong may negatibong epekto sa kalikasan, isang kabalintunaan sa gitna ng katotohanang ito ang mayor na panggatong ng mga Pilipino sa pagpapatakbo ng mga makina at iba pang kagamitan.
Sa pananatili ng neoliberal na patakarang ODL, nagdiriwang ang mga bwitreng kartel ng langis na sinusunggaban ang lahat ng pagkakataon para higit na pagtubuan ang nagaganap na krisis sa lalupang pagpapasirit ng presyo ng langis. Resulta nito ang napakabigat na pasanin sa mamamayang Pillipino laluna sa uring anakpawis. Mayoryang kumokonsumo ng langis ay ang sektor ng transportasyon na bumubuo ng 2/3 ng lahat ng gumagamit (65.5%), serbisyo (11.9%), industriya (7.6%), mga tahanan o households (7%), agrikultura (1%) at iba pa. Nasa 95% ng sektor ng transportasyon ang nakaasa sa langis, kaya’t matinding tama ito sa mga motorista, laluna sa masang tsuper at mga konduktor. Sa ikaapat na araw pa lang ng pagsirit ng presyo ng langis, nabawasan na ang mga namamasadang jeepney sa Maynila. Inaasahang papaimbulog pa ang presyo ng diesel sa susunod na linggo ng ₱19-23 kada litro.
Habang nangangako si Marcos Jr. ng suspensyon sa excise tax sa produktong petrolyo na isinusulong sa kongreso, kapos pa rin ito at dapat na ipanawagan ang pagbabalik sa presyo ng langis kahit bago magsimula ang taong 2026. Gayunman, sinasalubong na ito ng pagtutol ng iba pang mambabatas sa laki ng umano’y mawawala sa kinikita ng gubyerno. Bukod sa pahirap na ang VAT, hindi ramdam ng mamamayan na nababalik sa kanila ang buwis sa anyo ng abot-kayang serbisyong panlipunan at sa halip ay ipinambabayad-utang, kinukurakot ng mga burukrata kapitalista at sa gera ng panunupil nito sa mamamayan at lahat ng lumalaban sa gubyerno.
Sa harap ng krisis, pantapal na solusyon ng rehimeng US-Marcos II ang four-day work week sa tabing ng pagtitipid ng enerhiya at pagbabawas ng konsumsyon ng langis. Nagkunwari pang mapagmahal sa kalikasan para pabanguhin ang sa katunaya’y pampalala sa kalagayan ng masang Pilipinong pumapasan sa krisis at pinsalang hatid ng gera.
Palyatibo ang programang four-day work week dahil kahit paikliin ang oras ng trabaho at pigilan ang pagpasok ng mga manggagawa at iba pang propesyunal upang “magbawas” ng gastos sa langis, mananatili pa rin ang problema sa drastikong pagsirit ng presyo ng langis hanggang sa mga batayang bilihin. Higit rin itong magpapahirap lalo sa mga manggagawa na sumusuhay sa iskema ng neoliberal na patakaran sa paggawa. Higit nitong ihuhulog ang manggagawa sa sapilitang pagpapatrabaho upang pataasin ang kota sa produksyon para mapanatili ang tubo ng kapitalista habang nakapako ang sahod. Higit pang pahirap ito sa mga kontraktwal na manggagawang naisasailalim sa kalakarang “no work, no pay”.
Ang mga kalagayang ito ang nagtutulak sa sambayanan upang lalong magalit sa kainutilan ng rehimeng US-Marcos II. Dapat magkaisa ang buong bayan upang tutulan at ipabasura ang mga palyado at pahirap na patakaran ni Marcos Jr. kasabay ng panawagan para sa subsidyo at kompensasyon sa panahon ng krisis. Sa halip na ipapasan sa mamamayan, dapat ipapasan sa mga dambuhalang kumpanya ng langis ang malaking bahagi ng bigat ng dagdag presyo na tiyak na maliit lamang na kabawasan sa limpak-limpak na salaping kinita nila sa Pilipinas sa nagdaang mga dekada. Dapat igiit ang hakbangin sa pagpapabasura sa mga neoliberal na patakaran gaya ng Oil Deregulation Law, pagbasura sa EVAT at excise tax sa produktong petrolyo na pahirap lamang sa mamamayan.
Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng mamamayang api at pinagsasamantalahan na isagawa ang iba’t ibang anyo ng pagkilos para sa kanilang kabuhayan at karapatan sa gitna ng krisis. Kailangang yanigin ng malaki at malakas na pakikibakang ang nagbibing-bingihang gubyernong Marcos Jr. at igiit ang demokratikong karapatan ng bayan.
Makatarungang isagawa ng mamamayang Pilipino ang mga aksyong protesta upang ipaabot sa rehimeng US-Marcos II ang kanilang karaingan. Kailangang organisahin at idirehe ang lakas ng masang anakpawis—ang mga manggagawa, mala-manggagawa at masang magsasaka na mayor na pumapasan ng neoliberal na patakaran at pinahihirapan ng palyadong solusyon ng estado.
Kailangang maunawaan na ang kasalukuyang krisis na nararanasan ng bayan ay ipinataw ng imperyalismong US dahil sa sukdulan nitong pagkagahaman. Ipinutok nito ang gera sa Middle East upang mamonopolyo ang yaman ng rehiyon at kumita sa pagbebenta ng armas ng military industrial complex nito. Ang mga neoliberal na patakarang liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at de-industriyalisasyon ay matagal nang ikinumpas ng imperyalismong US upang isalba ang naghihingalo nitong ekonomya sa kapinsalaan ng bayan at masang anakpawis. Ang mga dagdag na singil sa buwis ay pakana ng World Bank sa Pilipinas upang lumikha ng pondong pangsalba sa bumubulusok na ekonomya ng imperyalismo. Sa ganito dapat ikawing sa anti-imperyalistang paglaban ang pakikibakang pang-ekonomya ng bayan upang kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya.
Ang pag-unawa ng malawak na mamamayan sa kasalukuyang krisis ng lipunan bilang bahagi ng pangkabuuang sistemang likha ng nabubulok na yugto monopolyo kapitalismo ang susi upang yakapin nila ang ultimong solusyong kaloob ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa paglaganap at paggagap dito ng masang anakpawis, dadaluyong ang pambansa demokratikong pakikibaka ng bayan tungo sa pagpapabagsak ng malakolonyal at malapyudal na estado.
The post Mamamayan ng TK, magkaisa, makibaka laban sa krisis, kahirapang hatid ng rehimeng US-Marcos II appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

